Kahit na may edad na ang mayamang si Don Carlos ay hindi pa rin niya maiwan ang pamamahala sa kanyang tanyag na restawran. Hanggang ngayon kasi ay wala pa rin siyang tiwala sa kanyang anak na si Arthur sapagkat buhay binata pa rin ito. Ni hindi magawa ng binata na tignan man lamang kung paano pinapalakad ng kanyang ama ang nasabing negosyo. Ang nais lamang niya ay humingi ng pera sa ama at mabuhay sa paraang gusto niya.
“Arthur, tumatanda na ako. Hindi magtatagal ay kailangan mo na akong palitan sa aking posisyon. Kailan mo pa nanaisin na alamin ang pasikot sikot sa restawran? Ikaw lang tanging mapag-iiwanan ko ng ating negosyo. Baka kung ako ay manghina ay tuluyan na rin mapabayaan ang restawran. Alam mong dugo at pawis ang ginugol namin ng yumao mong ina para lang maitayo iyon,” sambit ni Don Carlos.
“Dad, wala pa sa isip ko ang mga bagay na ‘yan. Saka mabilis ko na ‘yan matututunan!” pagmamalaki ni Arthur. “Sige, ganito na lang, dad, mangingibambansa muna ako sa kasama ng mga barkada ko sa loob ng dalawang linggo. Pagbalik ko, pangako ko sa inyo, aaralin ko na ang ating negosyo!” sambit ng binata.
Habang nasa bakasyon si Arthur ay lubusan naman ang pagkasubsob ni Don Carlos sa kanilang negosyo. Ang tangi lamang niyang nakakasama ay ang kusinerong si Kris.
“Boss, magpahinga na po kayo at gabi na. Kanina pa po kayong umaga narito,” wika ni Kris sa amo. “Kami na po ang bahala rito. Umuwi na po kayo at magpahinga,” dagdag pa niya.
“Salamat, Kris. Sana ay ganyan din ang pagkapursigido ng aking anak pagdating sa negosyong ito. Natatakot ako na isang araw ay bigla na lamang maglaho ang lahat ng pinaghirapan namin ng asawa ko. Lalo pa ngayon na marami nang nagsusulputan na restawran. Kailangan kong mag-isip ng mga estratihiya na hindi sila bibitaw sa atin,” sambit ng ginoo.
“Hindi ko po hahayaan na mangyari, ‘yon, Don Carlos. Pero mahihirapan ho kami na panatiliin ang estado ng restawran kung wala kayo. Kaya kung ako po sa inyo ay umuwi na po kayo at magpahinga. Halatang pagod na pagod na po kayo,” pag-aalala ng binata.
Malakas ang loob ni Don Carlos na hindi babagsak ang restawran kung siya ay aalis na sa pamumuno sapagkat nariyan pa rin nag mga tapat niyang tauhan. Ngunit ang pinapangamba niya ay sa ugali ng kanyang anak ay kung mananatili pa ang mga ito.
Isang linggo na ang nakakalipas at nasa byahe pa rin ang anak ni Don Carlos. Ngunit sa hindi inaasahang pagkakataon ay bigla na lamang natumba sa kanyang opisina ang matanda. Dahilan ng biglaang pagpapauwi kay Arthur. Nang makita ni Arthur na nagpapahinga ang ama sa kanyang silid kasama ang doktor nito ay napabuntong hininga na lamang ito.
“Kumusta na ang daddy ko?” tanong niya sa doktor.
“Ayos naman na ang kalagayan ng ama mo,” tugon ni Dr. Reyes. “Tumaas ang kanyang presyon. Siguro ay sa sobrang trabaho na rin at stress,” dagdag pa nito.
“Pero ayos na siya ngayon, dok? Hay. Ayos naman na pala ang daddy bakit kailangan pa akong umuwi. Nariyan naman ang kanyang personal maid at personal nurse. Kaya na nila ‘yan!” nanghihinayang na sambit ng binata.
“Hindi biro ang pinagdadaanan ng ama mo ngayon, Arthur. Kailangan niyang magpahinga kung hindi ay baka hindi lamang ganito ang abutin niya. Kailangan ka ng daddy mo ngayon kaya manatili ka sa tabi niya. Ipinapayo ko na hindi na muna siya magtrabaho. Mas maganda nga kung ikaw na ang tuluyang humalili sa kanya,” sambit ng doktor.
“Dad, hindi ko pa kaya. Sabihin mo nga sa doktor na ito na kaya mo pa. Magpapahinga ka lang saglit,” pagpipilit ni Arthur.
“Anak, hindi ko na kaya. Kailangan mo na akong palitan sa negosyo. Ito na ang panahon mo,” sambit ni Don Carlos.
Wala nang nagawa pa siArthur kung hindi sundin ang ama. Sa ilang buwan niyang pamamahala sa restawran ay ganoon na lamang kabilis ang pagkaunti ng mga taong kumakain dito. Hindi na rin nagiging maganda ang estado ng negosyo. Ngunit sa tuwing tatanungin ni Don Carlos ang anak ay ang tanging sinisisi nito ay ang kanilang kusinero na si Kris.
“Hindi masarap magluto ang kusinero ninyo. Siya rin ang dahilan kung bakit hindi sumusunod sa akin ang mga ibang tauhan natin! Siya ang may kasalanan!” tugon ni Arthur sa ama.
Isang araw ay may isang matandang mayamang may kasamang tatlong kaibigan ang nais kumain sa restawran. Umorder sila sa waiter at malugod naman silang pinagsilbihan nito. Makalipas ang ilang minuto ay dumating na ang kanilang mga inorder na pagkain. Sa unang subo pa lamang ng matanda ay agad na itong nagreklamo sa waiter.
“Madalas akong kumain rito pero hindi ganito ang inihahain sa akin. Malamig na ito at matabang. Maaari ko bang makausap ang kusinero?” wika ng matanda.
“Paumanhin po sa pagkain, ginoo. Sige po at makakarating sa aming kusinero. Tatawagin ko po siya. Mangyari pong maghintay lamang po kayo saglit,” magalang na tugon ng waiter.
Nagtungo siya sa kusina at sinabi ito agad sa kusinerong si Kris at agad niyang nilabas ang matanda.
“Paumanhin po. Ngunit ngayon lamang po ito nangyari. Ako po ang kusinero noon pa man at wala pong nagbabago sa aking timpla. Ngunit kung ito po ang inyong nalasahan ay wala po akong karapatan na kwestyonin ang inyong opinyon. Muli po akong humihingi ng paumanhin at papalitan ko po ang pagkain ninyong apat,” lubusang paghingi ng tawad ni Kris sa matatanda.
Nang malaman ni Arthur ang nangyayari ay agad itong lumabas ng opisina at pinigilan si Kris sa kanyang gagawin.
“Sandali, papalitan mong lahat ng kanilang pagkain? Sino’ng magbabayad niyan?” pasigaw na sambit ni Arthur.
Kinuha niya ang tinidor at tinikman ang pagkain.
“Masarap ito at mainit pa hanggang ngayon! Ikaw matanda ka, kung gusto mo lang makalibre sa restawran na ito ay hindi ka makakaisa!” galit niyang wika.
“Iho, huwag kang sumigaw. Hindi ko nagugustuhan ang iyong inaasal. Pwede ko bang makausap ang may-ari nitong restawran, kilala niya ako,” malumanay na wika ng matanda.
“Ako na ang may ari ng restawran na ito! At sinasabi ko na hindi papalitan ‘yang kinain nyo. Kung ayaw nyo ay bayaran nyo na at makakaalis na kayo!” pananaboy ni Arthur. “Akala mo kung sino kang mayaman hindi mo pala kayang magbayad!” dagdag pa nito.
Maya-maya ay hinubad ng matanda ang kanyang pagbabalat kayo. Laking gulat ni Arthur na ang matanda pala ay ang kaniyang ama.
“Ngunit bakit?” pagtataka ni Arthur.
“Alam ko ang puso ng mga tauhan ng restawran na ito at alam kong higit sa ano pa man ay ginagawa nila ang kanilang tungkulin. Kaya naisipan kong magbalat kayo at tignan ang tunay na nangyayari sa negosyo. At tingin ko nga ay tama ka, anak. Tama ka na hindi mo pa kaya,” sambit ng ama.
“Wala ka pang kakayahan na pamunuan ang ating negosyo. Lubusan ang pagkadismaya ko sa iyo. Dahil d’yan kailangan mo pa ng karanasan kung paano ito patatakbuhin. Pansamantala ay tintalaga ko si Kris bilang bagong pinuno ng restawran. Siya ang magtuturo sa iyo ng mga kailangan mong gawin. Hanggang sa panahon na kaya mo na,” dagdag pa ni Don Carlos.
Lubusan ang pagkapahiyang naramdaman ni Arthur. Lalo pa na sa isang kusinerong kaniyang minamaliit noon ang magtuturo sa kanya ng wastong pamamalakad ng restawran.
Sa pamamalakad ni Kris ay nabuhay muli ang restawran. Muli silang dinagsa ng tao. Unti-unting nakita ni Arthur kung paano talaga naging tanyag ang kanilang restawran. Hindi lamang sa masasarap na pagkaing binabalik-balikan ng mga kostumer kung hindi na rin sa mabubuti nilang paglilingkod.