Inday TrendingInday Trending
Ang Lihim sa Basement

Ang Lihim sa Basement

Matagal nang magkakaibigan sina Jon, Mikka at Fred. Nabuo ang grupo nila nung minsang dumalo sila sa isang convention ng mga naniniwala sa paranormal. Dahil magkakasundo ang tatlo ay agad silang naging magkakaibigan.

Kasama sila sa isang grupo ng mga paranormal investigators. Pinupuntahan nila ang mga lugar na may mga kakaibang pangyayari at nilulutas nila ang misteryong nakapalibot dito.

Sa bawat araw na dumaraan ay palalim ng palalim ang mga nararanasan nilang paranormal.

“Guys, tinanggap ko na ‘yung proyektong ibinigay ni Sir Rowan medyo malaki kasi ‘yung ibabayad nung kliyente. Gusto nilang ipa-cleanse ‘yung bahay. ASAP daw,” anunsiyo ni Mikka habang winawagayway ang isang papel sa kaniyang kamay.

“Kailan daw natin pupuntahan?” tanong ni Fred habang naglalaro sa kaniyang cell phone. “Bukas. Kaya pirmahan niyo na itong mga dokumento para makapag-ayos na tayo ng gamit,” sagot ng dalaga.

Lumapit si Mikka kay Jon. Ibibigay niya na sana ang mga dokumento sa binata para mapirmahan na ito ng kanilang mga kasama nang tumingin sa kaniya si Jon habang itinuturo nito ang mga tarot cards na nasa lamesa.

“Kailangan nating mag-ingat. Dapat ay handa tayo sa kung ano man ang maaaring mangyari. Iba ang sinasabi ng baraha,” saad ni Jon sa kaniyang mga kaibigan.

Kinilabutan si Mikka ngunit isinawalang bahala niya na lang ang sinabi ng binata. Medyo nahihiwagaan kasi siya sa lalaki dahil isa itong psychic habang siya naman ay bukas ang kaniyang third eye.

Inaaral rin ng pamilya ni Mikka ang paggawa ng mga barrier.

Si Fred naman ay may kakayahan na magtawag ng mga elemento. Ang tawag nga sa kaniya ng mga nakatatanda sa kanilang grupo ay “sacrificial lamb” dahil siya ang madalas na ginagawang pain upang mahuli ang mga elemento o espiritu na nasa lugar.

Maaga pa lamang ay nasa biyahe na ang grupo. Si Mikka ay nasa unahan ng sasakyan at walang tigil ang pagdaldal niya sa kanilang driver. Si Fred ay natutulog sa likod ng sasakyan at si Jon naman ay nagme-meditate sa tabi ng lalaki.

“Mikka, malapit na ba tayo?” tanong ni Jon habang nakatingin sa labas ng bintana at minamasdan ang mga punong nadaraanan nila.

“Oo, mga limang minuto na lang ang layo natin doon. Sana ay may gwapong anak ‘yung may-ari ng bahay para naman may inspirasiyon! Kyah, pengeng jowa!” sabi ng dalaga habang tumatawa ng malakas.

Dahil sa lakas ng pagtawa ng dalaga ay nagising si Fred na inis na inis. “Kapag may engkanto doon sumama ka na nga agad! Ang ingay!” bulyaw pa ng binata kay Mikka.

Natawa na lamang si Jon at ang driver habang ang dalaga ay napasimangot na lang.

Nang makarating sila sa bahay ay agad silang pinagbuksan ng kasambahay. Masasabing naaalagaan ng maayos ang bahay dahil malinis ang paligid. Agad naman silang pinapasok at sinalubong ng may-ari.

“Magandang umaga po. Kami po pala ‘yung mga paranormal investigators. Ako po pala si Mikka at sila naman po sina Jon at Fred,” pagpapakilala ng dalaga. Nagpakilala din naman ang mga may-ari na sina Hermie at Edwin.

Tinawag ni Hermie ang kanilang kasambahay. “Manang, pakihatid naman po sila sa kwartong tutuluyan nila. Pagkatapos niyong maiayos ang mga gamit niyo ay bumaba na kayo upang makakain na tayo ng tanghalian,” pahayag ng babae sa kanila.

Agad na tinungo ng grupo ang kwartong tutuluyan nila at agad na inayos ang kanilang mga gamit.

“Guys, ako lang ba o parang wala naman akong nararamdaman dito?” tanong ni Jon sa grupo.

“Kahit ako wala akong nararamdaman na lumalapit o humahawak sa akin. Bakit kaya ganoon?” tugon ni Fred.

“Maging ako man ay wala akong makita pero ayoko munang gumawa ng konklusyon. Maaaring nagtatago lamang sila dahil umaga pa,” saad naman ni Mikka.

Agad silang bumaba at tahimik na sinaluhang kumain ang mag-asawa.

“Tito, tita, matanong ko lang po. Ano po ba ang mga naramdaman niyo rito nitong mga nakaraan?” tanong ni Jon na bumasag sa katahimikan.

“Nung una ay may nagpap*tay at nagbubukas lamang ng ilaw ngunit habang tumatagal ay may nagbubukas na rin ng pinto at isinasara din ito ng malakas. Minsan naman ay binabasag ang mga plato at plorera. Ang pinakamalala ay nung nagpunta dito ang mga kasamahan namin sa simbahan. Bigla na lamang nagkalabugan ang mga gamit sa ikalawang palapag na para bang may nagwawala doon ngunit noong akyatin namin ito upang tignan kung ano ang nangyari ay maayos naman ang lahat ng mga gamit,” kuwento ni Hermie habang sumasang-ayon lang sa kaniya si Edwin.

Sumilip na ang dilim at tinipon na ng grupo ang may-ari at mga kasambahay sa sala ng bahay. “Uumpisahan na po nating imbestigahan ang mga misteryosong nagaganap dito sa bahay ngunit kung ano man po ang makita o maramdaman ninyo ay huwag po kayong titingin o sisigaw,” babala at pagbibigay diin ni Mikka.

Nagdasal muna silang lahat at humingi ng patnubay galing sa Diyos. Bumulong na si Mikka upang simulan ang ritwal at ang paggawa ng barrier upang hindi makalabas ng bahay ang kung ano mang gumagambala sa pamilya nina Hermie at Edwin.

Nilagyan din ng dalaga ng barrier ang hugis bilog na iginuhit niya sa sahig gamit ang asin kung saan naroroon ang mag-asawa at mga kasambahay nito.

Nagsimula nang umikot ang magkakaibigan sa bahay at pinakiramdaman nila ang paligid.

Nakailang ikot na ang grupo at wala pa rin silang masagap na kahit ano. Lahat na ng paraang alam nila ay nagamit na nila pero walang gumagana.

Pabalik na sana sila sa sala nang biglang may sumitsit sa kanilang tatlo.

Agad naman silang napatingin kung saan nanggaling ang kanilang narinig nang biglang may sum*kal kay Fred. Napaigtad ang binata at natumba. Agad ding nawala ang lalaking kulay itim na sum*kal kay Fred.

“Fred!” sigaw nina Jon at Mikka sabay takbo papalapit sa binata.

Sa kalagitnaan ng panggigising nila kay Fred ay bigla na lang itong nagmulat ng mga mata at tumakbo papunta sa sala.

Agad din siyang sinundan ng dalawa.

Tumakbo si Fred sa pinto na nasa ilalim ng hagdan at pilit niya itong binubuksan.

“Huwag! Huwag kayong pumasok diyan! Wala naman kayong makikita diyan!” sigaw ni Hermie.

Patuloy pa rin sa pagpilit si Fred na buksan ang pinto.

“Ma’am, pasensiya na pero kailangan po naming pumasok sa basement…” Hindi pa tapos magsalita si Mikka nang biglang nasira ang padlock ng pinto.

Nang bumukas na ang pinto ay walang anu-anong tumakbo ang tatlo papasok sa loob. Sumunod sa kanila ang mag-asawang sina Hermie at Edwin.

Madilim ang daan pababa ngunit may ilaw sa dulo nito. Ilaw na nanggagaling sa kandila.

Nang marating nila ang pinakababang bahagi ng basement ay halos walang salita ang makapagpapaliwanag sa kanilang nakita.

Isang babae ang nakaposas sa kama. Kalunos-lunos ang itsura nito.

Ngunit ang nakapagpagimbal sa tatlo ay ang demonyong tumatawa habang nakaupo sa tiyan ng babae.

Sa takot ay napaupo si Mikka sa sahig habang tumutulo ang luha sa kaniyang mga mata. Si Fred naman ay tila natameme sa kaniyang nasasaksihan.

Agad na tumingin si Jon sa mag-asawa at galit na sumigaw. “Anong ginawa niyo?”

Napaiyak na lamang ang mag-asawa. “Patawad! Patawad! Hirap na hirap kami noon. Halos wala na kaming makain. Mas mahirap pa kami sa daga. Sa kalsada na lang kami natutulog. Ngunit may lalaking nag-alok sa amin ng kayamanan kapalit ng panganay naming anak. Dahil sa kagipitan ay tinanggap namin ang kaniyang alok. Wala na kaming magawa. Hindi na namin alam kung ano ang aming gagawin. Pawatarin niyo kami,” sagot ng mag-asawa.

Tinalikuran ni Jon ang mag-asawa at maawtoridad na nagsalita. “Mikka, tumayo ka na. Fred, umayos ka. Simulan na natin. Kung ano man ang mangyari huwag kayong mawawalan ng pag-asa.”

Mangiyak-ngiyak man ay nagsimula ng magbigkas si Mikka ng orasyon upang maproteksyunan sila. Gumawa rin siya ng barrier upang hindi makalabas ang demonyo sa basement.

Si Fred naman ay tinulungan si Jon sa kaniyang paghahanda pagkatapos ay umupo siya sa isang gilid at sinimulan ang kaniyang pagdarasal diretso sa Panginoong Diyos.

Papalapit na si Jon sa babae nang sugurin siya ng demonyo kaya’t napasigaw ang mag-asawa.

Napatigil ang demonyo sa harap ni Jon at tila hindi nito maikilos ang kaniyang mga kamay para saktan ang binata.

Bumulong si Jon at bumuga ng malakas na hangin dahilan upang mapatalsik ang demonyo.

Tumayo ang demonyo at sumigaw ng kagimbal-gimbal na tunog na parang pinagsama-samang boses ng iba’t ibang uri ng hayop at muling sumapi sa katawan ng babaeng nakaposas.

Agad namang inilabas ni Mikka ang asin at Bibliya. Ibinudbod niya ang asin sa palibot ng babaeng nakaposas.

Sinimulan na nilang tanggalin ang pagkakasapi ng demonyo sa katawan ng babae. Tumagal ng ilang oras ang ritwal. Mababatid na ang hirap at takot sa mukha ng babae.

Pagkatapos ng ritwal ay lumapit si Jon sa babae.

“Sino ka? Magpakita ka! Huwag kang magtago sa ilaw!” sigaw ng demonyo sa binata.

Natulala na lang ang demonyo at tumingala. Kitang-kita ang takot sa mukha nito. “Huwag! Huwag! Hindi! Huwag!” ‘Yon lang ang sinabi ng demonyo bago biglang nawalan ng malay ang babae.

Kitang-kita nina Fred at Mikka ang malaking taong may pakpak sa likod ni Jon habang ginagawa niya ang huling parte ng ritwal. Isang anghel ang nasa likod ng binata.

Nakita rin nila ang espada nito na may napakaliwanag na apoy. Itin*rak ito ng anghel sa demonyo bago ito biglang nawala.

Nang umalis ang tatlo sa bahay ay kasama nila ang babaeng ikinulong ng mag-asawa sa basement. Dinala nila ito sa isang kumbento. Ipinaliwanag nila ang kalagayan ng babae at tinanggap naman ng namamahala ng kumbento ang babae.

Hindi na tinanggap ng tatlong paranormal investigators ang bayad ng mag-asawa dahil alam nilang sa kasamaan nanggaling ang pera. Hinayaan na lang nila ang mag-asawa at ipinasa-Diyos na lamang nila ang lahat.

Hindi tumigil ang tatlo sa pagtulong sa mga nangangailangan. Dahil sa anghel na nasaksihan nina Fred at Mikka ay lalong tumibay ang loob ng dalawa na hindi sila nag-iisa tuwing nakikipagtunggali sila sa mga masasamang elemento.

Advertisement