
Aliping Inalipusta, Heredera Pala
“Hoy, Alice! Nalabhan mo na ba ‘yung bestida na susuotin ko mamaya sa party ni Matthew?” mataray na tanong ni Queenie sa dalaga.
Si Alice at ang kaniyang ina ay nagsisilbi bilang mga katulong sa pamilya ni Queenie. Magka-edad lamang ang dalawang dalaga. Iisa lang din ang paaralang kanilang pinapasukan. Ang mga magulang ni Queenie ang nagpapaaral kay Alice.
“Ah, oo, Queenie. Nasa loob na ng kwarto mo at naplantsa ko na rin,” nakangiting sagot ni Alice sa kaniyang amo.
“Mabuti naman.” Umismid pa si Queenie bago siya umakyat sa kwarto niya para maghanda na sa party ng kanilang kaklaseng si Matthew.
Bata pa lamang si Queenie ay hindi na niya gusto si Alice. Para sa kaniya ay masyadong pabibo ang dalaga. Madalas kasi itong purihin ng kaniyang mga magulang dahil mabait at masunurin ito. Hindi kagaya niya.
Pati sa eskuwelahan ay madami ang may gusto kay Alice. Matalino din kasi ito kaya naman madami talaga ang nakikipagkaibigan dito.
Pero ang pinakakinaiirita ni Queenie ay nung nagkagusto ang kaisa-isang lalaking pinagpapantasyahan niya sa alipin niyang si Alice.
Bakit mas nagustuhan ni Matthew ang dukhang si Alice kaysa sa kaniya na isang prinsesa?
Nasisira talaga ang araw ni Queenie kapag naaalala niya ang katotohanang iyon kaya naman madalas niyang pahirapan si Alice. Sobra talaga ang pagkainis niya sa dalaga.
Ilang oras pa ang lumipas at nagtungo na si Queenie sa bahay ni Matthew para sa party ng binata kasama ang mga sosyal niyang kaibigan.
Masayang nagkakasiyahan ang lahat nang bigla na lang naagaw ng isang dalaga ang kanilang atensyon.
Si Alice!
“Oh, my god, Queenie. Isn’t that your alipin? Anong ginagawa ng chimay mo sa party na ‘to?” maarte at parang nandidiring tanong ng isang kaibigan ni Queenie.
Simple lang ang suot na bestida ni Alice ngunit lumilitaw ang natural na ganda ng dalaga kaya naman nakakaagaw siya ng atensiyon sa party.
Naiiritang nilapitan ni Queenie at ng mga kaibigan nito ang dalaga.
“What are you doing here?” tanong ni Queenie kay Alice. “Pinapahiya mo ako. You don’t belong here,’ pabulong na saad pa ng dalaga.
“Ha? Pero inimbitahan din ako ni Matthew,” sagot ng dalaga sa kaniyang amo.
“Umalis ka na. Go home. Now!” pabulong pa ring saad ni Queenie.
Tinignan lang siya ni Alice na mas ikinairita ng dalaga. Kumuha siya ng inumin mula sa dumaang waiter na may dalang mga alak.
“Ayaw mong umuwi? Sige. I’ll make you leave then,” pahayag ng dalaga bago niya ibinuhos sa ulo ni Alice ang alak na hawak niya.
Napasinghap ng malakas si Alice dahil sa ginawa ng amo niya.
Nagtawanan ang mga bisita dahil nakita nilang parang basang sisiw si Alice.
Napangiti si Queenie dahil nakita niya kung paano napahiya ang babaeng labis niyang kinaiinisan.
Tumakbo paalis ng bahay ni Matthew si Alice dahil sa sobrang kahihiyang naranasan niya. Hindi niya napigilan ang kaniyang sarili na umiyak dahil sa sobrang sama ng loob.
Kinabukasan ay nagulat ang lahat ng may mga lalaking nagpunta sa tahanan nila Queenie at hinahanap ng mga ito si Alice.
Labis na takot ang naramdaman ni Alice dahil wala siyang ideya kung bakit siya hinahanap ng mga lalaki.
“Ano po ang sadya niyo kay Alice?” tanong ng ina ni Alice sa isa sa mga lalaki.
“Ikaw ba si Mirasol? Ang babaeng nakapulot kay Alice noong siya ay sanggol pa lamang?” walang anu-anong tanong ng lalaki sa ina ng dalaga.
Nagulat ang mag-ina. Paano nalaman ng mga ito na napulot lamang si Alice ng kaniyang ina sa daan?
“Opo. Paano niyo nalaman ang bagay na iyon?” magalang na sagot ni Aling Mirasol.
“Hindi na mahalaga iyon. Miss, may gusto po sana kaming makita bago ka namin isama,” pahayag ng lalaki nang lumapit ito kay Alice.
“Ano po iyon?” kinakabahang tanong ng dalaga. “Ang balat mo na hugis puso na makikita sa pagitan ng iyong dibdib at leeg,” sagot ng lalaki.
Bagama’t nagtataka si Alice kung paano ito nalaman ng lalaki ay ipinakita niya pa rin ang kaniyang balat.
“Ikaw nga. Maraming salamat po. Maaari ka bang sumama sa amin ngayon? May isang taong sabik na sabik nang makita kang muli. Ang iyong lolo,” nakangiting saad ng lalaki kay Alice.
Hindi makapaniwala ang dalaga sa kaniyang narinig. Kailanman ay hindi niya pinangarap na makikita niyang muli ang kaniyang tunay na pamilya dahil ang buong akala niya ay itinapon siya ng mga ito sa daan.
Sumama si Alice sa mga lalaki at nagtungo sila sa isang napakalaking mansiyon. Halos lumuwa ang kaniyang mga mata sa laki at ganda ng buong bahay.
Dinala siya ng mga lalaki sa sala ng bahay kung saan naghihintay sa kaniya ang isang matandang lalaki at mga katulong na nakahilera sa paligid ng matanda.
“Apo ko, ikaw na ba iyan, Princess?” naiiyak na tanong ng matanda pagkakita niya kay Alice. Agad na lumapit ang matanda sa dalaga at niyakap niya ito ng mahigpit. Yakap na punung-puno ng pangungulila at pagkasabik.
“Alice po ang pangalan ko. Ahm… Sino po kayo? Kayo po ba ang lolo ko?” magalang na tanong ng dalaga sa matanda.
Halo-halong emosyon ang nararamdaman ng dalaga kaya hindi niya alam kung paano ba siya dapat umasta.
“Alam ko, hija. Pero Princess talaga ang tunay mong pangalan. Pasensiya ka na kung ngayon ka lang nahanap ni lolo. Noong sanggol ka pa lang ay ninakaw ka ng isa sa mga kalaban ng ating pamilya sa negosyo. Tinangay ka nila at basta na lamang iniwan sa daan. Hindi tumigil ang iyong mga magulang sa kakahanap sa’yo hanggang sa isang gabi ay nabangga ang kanilang sasakyan kaya maaga silang binawian ng buhay,” malungkot na paliwanag ng lolo ng dalaga.
Tumulo ang luha ng matanda. Muli nitong niyakap ang kaniyang apo. “Pero ngayon ay nahanap na kita, apo. Hinding-hindi na ulit hahayaan ni lolo na magkahiwalay pa tayong dalawa.”
Nang marinig ng dalaga ang mga salitang iyon ay naramdaman niya ang pagmamahal na matagal niya nang hinahanap. Bagama’t mahal siya ng kaniyang kinagisnang ina ay iba pa rin talaga kapag alam mong kadugo mo ang nagmamahal sa’yo.
Niyakap din ng dalaga ang kaniyang lolo. “Salamat po sa hindi niyo pagsuko sa paghahanap sa akin,” puno ng sinseridad na pahayag niya sa kaniyang lolo.
Doon na sa mansiyon nanirahan si Alice kasama ang kaniyang lolo at ang kinagisnan niyang ina.
Mabilis ding kumalat ang balita na isang heredera pala ang dalaga sa kanilang eskuwelahan.
Napag-alaman din ni Alice na kasosyo pala sa negosyo ng kaniyang lolo ang pamilya ni Queenie. Dahil dito ay walang nagawa si Queenie kung ‘di ang humingi ng tawad sa lahat ng kaniyang nagawa sa dalaga.
“I’m sorry sa lahat nang nagawa ko sa’yo, Alice,” nakatungong paghingi ng paumanhin ni Queenie sa dalaga.
“Pinapatawad na kita, Queenie. Nakalipas na naman, eh. Sana lang ay huwag mo nang ulit gagawin iyon,” nakangiting sagot ni Alice.
“Pangako,” saad ni Queenie at niyakap niya ang kaniyang kababata. Hindi niya akalaing papatawarin siya nito ng ganoon kadali lang.
Simula noon ay naging matalik na magkaibigan na si Queenie at Alice. Unti-unting nagbago si Queenie dahil napagtanto ng dalaga na siya naman pala talaga ang may mali at hindi si Alice. Ginaya niya ang ehemplo ni Alice at tuluyan nang nagpakabait na labis namang ikinatuwa ng lahat.