Inday TrendingInday Trending
Maganda ang Babaeng Napangasawa ko

Maganda ang Babaeng Napangasawa ko

Nang makilala ni Santi si Irish ay agad na nahulog ang puso niya sa babae. Bukod kasi sa mabait ito ay taglay pa ni Irish ang pinakamagandang mukha sa balat ng lupa.

Matiyaga niya itong niligawan upang makamit lamang ang matamis nitong oo. Hindi naman siya nabigo dahil makalipas lamang ang dalawang buwan na panliligaw ay sinagot din siya nito. Mabilis na lumipas ang panahon at anim na buwan na silang magka-relasyon at hindi na siya makapaghintay na maging asawa na niya si Irish, kaya naman niyaya niya itong magpakasal sa kaniya at agad naman itong pumayag kaya siya na ang pinakamasayang lalaki sa buong mundo.

“Mahal na mahal kita Irish,” buong pagmamahal na wika ni Santi sa harap ng mga manunuod at sa harap ng Diyos Ama.

“Ako rin Santi, mahal na mahal kita,” buong pusong sagot naman ni Irish sabay halik sa labi ni Santi at agad na lumukob ang hiyawan sa buong paligid.

Masaya naman silang nagsasama at magkasundong-magkasundo sila sa mga bagay. Alam nilang kakayanin nila ang lahat ng problemang darating sa buhay nila. Isang araw ay nagpaalam si Irish na sasama sa mga kaibigan.

“Papayagan mo ba ako mahal?” malambing na tanong ni Irish sa kaniya.

“Paano ko naman mahihindian ang mahal kong asawa kong ganyang nagpapa-cute ka sa’kin?” nakangiting wika ni Santi.

“Thank you so much mahal,” masayang wika ni irish sabay halik sa labi niya.

Abala si Santi sa pagtatrabaho ng biglang may tumawag sa kaniyang hindi niya kilalang numero.

“Sir pumunta po kayo ngayon dito sa ospital, nandito po ang asawa niyo. Isa po siya sa mga na rescue ng team namin sa nasunog na disco bar,” sambit ng boses lalaking sa hinala niya’y kung hindi ito pulis ay isa itong bumbero.

Agad na iniwanan ni Santi ang kaniyang trabaho upang puntahan ang kaniyang asawa kung nasaang ospital man ito naroroon. Anong nangyari? Ang buong akala niya ay magsasaya ito kasama ang mga kaibigan. Bakit ngayon ay nasa ospital na ito?

“Kumusta na po ang lagay ng asawa ko, doc?” hinihingal na tanong ni Santi sa doctor na nag-alaga kay Irish. Hindi niya kakayanin kung sasabihin nitong wala na ang kaniyang pinakamamahal na si Irish.

“Maayos na po ang lagay ng misis ninyo. Kaso kailangan pa rin niya ng matinding gamutan dahil sa natamong sugat galing sa pagkasunog. Nasunog po ang kaliwang braso ng misis niyo pati na ang kaliwang bahagi ng kaniyang mukha,” malungkot na balita nito.

“Ano po?” hindi makapaniwalang wika ni Santi.

Ang dating magandang mukha ni Irish ay nagbago na. Nasunog ang kaliwang bahagi ng mukha nito pati ang braso. Malayong-malayo sa dating itsura nito. Hindi na maganda si Irish at nakakadiri na ang kulubot ng mukha nito dahil sa pagkasunog.

“Hindi na ako maganda Santi,” humahagulhol na wika ni Irish.

“Siguro ngayon nagbago na rin ang damdamin mo sa’kin at hindi mo na ako mahal. Pinandidirihan na ako ng mga taong nakakasalubong ko,” patuloy nito.

Agad niyang niyakap ang asawa upang pawiin ang lungkot na nararamdaman nito. “Mahal kita Irish, kahit ano pa man ang itsura mo. Huhusgahan ka ng ibang tao pero hinding-hindi ko gagawin iyon,” madamdaming wika ni Santi.

“Kahit nakakadiri na ang mukha ko? Sinasabi mo lang iyan dahil asawa mo ako,” wika pa nito.

“Ikaw pa rin ang mahal ko Irish. Ikaw pa rin ang babaeng pinakasalan ko. Nasunog lang ang mukha mo pero walang nagbago sa’yo,” wika ni Santi sabay siil ng halik sa labi ng asawa. “Mahal pa rin kita,” dugtong niya.

Naaawa siya sa nangyari kay Irish kaya ipinangako niya ritong ipapaayos niya ang mukha nito. Hindi man bumalik ang dating ganda ng asawa, pero kahit papaano ay bumalik man lang ang dating sigla nito. Ang laki na kasi ng ipinagbago ni Irish, hindi na ito halos lumalabas sa bahay dahil nahihiya itong mahusgahan.

Makalipas ang tatlong taon. May naipon ng sapat na pera si Santi upang ipa-plastic surgery ang kaniyang asawa.

“Ayoko! Ayokong magpa-plastic surgery Santi! Bakit hindi mo ba kayang makita ang pangit kong mukha!” galit na wika ni Irish.

“Irish, hindi ko ginagawa ‘to para sa sarili ko. Ginagawa ko ‘to para sa’yo! Mula nung nasunog ang mukha mo ay nawalan ka na ng ganang mabuhay. Kaya nagsikap akong makapag-ipon upang mapaayos ang mukha mo, hindi dahil mas komportable ako kapag maganda ka kung ‘di para maibalik ang bilib mo sa sarili,” pakiwanang ni Santi. “Ayokong nakikita kang malungkot dahil sa nangyari sa’yo noon. Hangga’t may kaya akong gawin, gagawin mo. Maibalik ko lang ang ngiti sa labi mo,” mangiyak-iyak na wika ni Santi.

“Patawarin mo ako Santi,” humahaguhol na niyakap ni Irish ang asawa. Para sa ikakabuti ng sarili niya at para na rin kay Santi ay pumayag si Irish na magpa-plastic surgery.

Tama ang asawa, malaki ang ipinagbago niya mula nung nasunog ang mukha niya. Kung babalik siya sa dati sa pamamagitan ng surgery bakit hindi niya gawin. Kinakabahan man si Irish ay nagtiwala siya sa sarili. Kakayanin niya ang isang araw mahigit na surgery. Kakayanin niya para sa sarili at para na rin sa kaniyang asawa.

Makalipas ang tatlong buwan, matapos ang tiis ganda ay nakita na rin ni Irish ang magandang resulta ng kaniyang plastic surgery. Hindi man kasing ganda ng mukha niya noon, pero mas malaki ang ipinagbago mula sa sunong niyang mukha kaysa ngayon.

“Maraming-maraming salamat mahal, dahil hindi mo ako sinukuan,” buong pasasalamat na wika ni Irish.

“Basta para sa’yo mahal. Gagawin ko ang lahat, makita lang kitang masaya,” wika ni Santi, sabay siil ng halik sa labi ng asawa.

Nagbago man ang mukha ni Irish ay hindi naman nagbago ang pagmamahal ni Santi sa kaniya. Pinatunayan lang nito ang pagmamahal niya sa babae nung nasunog ang mukha ni Irish. Kung tunay at wagas ang pagmamahal mo sa isang tao, magbago man ang itshura nito. Mananatili at mananatili ang pagmamahal mo sa kaniya kahit anong mangyari. Katulad na lang sa pagmamahal ni Santi kay Irish.

Advertisement