Ang Naburang Alaala ni Joshua

Bagong kasal si Joshua at si Angel, kaya ngayon ay dinaraos nila ang kanilang honeymoon sa lugar na noon pa nila nais mapuntahan.

“Masaya ka ba babe?” malambing na tanong ni Joshua habang nakayakap sa likuran ng asawa.

Agad namang tumango si Angel bilang tugon. “Walang paglagyan ang saya ko babe. Thank you ah,” wika ni Angel.

“Basta para sa’yo gagawin ko ang lahat, makita lang kitang masaya,” wika ni Joshua sabay halik sa ibabaw ng buhok ni Angel. Walang paglagyan ang saya nilang dalawa dahil matapos ang walong taon sa wakas ay naikasal na rin sila. Marami man ang nangyari sa buhay nila ay nalampasan nilang lahat iyon.

“Aalis muna ako babe pupunta ako sa palengke,” paalam ni Joshua.

“Sasama ako babe,” lambing na wika ni Angel sa asawa.

“Dito ka na lang. Gusto kitang ipagluto kaya ako na ang pupunta doon. Gusto kong alagaan kita sa espesiyal na araw natin, baka kasi kapag nakauwi na tayo hindi ko na magawa ito. Alam mo naman na magiging abala na naman ako sa pagtatrabaho,” malambing na wika ni Joshua sabay gawad ng magaan na halik sa labi ni Angel.

“Sige na nga. Basta balik ka kaagad ah,” nakangiting wika ni Angel.

Advertisement

Lumipas ang dalawang oras ay hindi pa rin nakakabalik si Joshua, kaya nakaramdam na ng pag-aalala si Angel. Bumangon siya upang dumungaw sa bintana kung nandoon na ba ang asawa niya, kaso wala pa rin ito.

“Malayo ba ang palengke sa lugar na ito?” tanong ni Angel sa sarili. Tunog ng telepono ang nagpabalik sa isipan ni Angel. “Hello,” agad niyang bungad.

“Hello ma’am, may tumawag po sa’min. Iyong asawa niyo po yata naaksidente, nandoon po siya ngayon sa ospital. Kung gusto niyo po ay ihahatid namin kayo doon,” marami pang sinabi ang babaeng nasa kabilang linya ngunit wala ng maintindihan si Angel, basta na lang umagos ang luha niya dahil sa nalaman.

Ilang araw din siyang nanatili sa Hospital na pinagdalhan kay Joshua. Ang honeymoon na dapat ay masaya, kabaliktaran ang nangyari dahil puno ng pag-aalala ang nasa puso’t-isip ni Angel.

Makalipas ang siyam na araw ay nagising si Joshua na walang maalala tungkol sa kaniya. Kilala nito ang sariling pamilya, ang mga kaibigan nito at ang first love nitong si Keanna, pero hindi siya. Pinaliwanag sa kaniya ng doctor kung anong klase ang sakit ni Joshua at kung bakit siya lamang ang nakalimutan nito.

“Nandito na tayo sa bahay natin babe,” nakangiting wika ni Angel sa asawa.

“Bahay ko ba ito? Totoo bang ikaw ang asawa ko?” dudang wika ni Joshua.

“Oo ako ang asawa mo babe. Hayaan mo tutulungan kitang makaalala,” wika ni Angel.

Advertisement

Gaya ng kaniyang ipinangako ay tinutulungan niya si Joshua na makaalala ulit. Ngunit imbes na maalala siya nito ay nagagalit ito sa kaniya at mas nais pa nitong tumira sa bahay ng mga magulang kaysa sa bahay nila.

“Pero nandito ako Joshua, nandito ang bahay mo. Mag-asawa tayo,” naiinis na wika ni Angel nung minsang nagpumilit si Joshua na nais nitong umuwi sa bahay ng mga magulang.

“Pero hindi ko alam kung totoo ba ang sinasabi mo. Hindi ko alam kung ano ba ang nangyayari, hindi kita kilala. Wala akong matandaan na naging parte ka ng buhay ko!” galit ding wika ni Joshua. “Hindi ako komportableng makasama ka. Pakiusap hayaan mo muna ako,” nakikiusap na wika pa nito.

“Pero paano ako? Paano ako kapag wala ka dito?” umiiyak na wika ni Angel.

“Hindi ko alam. Basta ang alam ko hindi ikaw ang mahal ko kung ‘di si Keanna. Ang lahat ng naaalala ko ay papunta kay Keanna, wala akong maalalang tungkol sa’yo,” pag-amin ni Joshua.

Ito na yata ang pinakamasakit na narinig niyang sinabi ni Joshua. Gusto niya itong unawain dahil sa lagay nito, pero hindi niya mapigilan ang pusong masaktan sa nalamang hindi na siya mahal ng lalaking walang bukambibig noon kung ‘di ang mahal na mahal siya nito.

Hinayaan niya si Joshua na doon muna tumira sa bahay ng mga magulang nito. Iyon nga siguro ang dapat niyang gawin ang palayain na muna ito, pansamantala. Lagi niyang hiling ay sana maaalala na ulit nito ang tungkol sa kaniya. Kahit may nababalitaan siyang nanliligaw ulit ito sa girlfriend nito noon na si Keanna ay wala siyang ginawa. Maghihintay siya, hihintayin niya kung kailan siya maaalala ng isip nito.

Isang nakakapagod na gabi ay bigla siyang nagulat ng makita si Joshua sa bahay nila.

Advertisement

“Nagbalik ka na,” mangiyakngiyak na wika ni Angel.

“Dito ako hinatid ng mga paa ko, matapos sumakit ang ulo ko kanina,” sagot nito. “Hindi ko alam kung bakit bigla ka na lang lumitaw sa isipan ko. Pero kanina sigurado akong ikaw ang hinahanap ko matapos mawala ang sakit ng ulo ko. Naguguluhan pa rin ako pero ngayong nakita kita ay sobrang saya ang nararamdaman ko, pakiramdam ko kumpleto na ulit ako,” mangiyak-iyak na wika ni Joshua.

Niyakap lang ni Angel ng mahigpit si Joshua dahil wala siyang mahagilap na sasabihin.

“Tulungan mo ako Angel na maalala ka. Na maalala ang lahat,” umiiyak nitong wika sabay yakap sa kaniya ng mas mahigpit.

“Tutulungan kita Joshua, pangako ko iyon. Huwag ka nang umalis ulit ha, mahal na mahal kita,” wika ni Angel.

“Nararamdaman kong mahal ka ng puso ko. Pero hindi pa sigurado ang isipan ko,” prangkang wika ni Joshua.

“Ayos lang. Babalik din ang alaala mo, maghihintay ako Joshua. Pangako iyon,” wika ni Angel.

Ginawa nilang dalawa ang lahat maibalik lang ang alaala ni Joshua, hindi niya hinahayaang ipagpaliban nito ang niresetang gamot ng doctor. Hindi pa rin naaalala ni Joshua ang lahat. Ngunit naaalala siya ng puso nito. Hindi naman importante ang nakaraan, mas mahalaga pa rin ang ngayon. Kaya gagawa sila ng mas maraming bagong memorya pupunan nilang dalawa ang nakaraang nakalimutan na ng isipan ni Joshua.