Inday TrendingInday Trending
Palagi na Lang si Anthony

Palagi na Lang si Anthony

Biniyayaan ang mag-asawang Girlie at Denver ng anim na anak. Lima sa naging anak nila ay pawang mga normal ngunit ang kanilang bunsong anak ay isinilang na may kakulangan sa pag-iisip. Ito ay pinangalanan nilang Anthony.

Bukod sa problema sa pag-iisip ay malambot din ang mga paa nito. Habang lumalaki si Anthony ay kailangan pa nila itong alalayan sa paglalakad para hindi mabuwal. Ang bibig nito ay nakakibit kaya kung magsalita ito ay mahirap maintindihan.

Kahit naman ganoon ang kalagayan ng kanilang anak ay mahal na mahal ito ng mag-asawa. Noong maliit pa ito ay palitan sina Girlie at Denver sa pag-aalaga. Kailanman ay hindi kinakitaan ng pagod ang mag-asawa sa pag-aalaga sa anak. Kahit nasa tamang edad na ay palagi pa ring nakasunod kay Anthony ang mga magulang lalong-lalo na ang ina. Inaakay pa rin ni Girlie ang anak saan man ito magpunta. Sa pagkain ay sinusubuan din ito at araw-araw na pinaliliguan. Masasabi na ang malaking panahon ni Girlie ay kay Anthony lamang naiuukol.

“O anak, oras na para maligo,” sabi niya sa anak.

“Talaga nanay ligo ako? Sige, sige buhusan mo ako nanay ng tubig,” tuwang-tuwang wika ni Anthony.

Ang hindi alam ng mag-asawa ay nagseselos na ang iba pa nilang anak. Napapansin ng mga ito na mas malaking oras ang ibinigay nila kay Anthony kaysa sa mga ito. Lingid sa kanila ay nag-usap-usap ang limang magkakapatid.

“Nakakainis na sina nanay, palagi na lang si Anthony ang inaasikaso,” wika ni Liza.

“Oo nga. Porket abnormal e, parang sanggol kung ituring,” hirit ni Jeorge.

“Lahat na lang ng oras nila ay iginugugol sa bunso nating kapatid,” sabi naman ni Oscar.

“Sana ay naging abnormal na lang din ako para mapansin din ako nina nanay at tatay,” himutok ni Agnes.

“Ang mabuti pa ay kausapin natin sila para iparating ang ating hinaing,” sagot ni Elmir, ang panganay sa magkakapatid.

Napagkasunduan ng mga ito na kausapin ang mga magulang para ipahayag sa mga ito ang kanilang mga hinanakit. Isang gabi matapos na patulugin ni Girlie si Anthony ay nilapitan siya ng limang anak. Naroon din si Denver na nakaupo sa tumba-tumba. Sinabi ng bawat isa ang kanilang mga hinanakit.

“Napapansin lang po namin na palagi na lamang po na ang bunso naming kapatid ang binibigyan niyo ng importansya. Paano naman po kaming ibang anak niyo?” paliwanag ni Elmir na sinang-ayunan naman ng iba pang kapatid.

“Bakit po kailangan na sa kanya nakatuon ang inyong atensyon? Bakit palaging si Anthony ang espesyal sa inyo ni tatay?” puno ng hinanakit na sabi ni Liza.

“Kulang pa po ba ang ginagawa naming magkakapatid para inyo ring mapansin?” saad ni Agnes.

“Hindi po pantay ang inyong pagtingin sa aming magkakapatid. Si Anthony lang po ang mahalaga sa inyo,” hayag ni Oscar.

“Kami naman po ang asikasuhin niyo. Palagi na lang po si Anthony, si Anthony,” inis na wika ni Jeorge.

“Kaya po napagdesisyunan naming magkakapatid na kausapin kayo para iparating sa inyo ang hinaing namin,” patuloy ni Elmir sa mahinahong tono.

Gulat na gulat ang mag-asawa lalong-lalo na si Girlie. Wala silang kaalam-alam na nagseselos na pala ang lima nilang anak dahil sa sobrang pag-aasikaso nila kay Anthony. Ngunit lingid sa mga ito ay nakahanda na paliwanag ng kanilang ama at ina sa kanilang hinaing.

“Wala kaming kaalam-alam ng tatay niyo tungkol sa mga sentimyento at nararamdaman ninyo. Ang akala namin ay naiintindihan niyo ang sitwasyon, ang kalagayan ng bunso niyong kapatid. Ang masasabi ko lang ay napakasuwerte niyo dahil hindi niyo pinagdaaanan ang pinagdadaanan ngayon ni Anthony. Kay palad niyo dahil kayo ay mga buo, walang kulang,” pagsisimula ni Girlie.

“Kahit wala kami ng nanay ninyo ay mabubuhay kayo ng maayos. Pero ang kapatid ninyo ay hindi, kung kaya siya ang higit naming inaasikaso,” isa-isang tinitigan ni Denver ang kanilang mga anak. “Pero hindi naman namin kayo pinababayaan, hindi ba?”

“Dapat nga ay naiintindihan niyo ang sitwasyon niya dahil kapatid ninyo siya. Pero sa mga sinabi ninyo kanina ay bulag kayo sa totoong kalagayan niya,” saad pa ni Girlie sa mga anak.

Walang nakasagot sa isa man sa lima. Hiyang-hiya silang lahat sa kanilang inasal. Napagtanto nila na nagkamali sila sa kanilang tinuran tungkol sa kapatid. Imbes na unawain ay pinagselosan pa nila ito.

Agad na humingi ng tawad ang limang magkakapatid sa kanilang mga magulang at nangako na hindi na muling pagseselosan ang kanilang bunsong kapatid. Mamahalin na nila ito at aalagaan gaya ng pagmamahal at pag-aalaga nina Girlie at Denver sa kapatid nilang si Anthony.

Advertisement