
Dahil sa mga Naghaharing-uri
“Hoy magsikilos na kayo! Ayoko ng tatamad-tamad!”
Umagang-umaga pa lamang ay mainit na ang ulo ng kapatas ng mga construction worker na si Mister Lim habang isa-isa niyang tinitingnan ang mga manggagawang humuhulas na sa pawis dahil sa pagtatrabaho.
Pinag-igi ni Vino ang paghahalo ng graba at semento upang hindi siya sitahin ni Mister Lim. Isang linggo pa lamang siya roon. Hindi pa siya nakakatanggap ng suweldo. Mahirap na at baka pag-initan siya at tanggalin sa trabaho. Malapit pa namang magpasko. Gusto niyang kumayod nang kumayod upang mabilhan ng magandang regalo ang kaniyang misis at mga anak. Gusto niyang makakain man lamang ng masasarap na pagkain ang pamilya sa noche buena.
Nang lumagpas ang mataba at masungit na kapatas, binulungan si Vino ng katabi niyang si Omel, isa sa matatagal nang karpintero doon.
“Ang aga-aga ang sungit ni Singkit. Baka hindi na naman nakapongka kagabi,” natatawang sabi ni Omel.
“Malapit na naman ang suweldo natin. Bibigyan kaya tayo ng bonus?” tanong ni Vino.
“Sana mabigyan tayo. Ang kamalas-malasan niyan, alam naman natin kung gaano ka-suwapang iyang si Mister Lim. Ang sahod nga natin ay taiwan pa. Paano kaya ang ating bonus? Baka tagain din. Huwag ka masyadong umasa brad. Kilala nang lahat ang ugali ng Singkit na iyan. Gahaman iyan sa pera,” sabi ni Omel kay Vino.
“Ano ba ang taiwan?” tanong ni Vino kay Omel.
“Iyon ang pagbebenta mo sa sahod mo. Dito eh wala pa talagang sumasahod ng talagang sahod. Para makasahod ka rito, kailangang ibenta mo sa kanila ang sahod mo, may kaltas pang diyes porsyento. Sa araw ng pay roll, kahit may budget naman talaga, sasabihin ng magpapasahod na wala. Doon na papasok ang taiwan. Ngayon, komo tao kang mahirap, laging gipit, ibebenta mo ang sahod mo. Ang malungkot diyan, alam naman ng lahat na ang ibibili sa sahod ng mga tao eh iyon mismong pansuweldo sa mga tao,” paliwanag ni Omel.
“Kumbaga ginigisa tayo sa sarili nating mantika? Sa pinaghirapan natin? Naku, ganito rin pala rito. Doon sa dati kong trabaho, “kilo” naman ang tawag sa pagbebenta ng sahod. Ipakikilo ko ang suweldo ko. Ganoon,” sabi naman ni Vino.
“Oo ganoon na nga. Putris! Kahit saan yata tayo magpunta may mga gahaman sa pera eh. Wala namang makapalag. Subukan mong magsalita kung ayaw mong matanggal sa trabaho. Kaya ikaw na umaasa sa suweldo mo, pikit-mata mo na lamang na tatanggapin ang lahat. Mahirap silang kalaban eh.”
Naputol ang kanilang pagkukuwentuhan nang sitahin sila ni Mister Lim na kanina pa pala nakatingin sa kanilang dalawa.
“Hoy kayong dalawa? Anong balak ninyo sa buhay ninyo? Magkukuwentuhan na lang ba kayo o magtatrabaho? Sabihin ninyo lang at nang matanggal ko na kayo!” sita sa kanila ni Mister Lim.
Tila mga dagang nabulabog naman ng isang malaking pusa sina Vino at Omel. Bumalik sila sa kani-kanilang trabaho.
Maya-maya, nakarinig ng pagkabasag ng tiles si Omel. Hindi sinasadyang naapakan ito ni Vino.
“Anong nangyari?” untag ni Omel kay Vino.
“Naapakan ko eh. ‘Di ko naman sinasadya. Anong gagawin ko?” nababahalang tanong ni Vino.
“Sabihin mo na kay Singkit. Kasi kapag hindi mo sinabi kaagad, ikakaltas sa atin lahat iyan. Madadamay ang lahat,” payo ni Omel sa kasamahan.
Sa oras ng pananghalian, sinadya ni Vino ang tanggapan ni Mister Lim.
“Magandang tanghali po sir…” nangingiming pagbati ni Vino sa kapatas.
“O?” tanong sa kaniya ng kapatas. Ni hindi man lamang siya tinapunan ng tingin. Patuloy ito sa pagsusulat sa maliit na kuwaderno.
“Gusto ko lang pong ipagbigay-alam sa inyo na nakabasag po ako ng tiles kanina,” pahayag ni Vino.
Kitang-kita ni Vino ang pamumula ng mukha ni Mister Lim sa galit. Pinuntahan nila ang tiles na nabasag. Medyo marami pala ang nasira.
“Sige… dahil nagsisimula ka pa lang naman at mahal ang mga tiles na nasira mo, hindi ka muna susweldo sa darating na kinsenas. Saka, hindi ka makakatanggap ng bonus,” sabi ni Mister Lim.
“Magkano ho ba ang halaga ng nabasag ko? Hindi naman po yata ganoon kamahal. Kailangan ko po ang suweldo ko para sa pamilya ko.”
“Wala akong pakialam sa pamilya mo. Kanino mo gustong ikaltas ang mga nabasag mo? Sa akin? O sa mga kasamahan mo?” angil sa kaniya ni Mister Lim.
Nagpanting ang tenga ni Vino. Hindi niya napigilan ang sarili. Umigkas ang kaniyang kanang kamao sa mukha ni Mister Lim. Natumba si Mister Lim at naumpog ang kaniyang ulo sa mga basag na tiles. Tumagas ang dugo. Dinaluhan sila ng iba pang mga karpintero at naisugod sa ospital si Mister Lim.
Ipinakulong ni Mister Lim si Vino. Sinampahan niya ito ng kasong attempted m*rder. Sising-sisi naman si Vino sa kaniyang nagawa. Nagkataon pang ang mga karpinterong nakakita sa mga pangyayari at nagtakbo kay Mister Lim sa ospital ay mga kabagang nito. Walang magawa si Vino kundi pagdusahan ang kasalanang dulot ng kaniyang mabilis na emosyon, na nag-ugat sa mga naghaharing-uri.
“Makakalabas din ang papa ninyo, patawarin ninyo ako sa nagawa ko,” lumuluhang sabi ni Vino sa kaniyang mga anak, gayundin sa kaniyang asawa.