
Ang Kontrobersiya sa Parokya ni San Juan
Punumpuno na naman ang Parokya ni San Juan ngayong araw ng Linggo, hindi dahil pista, kundi araw ng misa. Bagama’t karamihan sa mga magsisimba ay talagang nagtungo sa simbahan upang makinig sa misa, may ilan ding nagtungo doon upang masilayan ang napakagwapo, matikas, at batambatang kura paroko na si Father Vincent.
Simula nang maging kura paroko si Father Vincent sa naturang parokya, halos hindi na magkasya ang loob at labas ng simbahan sa mga mananampalataya, lalo na ang mga babae at beking nag-uunahan pa sa mga upuang nasa harapan ng simbahan upang matunghayan lamang ang mukha ni father.
Kapag nagsalita na si father, tumatahimik na ang lahat. Ninanamnam ang bawat salitang namumutawi sa gwapong pari, habang pinakikinggan ang malalim at buo nitong tinig. Tahimik ang mga manang at mga dalaga dahil nakatulala lamang sila sa magandang mukha ng pari. Kung mabubuksan lamang ang kanilang mga isipan, makikitang pinagpapantasyahan nila ang kura paroko. Nanghihinayang sila kung bakit pinili nitong magpari sa halip na mag-artista.
Bukod dito, halos dumami rin ang mga manang at mga hermana na gustong maglingkod sa simbahan.
“Mabuti na lamang at napalitan na si Father Louie, ano? Sana lahat ng pari ay katulad ni Father Vincent. Kahit sa simbahan na ako matulog magdamag!” kinikilig na sabi ng isang hermana sa kaniyang kapwa hermana.
“Oo nga eh, parang gusto ko na tuloy magmadre!” sabi naman nito.
Isa sa mga nakapukaw ng atensyon ng pari ang dalagitang si Merwina, tindera ng sampaguita sa tapat ng parokya. Nang makita niya si Father Vincent at marinig niya ang tinig nito, nakaramdam siya ng kakaibang damdaming hindi pa niya nararamdaman kahit kailan. Wala pa siyang nagiging kasintahan kahit kailan. Hindi niya alam kung pag-ibig ba ang kaniyang nararamdaman para sa pari, subalit parang gusto niyang nasisilayan ang mukha nito araw at gabi.
Kaya naman araw-araw, lagi niyang binibigyan ng sampaguita at prutas ang pari. Magiliw naman itong tinatanggap ng pari sa pamamagitan ng kaniyang katuwang. Minsan, masinsinang kinausap ng pari ang dalagita sa loob ng kaniyang tanggapan.
“Iha, maraming salamat sa mga alay mong bulaklak at prutas. Pinahahalagahan ko kung anuman ang pagpapahalagang iniuukol mo sa akin bilang kura paroko ng parokyang ito. Subalit sana ito na ang huli. Para rin sa atin ito,” sabi ni Father Vincent sa dalagita.
Bakas sa mukha ni Merwina ang kaniyang kalungkutan at pagkabigla sa sinabi ng pari.
“Father, ayoko po. Huwag po ninyo akong pigilan. Gusto ko po kayo, Father…” pagtatapat ni Merwina sa kura paroko. Halatang nagulat naman ang pari sa ginawang pag-amin ng dalagita.
“Maraming salamat, iha. Salamat sa paghanga. Hindi rin kasi magandang tingnan na binibigyan mo ako ng mga bulaklak. Baka kung ano ang isipin ng mga tao. Babae ka, dalagita. Pari ako. Ayokong magkaroon ng malisya. Nauunawaan mo naman ako, hindi ba?” sabi ni Father Vincent.
“Father Vincent, mahal ko po kayo… ayaw ko pong lumayo sa inyo. Iwan po ninyo ang pagpapari at itanan po ninyo ako,” pagmamakaawa ni Merwina sa pari. Nanindig naman ang mga balahibo ng pari sa mga sinabi ni Merwina.
Tumayo ang pari at hinawakan sa balikat si Merwina.
“Iha, nasabi ko na ang dapat kong masabi. Maganda ka. Bata. Subalit tapat ako sa aking tungkulin. Kasal na ako sa simabahan at sa Diyos. Maaari ka nang umalis,” banayad na sabi ni Father Vincent. Lulugo-lugong lumabas ng tanggapan ni Father Vincent ang dalagita.
Matapos ang pag-uusap na iyon nina Father Vincent at Merwina, kapansin-pansin ang pananamlay ng dalagita. Halos isang buwan siyang tila walang buhay sa katawan. Kapansin-pansin ang pamamayat at pagbagsak ng katawan ni Merwina.
Isang araw ng Linggo, matapos ang huling misa sa gabi, bigla na lamang nagtatatakbo si Merwina patungo sa kinaroroonan ni Father Vincent sa pulpito, lumuhod at niyakap ang mga tuhod nito.
“Father Vincent, mahal ko po kayo… huwag po ninyo akong palayuin sa inyo… huwag po ninyo akong iwan… paano na po ang relasyon natin?”
Nagulat ang lahat ng mga taong dumalo sa misa maging ang mga alagad ng simbahan na naroroon. Namutla si Father Vincent sa sinabi ni Merwina. Nagsimula ang maugong na bulung-bulungan ng mga tao. Lumikha ito ng malaking kontrobersiya.
Isang araw lamang at kumalat na ang alingasngas hinggil umano sa relasyon nina Father Vincent at Merwina at nagkaroon ng iba’t ibang bersyon. Marami ang nagalit kay Merwina dahil isa raw itong haliparot na babae. Marami rin ang nagalit kay Father Vincent at nakuwestyon ang kaniyang kredibilidad bilang pari. Marami ang nagpatunay na lagi nga raw binbigyan ni Merwina ng bulaklak at pagkain ang kura paroko, at minsan pa’y may nakakitang nanggaling umano sa loob ng tanggapan ni Father Vincent si Merwina.
Sa pagdating ng araw ng Linggo simula nang kumalat ang tsismis sa umano’y relasyon ng dalawa, nakagugulat na kakaunti ang mga nagsimba upang makinig sa misa ni Father Vincent. Mabibilang sa daliri ang mga nagsimba. Sa isang iglap lamang ay nasira ang magandang pangalan ni Father Vincent. Nakarating na rin ito sa obispo at iba pang pamunuan ng simbahan. Nagsagawa sila ng imbestigasyon at napatunayan nilang hindi totoo ang sinasabi ni Merwina. Humingi ng tawad sa kanila si Merwina dahil sa gulong kaniyang ginawa.
Sising-sisi si Merwina sa kaniyang ginawa. Huli na ang lahat. Masyado siyang nagpadalos-dalos sa kaniyang mga ikinilos. Kaya naman, humingi siya ng tawad kay Father Vincent.
“Patawarin mo ako Father Vincent… hindi ko sinasadya ang mga nangyari,” paghingi ng tawad ni Merwina.
“Wala kang dapat ihingi ng tawad Merwina. Kasalanan ko rin. Mabuti na rin ang mga nangyari. Batid kong nagtutungo lamang ang mga tao upang makinig sa misa, dahil sa akin. Gusto ko, magtungo sila sa simbahan para sa Diyos,” pagpapatawad ni Father Vincent sa dalagita.
Nagpalabas ng pastoral letter ang pamunuan ng parokya upang ipaliwanag sa lahat ang insidenteng kinasangkutan ni Father Vincent at Merwina. Humingi ng tawad ang taumbayan kay Father Vincent. Pinatawad naman sila ng kura paroko; subalit hiniling niyang mailipat at maitalaga na siya sa ibang parokya upang makapagsimula.
Kinalimutan naman ni Merwina ang nararamdaman niyang paghanga sa pari. Inayos niya ang kaniyang buhay upang hindi na siya makapagdulot pa ng kapahamakan sa iba.