Ang Misteryosong Ilog ng Bukal

Ibinaba ni Ninay ang mga bitbit na lalagyanan ng mga baong pagkain at inumin para sa kanilang outing ng mister at dalawang anak na si Laila at Lulu. Inilatag naman ng kaniyang mister na si Boris ang picnic blanket. Linggo ngayon kaya minabuti nilang lumabas na mag-anak at magtampisaw sa malamig at malinis na ilog sa Angono, Rizal.

Ang naturang ilog ay tinatawag na Ilog ng Bukal dahil mala-bukal sa linis ang umaagos na tubig dito. Tuwing umaga hanggang alas kuwatro ng hapon lamang maaaring maligo at maglunoy dito dahil pagsapit ng alas singko ng hapon, tumataas ang tubig dito dahil nakakonekta ito sa isa sa malalaking water reservoir sa Pilipinas. Sa hudyat ng wangwang ng sirena, kinakailangang umalis na ang mga turista at magsiuwi.

Nababalot din ng misteryo ang naturang ilog. May mga alamat at kuwentong-bayan na nangunguha raw ng mga babae ang engkantong tagapangalaga roon. Hindi na rin mabilang ang mga nawawalang babae, na kadalasan ay mga bata.

“Laila at Lulu, huwag kayong masyadong lalayo ah…” paalala ni Ninay sa kaniyang mga anak na babae. Naghahabulan ang mga ito, patakbo-takbo, at naghahanap ng makikinis na mga bato.

“Parang kailan lang ano? Maliliit pa sila. Ngayon ay kaylalaki na. Napakabilis ng panahon. Sa susunod, may mga dalaga na tayo mahal,” nakangiting sabi ni Boris sa kaniyang magandang misis. Naupo sila sa picnic blanket at isa-isang inilabas ang mga baong pagkain.

“Oo nga eh. Sinong mag-aakalang halos ikam*tay ko ang panganganak sa kanila, lalo na kay Lulu. Ayoko na ulit maalala iyon,” tugon naman ni Ninay sa kaniyang mister. Si Laila ang kanilang panganay at si Lulu naman ang kanilang bunso. Tatlong taon ang pagitan ng dalawa.

“Hindi ko mapapatawad ang sarili ko kapag may nangyari sa inyong masama noon. Mabuti na lamang at talagang malakas ka kaya nakayanan mo. Hindi mo ba naiisip na magka-junior naman tayo?” mapanuksong tanong ni Boris sa kaniyang misis.

Tinapik ni Ninay sa mukha nito ang mister.

Advertisement

“Ang pilyo mo talaga! Saka na… darating din tayo riyan,” sabi naman ni Ninay. Tinawag nila sina Laila at Lulu upang kumain. Masaya nilang nilantakan ang spaghetti, fried chicken, barbecue, at cake.

Habang kumakain ay napansin ni Ninay ang isang lalaking palakad-lakad sa kabatuhan at palinga-lingang parang may hinahanap. Tumingin ito sa kanilang direksyon, at nagtagal ang paningin kina Laila at Lulu. May naramdamang kakaiba si Ninay subalit isinawalang-bahala na lamang niya iyon.

Maya-maya ay ipinasya na nilang magtampisaw sa ilog. Kahit na maraming kuwento ng kababalaghan, marami pa rin ang nagtutungo sa Ilog ng Bukal. Masaya ang lahat sa paglulunoy, paghahabulan, at paliligo.

Hindi nila namalayan ang oras. Pumitada ang alas singko ng hapon. Tumunog ang babala na kailangan nang umalis ang lahat dahil magpapakawala na ng tubig ang dam. Nagdudumaling bumalik sa kanilang picnic blanket ang mag-anak. Subalit napansin nila na nawawala si Lulu.

“Nasaan si Lulu?” kinakabahang tanong ni Ninay.

“Akala ko po ay kasunod ko lamang. Paglingon ko po wala na siya,” nababahalang sabi ni Laila.

Nataranta sina Ninay at Boris at hinanap nila si Lulu. Ilang saglit na lamang at tataas na ang tubig sa ilog. Naalarma din ang mga lifeguards at iba pang mga security guard kaya hinanap nila si Lulu sa paligid. Hindi nila masumpungan ang bata.

Halos panawan ng ulirat si Ninay sa labis na tensyong nararamdaman. Para siyang maiihi na hindi niya maintindihan. Halos mabaliw naman si Boris sa kagagalugad sa buong ilog mahanap lamang ang bunsong anak.

Advertisement

“Huwag kayong titigil hangga’t hindi ninyo nahahanap ang anak namin, parang awa ninyo na!” humahagulhol na si Ninay sa labis na takot sa kung anuman ang maaaring mangyari sa kaniyang bunsong anak. Naalala niya kung paano siya naghirap sa pagsilang kay Lulu dahil mahina raw ang kapit ng bata sa kaniyang sinapupunan. Ipinapanalangin niyang sana ay mailigtas at buhay pa ang bunso.

Naisip ni Ninay na baka nga totoo ang kuwento-kuwento hinggil sa engkantong nangunguha ng batang babae sa ilog. Huwag naman sana, sa isip-isip ni Ninay.

Maya-maya, napalingon si Ninay sa kaniyang likuran dahil narinig niya ang sumisigaw na tinig ni Lulu. Takot na takot ito at itinuturo ang isang bahagi ng ilog na maraming kabatuhan. Doon daw ang lugar kung saan maraming namam*tay. Agad itong pinuntahan nina Boris at ang mga lifeguards.

Nakatago roon ang lalaking nakita kanina ni Ninay na pagala-gala sa paligid. Dinala sa presinto ang lalaki. Batay sa imbestigasyon, hindi totoo ang engkanto dahil ang nangunguha ay talagang tao. Ayon sa lalaki, nangunguha siya ng mga batang babae upang kunin ang lamanloob ng mga ito at ibenta. Agad na nakulong ang lalaki at sinintensyahan ng habambuhay na pagkakabilanggo.

Samantala, ipinasuri naman si Lulu sa isang espesyalista upang matiyak na walang ibang ginawa sa kaniya ang lalaki. Ayon sa kaniyang salaysay, tinawag siya ng lalaki dahil may ipinakita itong malaking kabibe na ibibigay sa kaniya. Nagtungo naman siya sa pwesto nito. Mabuti na lamang at maliksi siyang nakakawala mula sa mga kamay nito kaya hindi naisagawa ang maitim na binabalak.

Naging “wake up” call din ito kina Ninay at Boris, maging sa iba pang mga magulang na bantayang maigi ang mga anak.