Inday TrendingInday Trending
Matandang Pulubing may Munting Pangarap

Matandang Pulubing may Munting Pangarap

“Hoy, Mang Marko, baka gusto niyo namang tumabi d’yan sa pintuan ng barber shop ko?! Kita mo, o, lalabas itong customer ko!” bulyaw ni Danilo sa isang pulubing nakaharang sa kaniyang barber shop, “Kaya rin matumal palagi ang negosyo ko, eh. Palagi kayong nakaharang d’yan!” dagdag pa nito saka pilit na pinagtabuyan ang matanda.

“Naku, iho, pasensya na, tuwang-tuwa lang naman akong pagmasdan kang maggupit. Ano kayang pakiramdam ng ginugupitan, ano? Ako kasi, halos tatlong taon na ang nakalipas simula noong huling tabas ng buhok ko!” kwento ng matanda na talaga nga namang nakapagpainit ng ulo niya dahil nga sa buong araw, isa pa lamang ang nagpapagupit sa kaniya.

“O, ano pong gusto niyong gawin ko? Gupitan kayo? May pangbayad ba kayo?” masungit niyang tanong dito bahagya namang nalugmok ang mukha ng matanda.

“Wala nga, eh. Kaya nga pinapanuod ko na lang yung mga itsura ng ginugupitan mo. Siguro ang sarap sa pakiramdam ng maaliwalas ang mukha, yun bang walang buhok na sumasayad sa mukha,” ngiting sambit nito habang tila iniisip ang kaniyang itsura kapag siya’y nagupitan na.

“Naku, naku, wala po akong oras para pakinggan ang mga kwento niyo! Umalis na po kayo!” sigaw niya rito saka padabog na isinara ang pintuan ng kaniyang barber shop.

Solong anak ang binatang si Danilo ng isang barbero. Mag-isa siyang pinalaki nito ‘pagkat maagang nawalan ng buhay ang kaniyang ina. Hirap man sa buhay, lubos na pagmamahal ang kaniyang natanggap dito at bukod pa doon, palagi siya nitong pinangangaralan sa buhay. Kagaya na lamang nang maharap sila sa isang malaking pagsubok, nasunog ang pinagkikitaan nitong barber shop, ngunit imbes na magalit o mainis, ang tanging ‘ika nito sa kaniya, “Anak, sigurado akong nasunog ito dahil mas papagandahin pa ito ng Diyos!” na labis niyang hinangaan.

Nagkatotoo nga ang sabi ng kaniyang ama at muli nilang naipatayo ang negosyo, mas maganda at mas malaki na ito ngayon dahilan upang pumatok sa masa. Dinadagsa ito ng iba’t-ibang taong nais magpagupit sa kaniyang ama.

Ngunit nang pumanaw ito, at siya na ang pinamahala sa barber shop na naiwan, ganoon na lamang siya nagbago. Naging mainitin ang ulo nito at tila nalimot na ang mga bilin ng kaniyang ama. Lalo pang lumala ang pagkaubos ng kaniyang pasensya sa tuwing makikitang nakaharang at nakasilip sa salaming pintuan ang isang pulubing matanda.

Halos araw-araw andoon ang naturang matanda upang panuorin siya na labis niyang ikinakainis dahil paniniwala niya, natatakot pumasok ang mga gustong magpagupit dahil sa matandang pulubing nakaabang sa labas. Ngunit laking gulat niya kinabukasan matapos niyang sapilitang paalisin ito, hindi niya na ito muling nakita sa harapan ng kaniyang barber shop. Buong akala niya’y magmamatigas ito at babalik pa tulad ng dati ngunit tila nag-iba ang ihip ng hangin ngayon na labis niyang ikinatuwa.

Halos isang linggo rin ang nagdaan nang wala na kahit anino ng matanda ang nagpakita’t humarang sa harapan ng kaniyang pintuan ngunit katulad ng dati, madalang pa rin ang mga taong nagpupunta upang magpagupit. Maya-maya bigla namang dumating ang isa niyang suki, “O, hijo, kakapagupit mo lang noong isang araw, ha? Hindi pa nga tumutubo ang buhok mo, eh,” tanong niya dito.

“Hindi po ako ang magpapagupit, si lolo,” ‘ika nito saka dahan-dahang pumasok ang pulubing dati pa ay pangarap ng makapagpagupit sa kaniya, “Nangalakal po kami ni lolo, ito o, may pangbayad na siya! Sana huwag mo na siyang sigawan o palayasin, humahanga lang naman po siya sa’yo,” dagdag pa nito na ganon na lamang nakapagpalambot ng puso niya. Narinig pala nito ang lahat ng kaniyang pantatamboy sa matanda noong araw na pilit niya itong pinapaalis sa tapat ng kaniyang barber shop.

Pigil luha niyang pinaupo ang matandang manghang-mangha sa ganda ng kaniyang barber shop. Hinamas-himas pa nga nito ang salaming dati’y tinitingnan niya lamang mula sa labas. Doon na napagtanto ng binata na tila naging sakim siya sa pagbigay ng simpleng pangarap ng matanda na kayang-kaya niyang ibigay noon pa man. Labis siyang naramdam ng panliliit dahil isang musmos pa ang tumulong sa matandang kaniyang pinagtatabuyan noon.

Ginawa niya nga ang kaniyang trabaho, ginupitan niya ng buong puso ang matanda at ganoon niya napansing kamukha ito ng kaniyang ama. Mangiyakngiyak siyang humingi ng tawad dito at nangakong hindi na muling gagawa ng ikakasama ng loob ng matanda.

Inilagay niya sa kaniyang account sa social media ang itsura ng matandang pulubi bago at matapos niya itong gupitan pati na ang simpleng pangarap na ito, at iyon ang tila naging tulay upang muli siyang dagsain ng tao.

Muling nakaipon ang binata dahilan upang kupkupin niya na ang matanda at ituring na tunay na ama. Labis siyang nagpapasalamat sa batang nagpagising sa natutulog na kabaitan sa puso niya.

Madalas kung sino pa ang may kakayahang tumulong, sila pa ang nagbubulag-bulagan. Huwag na sana nating paabuting masampal pa tayo ng tadhana bago magising ang natutulog nating awa at pagmamahal sa kapwa.

Advertisement