“O, Icy, nanganak ka na pala? Nasaan na ang anak mo? Patingin naman!” wika ni Jina sa kaibigang matagal niyang hindi nakita nang minsan siyang mapadaan sa bahay nito. Nadatnan niya itong abala sa paglalaba.
“Naku, wala na, Dianne, nabenta ko na,” mahinahong sagot ni Icy matapos kusutin ang ilang mga damit.
“Ano? Binenta mo ang anak mo?” paninigurado ng kaniyang kaibigan, tila hindi ito makapaniwala.
“Oo, bakit? Hindi mo ba alam na taga-gawa ng bata ang trabaho ko?” wika niya dito na tila ba wala man lang kabang nararamdaman o pagkakonsensya.
“Diyos ko, bakit mo ginagawa ‘yon? Naku, mag-ingat ka sa karma!” pailing-iling na sambit nito.
“Ano ka ba, Dianne? Halos limang sanggol na ang nabenta ko simula noong una akong nabuntis, mga labing limang taon ako, awa naman ng Diyos, hindi pa ako nakakarma,” buong pagmamalaking kwento niya pa dito habang binabanlawan ang kaniyang mga damit.
“Hay naku, d’yan ka na nga, bigla akong hinapo sa’yo!” tugon nito saka kumaripas ng lakad habang nag-aantanda ng krus. Natatawa-tawa na lamang siya habang pinagpapatuloy ang kaniyang paglalaba.
Laki sa hirap ang dalagang si Icy. Noon pa man, layo na talaga ang loob niya sa kaniyang mga magulang, dahil nga sa simpleng laruang nais niya, hindi ito maibigay sa kaniya. Ito ang dahilan kung bakit tila naging bali-baliko ang kaniyang landas. Masyado niyang dinibdib ang pagkukulang ng kaniyang mga magulang saka nagpasiyang ibukod na ang sarili.
Lalo pang lumakas ang loob niyang bumukod sa magulang noong makilala niya ang isang lalaki na tila nagbigay sa kaniya ng pagmamahal at atensyon na hindi nabigay ng kaniyang mga magulang.
Sa murang edad, nagdesisyon silang magsama na para bang nagbabahay-bahayan lamang at doon na nga magbunga ang kanilang pagmamahalan.
Sa edad na labinlima, nabuntis siya. Noong una’y masaya siyang nagbunga ang kanilang pagmamahalan ngunit hindi kalaunan, bago siya manganak, iniwan siya ng lalaki dahil nga wika nito, “Bata pa ako at hindi ko pa kayang bumuhay ng sarili kong pamilya,” na labis niyang ikinadurog.
Sakto namang pagkapanganak niya, may isang matandang mukhang mayaman ang nakakita sa kaniya sa ospital, naikuwento niya rito ang kaniyang mga naranasan at wika nito, “Akin na lang ang baby mo, babayaran kita,” at doon niya na nga naisip na magbenta na lamang ng bata. Bukod sa mahal ang bentahan, makakatikim pa siya ng iba’t-ibang lalaki na hinahanap-hanap niya rin.
Tumagal ang trabaho ni Icy hanggang tumuntong siya sa edad na kwarenta. Hindi niya na mabilang ang lalaking gumalaw sa kaniya o kahit pa ang bilang ng sanggol na naisilang niya.
Ngunit dahil nga matanda na, nakakaramdam na siya ng pananakit ng katawan at madalas na pagkahapo. Dahil doon, napagpasiyahan na niyang magpakonsulta sa doktor.
Doon niya nalamang positibo pala siya sa HIV at maaaring ang ibang sanggol na nailabas niya ang nahawaan niya.
Ganoon na lamang ang pagkalugmok niya. Hindi niya mawari kung paano masosolusyunan ang kaniyang problema. Labis siyang nagsisi sa kaniyang karumaldumal na ginawa.
Mangiyakngiyak siyang naupo sa isang tabi, at laking gulat niya nang may humawak sa kaniyang kamay saka sinabing, “Ma, papagalingin kita.”
Hindi niya ito mamukhaan kaya tinanong niya ito, “Sino ka?” agad naman nitong sinabing siya ang batang binili ng matandang mayaman sa ospital. Dagdag pa nito, “Ako ang panganay mo, mama. Matagal na kitang sinusundan. Sa katunayan, kaya pinursigi kong maging nars ay dahil sa’yo. Alam kong dahil sa trabaho mo, mapapasama ang kalusugan mo,” at doon na bumuhos ang kaniyang luha.
Tinulungan nga siya ng kaniyang anak sa pagpuksa sa kaniyang sakit. Tila napanatag naman ang kaniyang loob dahil sa wakas, may masasandalan na siya.
Palagi siyang dinadalaw nito o kung hindi naman, sinusundo siya sa bahay upang pumunta sa ospital. Minsan niyang natanong kung nasaan na ang matandang bumili sa kaniya, at ang tanging ‘ika ng anak, “Wala na po siya, eh, at ang bilin niya sa akin, hanapin kita at alagaan. Isa raw po ako sa mga pag-asa mo,” napabuntong hininga na lamang siya at nagpasalamat sa kabaitang mayroon ang matandang iyon.
Doon na ipinangako ni Icy na labis niyang pagsisisihan ang kaniyang mga ginawa. Hindi man niya na iyon mababago pa, gagawin niya ang lahat upang maituwid ang kaniyang buhay bago siya pumanaw kasama ang kaniyang panganay.
Minsan, hindi na tayo naniniwala sa karma dahil hindi ito kaagad dumadating. Ngunit huwag kang makampante, baka isang araw labis kang magsisi sa ganti ng tadhana.