“Hoy, tumabi nga kayo! Itabi niyo rin iyang mga nakaharang na halaman sa daan! Dadaan ang kotse ko at baka magasgasan!” bulyaw ni Jean sa mga batang naglalaro sa kalsada habang nakaukwang ang ulo sa bagong bili niyang kotse, bigla namang lumabas ng bahay ang nanay ng isang batang kaniyang binulyawan.
“Grabe ka naman, Jean! Pwede mo namang pakiusapang tumabi ang mga bata sa maayos na paraan! Saka, ang layo-layo ng mga halaman ko sa dadaanan ng kotse mo!” sagot ni Alona, saka sinenyasan ang kaniyang anak na pumasok na sa loob ng bahay.
“Kahit na, kapag ito nagasgasan may ipapambayad ka ba?” taas kilay na tugon niya.
“Wala ka ring pambayad dati d’yan! Nagkaroon ka lang ng pera, nag-iba na ang ugali mo! Sana isang araw bumagsak ka ulit!” sambit nito saka bahagyang inusod ang kaniyang mga halaman, napangisi na lamang siya saka bahagyang dumura’t agad-agad na isinara ang bintana ng kaniyang kotse, at doon na niya ito pinaandar muli. Kitang-kita niya kung paano manggalaiti ang kumare niya, ‘ika niya, “Inggit ka lang, pwe!”
Lumaki sa hirap ang ginang na si Jean. Sa katunayan nga, noong kabataan niya, halos hindi na siya kumakain ng kanin sa buong araw, hindi rin siya nakapag-aral kahit pa hayskul at madalas, nanlilimos lamang siya sa palengke upang may maipambili ng sarili niyang pagkain.
Maagang pumanaw ang kaniyang mga magulang at dahil nga solong anak, mag-isa niyang itinaguyod ang sarili.
Sa kaniyang panlilimos, nakatagpo siya ng isang lalaking nagmahal sa kaniya ng lubos. May kagandahan din naman kasi siya at tila labis ang kabaitan. Tinulungan niya kasi itong pulutin ang mga nahulog nitong gamit sa paaralan sa harap ng isang tindahan habang umuulan. Sakto naman, lugmok na lugmok pala ang lalaki noong panahon na ‘yon dahil bagsak siya sa pagsusulit at siya ang nagsabi ditong, “Ayos lang ‘yan, buti ka nga nag-aaral, eh. Malaki pa ang tiyansa mong magtagumpay sa buhay!”
Dahil doon, nahulog ang loob ng lalaki sa kaniya, nang malaman ito ng mga magulang ng lalaki, agad siyang kinupkop ng mga ito.
Hindi naman sobrang mayaman ang lalaki, sa katunayan nga, noong magsama sila, hirap rin sila. Nagpursigi lang talaga ang lalaking makahanap ng magandang trabaho at doon na nagbago ang kanilang buhay.
Ngunit kasabay ng pagbabago ng kanilang buhay, tila nagbago rin ang ugali niya. Ang dating malambing at maalagang asawa, naging bungangera at puro angal na na naging dahilan ng madalas nilang pag-aaway.
Lalo pang nag-iba ang ugali niya nang makabili siya ng sarili niyang sasakyan. Binigyan kasi siya ng pera ng asawa pangpuhunan sa negosyo, dahil nga sa angking kabaitan niya noon, pumatok ang kaniyang negosyo ngunit nagdesisyon siyang itigil na ito pagkat matumal na, madalas na niya kasing nasisigawan ang mga mamimili lalo na kapag paulit ulit siyang tinatanong sa presyo at hindi naman bibili. Lahat ng kaniyang kinita, ipinangbayad niya sa kaniyang sasakyan na labis niyang pinagmamalaki ngayon.
Pagkauwi niya ng bahay, agad na bumungad sa kaniya ang kaniyang asawang nagmamadaling nagbibihis ng uniporme pang trabaho.
Hindi man lang niya ito inimik at nagmadaling pumunta sa kusina para kumain at nang makita niyang walang handang pagkain kahit pa sinaing, agad na siyang nagalit sa asawa. Binato niya rito ang kalderong dapat ay may sinaing na sa mga oras na ito. Agad itong dumaing at sumigaw, “Ano ba, Jean?”
“Ano ba? Hindi ka man lang nagsaing? Alas nuwebe na! Alam mo namang hindi pa ako kumakain!” bulyaw niya dito ngunit bigla siyang napatigil sa mga sinabi nito.
“Eh, mahuhuli na ako sa trabaho, eh. Uunahin ko pa ba ‘yan? Hindi ba’t dapat ikaw ang gumagawa niyan? Pinapalampas ko na nga ang mga gabi na wala ka man lang handang pagkain pag-uwi ko dahil abala ka sa pagpindot sa selpon mo, tapos ngayong hindi lang ako nakapagsaing dahil huli na akong nagising sa pagod, babatuhin mo ako? Alam mo, mabuti pa, maghiwalay na tayo! Punong-puno na ako sa’yo! Umalis ka na dito!” bulyaw ng kaniyang asawa at saka nagmadaling umalis. Naiwan naman siyang maluha-luha at tila hindi makapaniwalang nasabi lahat ‘yon ng asawa sa unang pagkakataon.
Buong akala niyang lilipas rin ang galit ng kaniyang asawa ngunit tila desidido na itong makipaghiwalay sa kaniya. Hindi naman sila kasal at wala pang anak kaya naman madali siyang napalayas nito sa bahay.
“Dalhin mo ‘yang kotseng pinagmamalaki mo! ‘Yan na rin ang kainin mo kapag nagugutom ka!” mga katagang labis na dumurog sa kaniyang puso na talaga nga namang nakapagpagising sa kaniya.
Umalis nga siya sa puder ng lalaki at doon na niya muling naranasan ang hirap. Nagawa niyang ibenta ang kotse sa murang halaga para lamang maibsan ang kumakalam niyang sikmura’t may matuluyan. Ngunit ilang araw lang, naubos na ang kaniyang pera dahilan upang bumalik siya sa panlilimos.
Sakto naman noong araw na ‘yon, nadaanan siya ng kaniyang kaibigan. Awang-awa ito sa kaniya at mangiyakngiyak siyang yumakap dito. Ito ang tumulong sa kaniyang umangat muli. Nahihiya man siya sa pagmamataas niya noon, nangako siyang hindi na ‘yon muling mauulit.
Totoo nga namang kahirapan ang pinakamabisang guro, ngunit nawa’y kapag nasa rurok na tayo ng tagumpay, huwag pa rin nating kalimutang isayad ang mga paa sa lupa.