Inday TrendingInday Trending
Mga Tinatagong Kalat ni Nanay

Mga Tinatagong Kalat ni Nanay

“’Nay, tuwing pupunta na lang ako dito ay lagi na lang makalat ang bahay. Ang daming aparador sa kwarto ninyo, ayaw n’yong ipagtatapon ang mga ibang gamit para doon mailagay ang mga ito,” sambit ni Lyka sa kaniyang inang si Aling Mercedes.

“Pabayaan mo na ang mga laman ng aparador ko. Hayaan mo at itatabi ko sa mga kahon ‘yang mga gamit para hindi nakakalat sa sala,” tugon naman ng ginang.

“O siya, kumain ka na ba? Kung alam ko lang na darating ka, e ‘di sana ay ipinagluto kita ng paborito mong pansit,” wika ng ina.

“Hindi po ako magtatagal, ‘nay. Kukuhain ko lang po itong naiwang laruan ng anak ko,” sambit ni Lyka.

“Kailan ba kayo ulit dadalaw dito sa akin? Namimiss ko ang mga apo ko. Kung wala sana kayong ginagawa tuwing Sabado at Linggo ay dalawin n’yo naman ako dito,” sambit ng ina.

“Sige, ‘nay. Pipilitin po namin,” saad ni Lyka.

“Aalis na po ako, ‘nay.” At tuluyan na ngang umalis si Lyka at naiwang muling nag-iisa si Aling Mercedes sa kaniyang bahay.

Limang taon nang balo si Aling Mercedes. Binawian ng buhay ang kaniyang asawa dahil may malubhang sakit ito. Habang ang kaniyang tatlong anak naman ay may kani-kaniya nang mga pamilya. Madalang na kung siya ay madalaw ng mga ito. Naiintindihan naman ni Aling Mercedes sapagkat alam niyang abala ang mga ito sa trabaho.

“Ang bilis mo naman atang makauwi, hon. Kumusta ang nanay mo? Wala ka naman atang gagawin ngayon sana ay sinamahan mo muna siya,” sambit ng asawa ni Lyka.

“Hindi na, hon, naaalibadbaran kasi ako sa dami ng gamit sa bahay. Ang sabi ko nga kay nanay ay ipagtatapon na ang mga gamit na nasa aparador niya. Para doon mailagay ang ibang gamit. Napakarami pang kahon sa loob ng silid,” sambit ni Lyka.

“Saka parang hindi rin maganda na dalhin natin ang mga anak natin doon. Saka na lang. Aayusin ko muna ang bahay ni nanay,” dagdag pa ni Lyka.

“Bakit hindi ka maglaan ng isang araw para tulungan mo siyang isaayos ang lahat? Tumatanda na rin kasi si nanay mo kaya mahilig nang magtatabi ng kung ano-ano,” wika ng mister niya.

“Sige, susubukan ko na isingit sa schedule ko. Pagod din kasi ako at may mga panahon na gusto ko lamang ay magpahinga. Kung hindi kasi maaliwalas ang aking nakikita ay parang nagdudulot ito ng stress sa akin,” tugon ng ginang.

Nasipan ni Lyka na tawagan ang dalawa pa niyang kapatid upang dalawin ang kanilang ina. At tulungan itong isaayos ang mga gamit na nakakalat sa kanilang sala. Nagbilin din siya na itapon na ang mga bagay na hindi na napapakinabangan. Ngunit maging ang mga ito ay abala sa kani-kanilang mga buhay.

Lumipas ang mga araw at ang mga araw ay naging Linggo at ang mga Linggo ay naging mga buwan. Hindi pa rin nakakapunta si Lyka at mga kapatid nito sa kanilang ina. Isang araw ay nabalitaan na lamang ni Lyka na nagkasakit ang ina.

“Nay, ito ang sinasabi ko sa inyo. Kaya kayo nagkakasakit e dahil ang daming gamit dito sa bahay ninyo. Kulob na kulob ang kwarto n’yo. Pagtatanggal na po natin ang mga kahon sa kwarto niyo. Ang ibang aparador ay tanggalan na natin ng laman upang magamit at hindi lang basta nakatambak sa sala ang iba pang damit at gamit n’yo,” naiinis na wika ni Lyka.

“Importante sa akin ang laman ng lahat ng kahon at aparador na ‘yan. Magbabawas ako ng ibang gamit, sige, pero huwag mo namang pakialaman ang mga laman ng kahon at aparador ko,” pakiusap ni Aling Mercedes.

“E, parang bodega na ‘tong buong bahay n’yo, ‘nay. Ano ba kasi ang laman ng mga ‘yan? Kung mga lumang plaka o mga babasahin lang ‘yan ay itapon n’yo na,” sambit ni Lyka habang sinusuri ang mga kahon.

Patuloy ang pagsesermon ni Lyka sa kaniyang ina nang may nasipat ang kaniyang mga mata sa kahon na bahagyang nakabukas.

“Ano ‘yun? Mga papel pa ‘yung nasa kahon?” wika niya habang patungo sa kahon.

“Huwag mong pakielaman ang kahon na ‘yan,” sambit ni Aling Mercedes.

“Sinasabi ko na nga ba, ‘nay, e! Puro kalat lamang ang laman ng mga kahon ito! Kailangan ko na itong itapon!” wika ni Lyka

Ngunit pagbukas ni Lyka ng kahon ay nabigla siya sa kaniyang nakita. Inisa-isa niya ang mga papel sa kahon. Nakita niya ang mga simpleng papel na ginuguhitan nilang magkakapatid noong sila ay bata pa. Mayroong papel din na naglalaman ng mga sulat ni Lyka noong siya ay nagsisimula pa lang matututong magsulat.

Binuksan ni Lyka isa-isa ang mga kahon. At doon tumambad sa kaniya ang iba’t ibang mga lumang uniporme, sapatos, lumang mga gamit, larawan at kung ano-ano pa. Ang mga bagay na para sa kanila ay tila basura na at wala nang pakinabang ngunit lahat pala ng ito ay tinatago ng kanilang ina.

Nang buksan ni Lyka ang aparador ay tumambad naman sa kaniya ang mga iniregalo nilang magkakapatid sa kanilang ama.

“Iyan lamang mga kayaman ko. Sa tuwinang nalulungkot ako dahil mag-isa na lamang ako dito ay tinitingnan ko ang mga ‘yan at bumabalik sa aking mga ala-ala ang mga panahong maliliit pa kayo at kailangan n’yo pa ako. Ang bibilis ninyong nagsilaki. Unti-unting napalitan ng katahimikan ang ingay ng tatlong batang madalas maglaro sa bahay na ito. Hanggang tuluyang isa-isa kayong lumisan sa poder namin ng tatay n’yo,” sambit ng ina.

“Minsan ay hindi ko na lang maiwasan na lumuha sapagkat ang lahat ng iyan ay mananatiling mga alaala na lamang. Madalas akong mangulila sa inyo. Ngunit naiintindihan ko naman na may sarili na kayong buhay. Hiling ko lamang sana ay minsan makapiling ko kayo sapagkat alam kong konti na lamang ang ilalagi ko sa mundong ito,” dagdag pa niya.

Doon na nagsimulang lumuha ang magkakapatid lalo na si Lyka. Napagtanto niya ang kanyang pagkukulang sa kaniyang ina. Napag-isip-isip niya na higit kailanman ay ngayon siya mas kailangan ng kaniyang ina.

Niyakap ng tatlo ang kanilang ina at saka sila humingi ng tawad. Bilang pagbawi ay pinupuntahan na nila ito tuwing Sabado at Linggo. Isinaayos na rin nila ang mga kahon at ibang gamit ng kanilang ina. Tulong-tulong sila na i-renovate ang bahay upang sa ganoon ay maging maaliwalas ito. Patuloy na itinago ni Aling Mercedes ang alaala ng kabataan ng kaniyang mga anak hanggang sa ito ay dumating na sa dapithapon ng kaniyang buhay.

Tumanaw tayo sa ating mga magulang sa kahit anong paraan. Sapagkat ibinuhos nila ang kanilang buhay upang tayo ay magkaroon ng maayos na kinabukasan. Huwag nating tapusin ang ating pagiging anak kung tayo man ay nagkapamilya na. Pagdating ng panahon ay mararanasan mo rin ang lahat ng iyan kapag naging magulang ka na.

Advertisement