“Wala po akong kasalanan! Parang awa n’yo na po, palabasin nyo ako rito,” pagmamakaawa ng isang matandang padyak drayber na si Mang Temyong.
“Parang awa n’yo na. Wala akong alam sa mga ibinibintang nila sa akin. Naroon lamang ako sapagkat may hinatid akong pasahero. Hindi ako kumuha ng selpon niya! Lalong hindi ako kasabwat sa pagnanakaw na ‘yon! Kailangan ko nang umuwi dahil naghihintay na sa akin ang aking asawa,” giit pa ng matanda.
“Ganyan naman kayong mga magnanakaw. Hindi naman talaga kayo umaamin sa mga kasalanan ninyo, e. Kapag nahuli kayo ay kung ano-anong dahilan ang sasabihin ninyo sa amin. Nariyan pang magmamakaawa kayo. Pero kung gagawa kayo ng kasamaan ay hindi niyo iniisip ang lahat ng ‘yan!” galit na sigaw ng isang pulis.
“Ang matindi pa roon ay ang tanda n’yo na tatang! Ngayon pa talaga kayo gumawa ng masama! Nasa padyak mo ang telepono niya! Umupo na kayo riyan at huwag magpumiglas sapagkat masasaktan lang kayo. Umamin na lang kayo sa kasalanan n’yo at ituro sa amin ang totoong salarin,” sambit pa ng isang pulis.
“Pero nagsasabi ako ng totoo! Wala akong kasalanan. Kailangan ko nang umuwi sa amin,” halos mamaos na sa pagmamakaawa at pag-iyak si Mang Temyong.
Matagal nang padyak drayber ang animnapu’t isang taong gulang na si Mang Temyong. Kahit matanda na ay patuloy pa rin sa pagkayod ang ginoo sapagkat siya na lamang ang inaasahan ng kaniyang asawa at apo. May kapansanan kasi ang kaniyang apo. Sa katunayan ay hindi naman nila ito kadugo sapagkat inihabilin lamang ang bata sa kanila ng isang kakilala upang alagaan at hindi na ito muli pang binalikan.
Mula noon ay inako na nila ang responsibilidad sa bata. Komo hindi sila nagkaroon ng anak ay inituring na lamang nila itong isang malaking biyaya. Ngunit isang gabi habang namamasada si Mang Temyong ay may isang lalaking nagbato ng selpon sa kaniyang padyak. Walang kamalay-malay ang matanda na nasa loob na ito ng kaniyang pinapasada.
Ilang sandali pa ay kasunod na niya ang mga tanod at pulis. Doon ay napagbintangan siya na kasabwat ng tunay na magnanakaw. Dahil maimpluwensiya ang nanakawan at ayaw mapahiya ay sinampahan nila ng kasong pagnanakaw ang matanda kahit tunay na inosente ito.
Nang malaman ng kaniyang asawang si Aling Cora ang nangyari sa kaniya ay nagkukumahog itong nagtungo kasama ang kanilang apo sa himpilan ng pulisya. Dahil nga itinatawid lamang ni Mang Temyong sa pamamasada ang kanilang pang-araw-araw ay hindi nila magawang magbayad ng piyansa upang makalaya.
“Naniniwala ako sa iyo, Temyong, na hindi ka kasabwat sa pagnanakaw na ‘yan. Dahil kahit kailan ay hindi mo kayang gumawa ng maling bagay. Pero saang kamay ng Diyos tayo kukuha ng apatnapung libong piso? Ni limang daan nga ay hindi tayo nakakahawak,” umiiyak na sambit ng kanyang asawa.
“Huwag n’yo na akong intindihin dito, Cora. Narito ang kinita ko ngayong araw. Ibili n’yo ng pagkain. Umuwi na kayo para makapagpahinga na ang ating apo. May awa ang Diyos, Cora, makakalaya ako rito. Alam ng Diyos na wala akong kasalanan,” saad ni Mang Temyong sa kaniyang asawa.
Tuluyang nakulong si Mang Temyong. Pinagdudusahan niya sa likod ng rehas ang kasalanang hindi naman nya ginawa. Habang nasa piitan siya ay patuloy ang pagmamakaawa naman ni Aling Cora sa nagsampa ng kaso sa kaniyang asawa upang iurong na ang demanda. Ngunit buo ang loob ng nabiktima.
Habang nasa piitan ay hindi nawalan ng pag-asa si Mang Temyong. Kahit na may pagkasiraulo ang mga kasama niya sa kulungan ay natuto siyang makisama sa mga ito.
Isang araw ay nagkaroon ng rayot sa selda. Nang makita niya ang isang binatang na pinagtutulungan ng mga kakosa ay agad siyang pumagitna. Kahit na matanda na siya ay hindi siya sinanto ng mga ito. Ilang sapak at sipa ang tinanggap ng matanda sa pagtatanggol sa binata. Hanggang sa nakita ito ng mga pulis at inawat ang mga ito.
“Maraming salamat po, tatang! Hindi na dapat kayo humarang pa, ‘yan tuloy at nasaktan pa kayo,” wika ng binata.
“Tatay Temyong na lang ang itawag mo sa akin,” tugon niya. “Huwag kang mag-alala sa akin. Kaya ko ito. Mas malakas at matibay pa ako sa kalabaw,” pagbibiro ng matanda.
“Bakit ka ba inaaway ng mga ‘yon?” pagtataka niya.
“Pumalag po kasi ako. Sinira kasi nila itong iginuguhit ko. Ilang beses na kasi nila itong ginagawa sa akin.”
“Patingin nga niyan,” sambit ni Mang Temyong sabay abot naman ng binata ng isang tela. “Aba! Kahanga-hanga ang mga ito. Napakagaling ng kamay mo, bata! Teka, ano nga bang pangalan mo at anong kaso mo, bakit ka nandito?”
“Ako po si Carlo, nahulihan po ako ng pinagbabawal na gam*t. Pinagtripan kasi ako ng mga kaklase ko. Pero kahit anong sabi ko sa kanila ay hindi sila maniwala. Paano sila maniniwala kung pati ang mga magulang ko ay hindi naniniwala sa akin,” malungkot na wika ni Carlo.
“Gumuguhit po ako sapagkat pinaghahandaan ko po ang araw ng exhibit dito sa selda. Maraming bigatin, mayayaman at maimpluwensiyang tao ang dadalaw dito. Pwedeng magbenta ng mga sariling likha. Mag-iipon ako kasi para may pangpiyansa na ako rito. Hindi naman ako kukunin dito ng mga magulang ko,” saad ba ng binata.
Mula noon ay palagi nang magkasama si Mang Temyong at si Carlo. Palagi nang pinoprotektahan ng matanda ang binata sapagkat mainit ito sa mata ng ibang bilanggo dahil sa maliit nitong mangangatawan. Tila naging ama si Mang Temyong sa binata dahil sa mga gabay nito sa kaniya. Kahit na nahihirapan si Carlo ay hindi niya nagawang bumitaw. Sa tuwing tinitingnan kasi niya si Mang Temyong at ang pag-asa nitong muling makakalaya ay nabibigyan siya ng lakas ng loob upang lumaban.
Dumating na ang araw na pinakahihintay ni Carlo. Dala nila ni Mang Temyong ang mga larawang ipininta ng binata at isa-isang iniayos upang maipresenta sa mga pupunta.
“Huwag kang kabahan, Carlo. Magaganda ang mga gawa mo. Mapapansin ka nila at maraming bibili. Maiipon mo na ang salaping kailangan mo at makakalaya ka na rin dito,” wika ni Mang Temyong sa binata.
Hindi nga nagkamali ang matanda. Isang mayamang negosyante ang nakita sa mga gawa ni Carlo at pinakyaw ito. Tuwang-tuwa ang dalawa.
“Apatnapung libong piso lahat, Tatay Temyong!” napatalon sa galak ang binata.
“Sa wakas, Carlo ay makakalaya ka na!” sambit ni Mang Temyong.
Kinagabihan ay maagang natulong ang dalawa. naalimpungatan ng madaling araw si Mang Temyong at nakitang nagbabalot na ng gamit si Carlo. Napangiti siya at muling natulog ang matanda. Maaga siyang gumising upang makasama pa ng matagal ang binata.
Ngunit wala na ito sa selda. Nang hanapin niya ang binata ay laking gulat niya ng tawagin ng warden ang kaniyang pangalan.
“Mang Temyong, laya ka na!” sambit ng warden.
Laking pagtataka ng matanda sapagkat alam niyang hindi makakakuha ng ganoong kalaking salapi ang kaniyang asawa. Kaya agad niyang hinanap si Carlo.
Nang matagpuan niya ang binata ay dala na nito ang bag na naglalaman ng gamit ng matanda.
“Huwag n’yo akong kalimutan sa paglabas ninyo, Tatay Temyong! Namimiss ko kayo rito pero sana ay huwag na tayong magkita dito sa loob ng kulungan,” naiiyak na wika ni Carlo.
Laking gulat ng matanda sapagkat ginamit pala ni Carlo ang perang nalikom niya upang piyansahan siya.
“Hindi ko matatanggap ‘yan, Carlo! Pera mo ‘yan, kaya dapat ikaw ang lumaya dito! Ipagpatuloy mo ang buhay mo sa labas,” napapaluhang sambit ni Mang Temyong.
“Naproseso na po, ‘tay! Wala na kayong magagawa pa. Ibati nyo na lamang po ako sa asawa at apo ninyo,” nakangiting tugon ng binata.
Umiiyak na niyakap ni Mang Temyong si Carlo. Hindi niya akalain na sa ganitong paraan siya makakalaya. Lubusan ang pagkasabik niya na makita ang kaniyang asawa at apo.
Pagkalabas niya ay agad niyang pinuntahan ang mga magulang ni Carlo. Kinumbinsi niya sa mga ito na walang kasalanan ang kanilang anak at hindi siya dapat nakapiit sa kulungan. Sinabi rin ng matanda ang ginawa nitong kabayanihan upang makalabas siya at muling makapiling ang kaniyang pamilya.
Dahil dito ay natauhan ang mga magulang ni Carlo at pinyansahan na ang binata. Laking tuwa ng dalawa sapagkat sa labas na ng kulungan ang naging muli nilang pagkikita. Tuluyan nang napatunayan nila Mang Temyong at Carlo na wala silang kasalanan at napawalang bisa na ang mga kaso laban sa kanila.
Naging patuloy ang pagkakaibigan ng dalawa. Madalas dumalaw si Carlo upang makita, makasama at magbigay ng tulong kay Mang Temyong na pumapasada pa rin ng padyak hanggang ngayon. Walang nag-akala na ang pagkakakulong pala nila ay magbubunga ng isang magandang karanasan at walang hanggang pagkakaibigan.