Inday TrendingInday Trending
Mahal Ko Ang Kambal Ko!

Mahal Ko Ang Kambal Ko!

Graduate na ang kambal at alam ni Dino na anumang oras at araw, maraming kalalakihan ang pipila para makuha ang matamis na oo ni Dina. Kung kaya naman, nag-isip siya nang maaaring gawin upang mapigilan iyon.

“Dina! Tara’t mag-abroad tayo!” masayang imbita niya sa kambal. Ngunit sumimangot lamang iyon sa kaniya dahil wala naman talaga iyon sa kanilang plano. Patuloy pa rin ang kaniyang pangungulit sa babae hanggang sa nairita iyon sa kaniya. Simula na naman ng isang harutan kung saan masayang-masaya si Dino na pinagmamasdan ang nakangiti at masayang si Dina. Hanggang sa bigla na lamang niya naramdaman ang kabog sa kaniyang damdamin nang marinig ang ina na tinatawag sila upang kumain na ng tanghalian.

Naisip niyang hindi maaari. Kapatid niya si Dina at may mga magulang siyang hindi pinapaalam ang katotohanan sa babae. Masaya silang dalawa na bumaba upang kumain. Naroon ang kaniyang ama at ina pati na ang nakahandang hapag para sa tanghalian.

“Masaya ako na hanggang ngayon ay masaya at kumpleto tayo, mama at papa,” biglang wika ni Dina sa kanila habang kumakain.

Nabulunan siya sa sinabing ito ni Dina. Agad naman siyang kinuha ng tubig nito at tinatapik-tapik ang kaniyang likuran.

“Basta, masaya po ako, ma, pa, pati ikaw Dino, masaya ako na ikaw ang kakambal ko kahit na lagi mo akong iniinis at inaaway simula pa noon!” pag-uulit pa ni Dina.

Ang ama’t ina naman ay ngiti ang tanging tugon sa sinabi niyang ito. Maligaya ang lahat sa kanilang pagkain habang nagbabahagi ng kanilang mga kwento. Ngunit tanging si Dino lamang ang hindi masaya sa mga oras na iyon.

Pagkatapos ng kanilang tanghalian, agad namang tumayo si Dina at saka nag-ayos ng sarili. Nang tanungin ni Dino sa kaniyang mga magulang kung saan ang lakad nito, may kikitain raw iyon. Kinabahan siya dahil malakas ang kaniyang kutob na lalaki ang kikitain nito. Kaya naman nagpaalam rin siya sa mga magulang na may kikitaing mga kaibigan. Subalit ang kaniyang pakay lamang ay ang sundan kung saan pupunta si Dina.

Nauna pa siyang makapag-ayos sa dalaga at nauna ring umalis ng kanilang bahay upang hindi siya mahalata. Mabilis siyang nagtago nang makitang palabas na ng bahay ang kaniyang kapatid. Patuloy ang kaniyang pagsunod kay Dina nang walang kaalam-alam ang babae. Hanggang sa makita niyang pumasok iyon sa isang coffee shop. Maya-maya ay pumasok din siya habang nakasuot ng isang jacket, cup at salamin upang hindi siya kaagad matukoy ng kapatid. Laking gulat naman niya ng tumambad sa kaniya ang kaibigan niyang si Roy na siyang kasama ng kapatid na si Dina.

“Traydor itong lalaking ‘to ah. Makakatikim sa akin ito! Porket ba hindi ko sinasabi sa kaniya ang tungkol sa pagkatao ni Dina at ang nararamdaman ko, hindi na niya sasabihin sa aking may gusto siya sa kapatid ko!” iritang sabi niya sa sarili.

Nakakunot na ang kaniyang noo’t kilay habang pinapanood niya ang dalawa na naglalambingan habang nagkukwentuhan. Doon lamang niya nakita si Dina na ganoon ngumiti. Kakaiba sa kung paano niya iyon pangitiin.

Tuluyan nang nainis ang binata at hindi na ipinagpatuloy pa ang panonood sa dalawa. Patuloy naman ang kaniyang pagmamaktol hanggang sa makauwi siya ng bahay. Agad siyang dumiretso sa kaniyang ina na nagluluto ng kanilang hapunan.

“Oh, Dino, nariyan ka na pala?” wika nito sa kaniya.

“Ma, sabihin niyo na kasi kay Dina!” pagalit na sabi nito habang nakatayo lamang sa may pintuan.

“Anong sasabihin? Ano ba ang nangyayari sa iyo, Dino?” tanong ng ina.

“Na ampon lang si Dina. Na hindi siya totoong pamilya, na hindi ko siya kambal!” muli niyang tugon sa ina na naibagsak ang sandok na hawak-hawak.

Nagulat ito sa kaniyang narinig mula kay Dino. Mabilis niyang tinawag ang asawa na nagkukumpuni sa may likuran ng kanilang bahay at hinila si Dino sa kanilang silid.

“Paano mo nalaman? Alam na ba ni Dina? Hindi iyon maaaring malaman ni Dina, Dino!” nagpipigil na wika ng ina sa kaniya.

“Narinig ko lang na nag-uusap po kayo ni papa, ma. Pero, bakit, ma? Hanggang kailan natin iyon ililihim kay Dina. Hindi ba’t dapat lamang na malaman niya iyon? At makilala niya ang kaniyang mga tunay na magulang!” sagot niya sa ina.

Nagtatalo ang dalawa kasama ang ama ng kambal nang biglang bumukas ang pintuan ng kanilang silid. Laking gulat nila nang makita si Dina na dahan-dahan na pumapasok sa loob habang ito’y nakayuko at umiiyak.

“Matagal ko na pong alam, ma, pa, Dino. Huwag na kayong magtalo pa. Tulad ni Dino, narinig ko na rin iyon noong bata pa lang ako. Pero malaki po ang pasasalamat ko sa inyong lahat kasi kayo ang pamilya ko… dahil hindi niyo ako tinuring na ibang tao,” lumuluhang wika ni Dina sa tatlo.

Nag-iyakan ang lahat at humingi ng tawad si Dino sa kaniyang mga magulang dahil napagtaasan niya iyon ng boses. Ganoon din ay ang mga magulang nila na humingi ng tawad kay Dina sa pagtatago ng katotohanan mula sa kaniya.

Ikinuwento din ng mga magulang nila ang totoong nangyari sa ina ni Dina. Kaibigang matalik daw iyon ng ina nila at sa kaniya ibinilin si Dina nang pumanaw iyon sa isang malubhang sakit noong siya’y sanggol pa lamang. Parehas ang kanilang taon kung kaya naman naisip nila na gawing kambal ang kanilang anak.

Laking pasasalamat naman ng umaatungal na si Dina at sinabing hindi na siya naghahanap pa ng ibang ama, ina, at kapatid. Dahil ang pamilya niya ngayon, para sa kaniya ay tunay at totoo. Dito naman tuluyang isinuko ni Dino ang kaniyang nararamdaman para kay Dina. Hindi man niya iyon nasabi, pero alam niyang kaya pa rin niyang alagaan at mahalin ito, hindi man bilang nobyo, kundi bilang kapatid nito na nagmamahal sa kaniya.

Advertisement