“Gina, bakit naman sa kaniya pa?” tumatangis na tanong ni Richard sa kaniyang nobya.
“Hindi ko rin alam, Richard,” naguguluhang sagot naman ni Gina.
“Minahal ko si Carla sa kabila ng buong katotohanan na isa siyang ti*bo. No’ng una ay ayokong aminin sa sarili ko Richard, maniwala ka. Sinubukan kong pigilan, pero hindi ko kaya,” humihikbing paliwanag ni Gina sa nobyo. “Mahal na mahal ko si Carla,” dugtong pa ni Gina na labis na nagpadurog sa puso ni Richard.
Hindi pa pala sapat ang maraming taon upang sabihin ni Richard na kilalang-kilala na niya si Gina. May dalawang anak na sila at halos sampung taon na rin silang nagsasama ni Gina. Minsan man ay hindi niya pinagdudahan ang asawa kahit na marami na siyang naririnig na chismis sa mga kapitbahay nila laging magkasama sina Gina at Carla at mukhang may relasyon ang dalawa. Nanaig ang pagmamahal at pagtitiwala niya sa asawa kaya hindi siya naniniwala sa iba.
Ngunit nang mahuli niya ito mismo na kahalikan si Carla ay doon niya napagtantong tama nga ang sinasabi ng karamihan.
“Bakit kay Carla pa Gina? Bakit sa isang babae pa? Ano bang wala sa’kin na mayroon sa ti*bong iyon?” takang tanong ni Richard.
“Hindi ko din alam Richard,” paulit-ulit namang sagot ni Gina. “Mahal kita at ang mga anak natin. Pero mahal ko rin si Carla,” umiiyak na wika ni Gina.
Kinabukasan ay kinausap ni Richard si Carla.
“Lalaki sa lalaki Carla, gusto kong sabihin sa’yo na layuan mo na ang asawa ko. Ayokong dahil lamang sa’yo ay masira ang pamilyang pinaghirapan ko,” matigas na wika ni Richard.
“Patawarin mo ako p’re. Ilang beses ko na ring pinigilan ang bugso ng damdamin ko sa asawa mo pero hindi ko kaya p’re at alam kong ganoon din si Gina,” malungkot na wika ni Carla. “Sana naman hayaan mo na lang kami,” nakikiusap na wika ni Carla.
“Alam mo ba ang sinasabi mo?!” galit na wika ni Richard. “Hahayaan ko kayong ipagpatuloy ang relasyon ninyo! Iniisip mo ba kung paano na ang mga anak ko?”
“Mahal ko ang mga anak niyo. Kung gaano ko ka mahal si Gina ay ganoon ko rin kamahal ang mga anak ninyo Richard,” wika ni Carla. “Babae rin ako Richard, hinding-hindi ko maibibigay kay Gina ang kaya mong ibigay. Hindi ko sisirain ang pamilya ninyo Richard, pero hayaan mo lang kami ni Gina na magmahalan,” nakikiusap na wika ni Carla.
Nahihirapan si Richard na intindihin ang sinasabi ni Carla. Kaya niya bang ipaubaya ang asawa sa isang tibo? Kakayanin kaya ng sikmura niya ang sinasabi ni Carla?
“Maghiwalay na lang tayo Gina,” matigas na wika ni Richard sa asawa.
Agad namang yumakap si Gina kay Richard at nakiusap. “Pakiusap Richard, ayokong mawala kayo ng mga anak natin.”
“Pwes! Pumili ka. Ako at ang mga anak natin o ang ti*bo iyon?” tanong niya.
“Mas pipiliin ko kayo dahil ayokong mawala kayo Richard,” nahihirapang wika ni Gina habang panay ang iyak. “Kahit gaano ako kasaya sa piling ni Carla ay handa akong magsakrispisyo para sa pamilya natin,” dugtong pa nito.
“Handa mong iwanan si Carla?” takang tanong ni Richard sa asawa.
Tumango si Gina at niyakap si Richard. “Pipiliin ko kayo dahil kayo ang pamilya ko. Mahal ko kayo ng mga anak natin Richard, patawarin mo ako kung nagmahal ako ng iba,” hinging patawad ni Gina sa asawa.
Niyakap naman siya agad ni Richard. “Tatanggapin kita dahil asawa kita Gina, kahit ano ka pa. Kahit sino ka pa,” madamdaming wika ni Richard.
Kinabukasan ay nag-desisyon silang mag-asawa na umuwi na lamang sa probinsya upang doon na permanenteng manirahan. Pero bago iyon ay nais muna ni Gina na makausap si Carla ng masinsinan na pinayagan naman ni Richard.
“Buo na ba talaga ang desisyon mo, Gina?” humihikbing tanong ni Carla habang mahigpit na hawak ang kamay ni Gina.
“Mahal kita Carla, pero mas mahal ko ang pamilya ko. Kung papipiliin ako mas pipiliin ko sila ng isang daang beses dahil sila ang pamilya ko. Patawarin mo ako kung hindi ko kayang ipaglaban ang pagmamahalan nating dalawa,” tumatangis na wika ni Gina.
“Mag-iingat ka kung saan ka man dalhin ng tadhana Gina, pangako mag-iingat din ako,” wika ni Carla.
“Salamat sa magandang samahan Carla, hinding-hindi kita makakalimutan. Hangad ko ang kaligayahan mo balang araw,” wika ni Gina bago magpaalam.
Kinabukasan ay tuluyan na ngang umalis ang pamilya nina Richard at Gina sa Manila at mas piniling manirahan na lang sa probinsya nila. Minsan may mga mabibigat tayong pagdadaanan na desisyon sa buhay. Madalas ay mas pinipili natin ang bagay na mas masakit para lamang sa tama.
Katulad ni Gina, mas pinili niya ang buhay ng pamilya niya kaysa sa kaniyang kaligayahan. Laking pasasalamat na rin niya dahil mayroon siyang asawang handa siyang tanggapin kung sino man siya, at kung anuman ang mga pagkakamali niya.