Ang Hiwaga sa Patahian

Si Joselito ay isang mahusay na mananahi. Nagmamay-ari siya ng isang maliit na patahian ng mga damit na panglalaki sa Quiapo.

Matagal na siya sa trabahong iyon at kahit kailan ay hindi siya magsasawa na magtahi ng mga damit.

Ngunit ang kanyang patahian ay hindi na dinarayo ng mga kustomer at tila nalimutan na ng mga tao. Sa loob ng isang linggo ay suwerte nang dayuhin siya ng isa o dalawang kustomer kaya nangangamba ang asawa niyang si Lydia dahil palugi na ang negosyong matagal na iningatan niya.

“Panahon na siguro upang isara mo na ang iyong patahian. Malaki na ang nalulugi sa iyo dahil paisa-isa na lamang ang nagpupunta rito para magpatahi ng damit. May isa pa naman tayong pinagkukunan ng ikabubuhay, nariyan pa ang ating maliiit na sari-sari store. Sapat naman ang kinikita nito sa pang-araw-araw nating gastusin,” sabi ng kanyang asawa.

“Pasensya na pero hinding-hindi ko susukuan ang aking patahian. Kahit pa mangilan-ngilan na lang ang nagpapatahi sa akin ay nais ko pa ring ituloy ang aking pagtatahi dahil dito ako masaya,” sagot niya rito.

Alas singko ng hapon ay mayroong kustomer na naligaw sa kanyang patahian at nagpapagawa ng polo shirt at pantalon. Kinagabihan ay sinimulan na niyang ihanda ang mga materyales para gawin sa umaga ang pinagagawa ng kanyang kustomer.

Nang sumapit ang umaga ay laking gulat niya nang magisnang yari na ang polo shirt at pantalon na inihanda lamang niya ang mga materyales sa nagdaang gabi. Hindi siya makapaniwala na kay husay pa ng pagkakatahi ng mga iyon.

“Diyos ko, anong himala ito? Sino kaya ang may gawa ng mga ito? Hindi naman maaari na ang aking asawa, dahil hindi naman iyon marunong manahi,” sabi ni Joselito sa isip.

Advertisement

Nang balikan ng kanyang kustomer ang mga damit na ipinatahi ay laking tuwa nito dahil kakaiba at kay ganda ng pagkakagawa ng mga iyon. Dahil doon ay binayaran siya nito ng doble sa siningil niya.

“Napakahusay ng iyong pagkakatahi, gustong-gusto ko! Ipapaalam ko ito sa aking mga kaibigan at mga kakilala. Sasabihin ko sa kanila na dito sa patahian mo magpatahi,” wika nito sa kanya.

“Naku, maraming salamat po!” sagot niya.

Tuwang-tuwa si Joselito dahil labis na nagustuhan ng kustomer ang pagkakagawa sa mga damit nito ngunit malaking palaisipan pa rin sa kanya kung sino ang nagtahi ng mga iyon.

Nang sumunod na araw ay nagdagsaan ang mga tao sa kanyang patahian para magpatahi ng mga damit. Ipinagkalat ng kustomer ang tungkol sa patahian niya.

“Grabe, kay daming nagpapagawa ngayon sa akin. Hindi ko kailanman ito inasahan,” bulong niya sa sarili.

Kinagabihan ay inihanda niya ang mga materyales para sa mga tatahiing damit ngunit paggising niya kinaumagahan ay nakita niyang yari na ang mga damit.

“Diyos na mahabagin, imposible na itong mangyari dahil hindi naman kakayanin na magawa ang mga ito sa loob ng magdamag! May kakaiba nang nangyayari rito!” labis na pagtataka niya.

Advertisement

Agad niyang ikinuwento sa kanyang asawa ang mga kakatwang pangyayari at gulat na gulat din si Lydia sa nalaman.

“Ganoon ba? E, sino naman kaya ang nagtatahi ng mga damit?” pagtataka nito.

“Sino nga kaya ang mabait na tumutulong sa akin?”

“Gusto mo, huwag tayong matulog mamayang gabi at tingnan natin kung sino nga siya?” suhestiyon ng kanyang maybahay.

Ganoon nga ang ginawa ng mag-asawa. Nang sumapit ang gabi ay nagkubli sila sa likod ng makapal na kurtina para makita nila kung ano ang nangyayari kapag sila ay mahimbing na natutulog.

Alas dose nang hatinggabi, nagulat sila nang biglang pumasok sa bintana ang dalawang batang babae, na sa tantiya nila ay nasa lima o anim na taong gulang.

“Mga bata? Paanong…”

“Tuloy-tuloy ang mga ito sa mesa at sinimulan agad ang pagtatrabaho. Pakanta-kanta at pasayaw-sayaw pa na parang tuwang-tuwa ang mga ito habang nagtatabas ng tela at nananahi. 

Advertisement

Madaling nagawa ng mga bata ang mga tinatahing damit pagkatapos ay sabay na tumalon sa bintana.

“Mga bata? Saan sila nagmula at paano nagagawa na mabilis ang pagtatahi?” nagtataka pa ring sabi ni Joselito.

“Kay babait nila, ano? ‘Di kaya mga anghel sila galing sa langit na nagpapanggap lang na mga batang paslit?” gulat na tanong ni Lydia.

“Maaaring tama ka. Siguro ay mga hulog sila ng langit sa atin. Saan man sila nagmula o anumang nilalang man sila ay wala na akong pakialam. Para sa akin ay sila ang nagdala sa atin ng suwerte. Paano kaya natin sila pasasalamatan? Mukhang ayaw yata nilang magpakita sa atin, e!” hayag ng lalaki.

“Hayaan mo. Ipagluluto ko sila ng masarap na kakanin at iiwan na lang natin sa mesa sa pagsapit ng gabi,” tugon naman ng asawa.

Nagluto si Lydia ng suman at bibigka para sa mga matulunging anghel. Ipinatong nila ito sa mesa kinagabihan at nangubli uli sila sa likod ng kurtina.

Di nagtagal ay dumating na ang dalawang bata at nang makita ng mga ito ang mga kakaning nakahain sa mesa ay nagtatalon sa tuwa ang mga ito na para bang nahulaan na kung para kanino ang mga iyon.

Laking gulat ng mag-asawa nang biglang magbago ang anyo ng mga ito. Nagsilitaw ang kulay puting mga pakpak sa likod ng dalawang bata na napapalibutan ng nakasisilaw na liwanag. Tama ang kanilang hinala na mga anghel ang mga ito na isinugo ng langit para sila tulungan.

Advertisement

Matapos na magawa ng mga anghel ang mga damit na ipinatahi ng kanyang mga kustomer, buhat noon ay hindi na bumalik ang mga ito sa kanilang bahay ngunit nagpatuloy naman ang suwerte sa buhay nilang mag-asawa. Ang paluging patahian ni Joselito ay muling dinagsa ng maraming kustomer.

Ang hindi nila alam ay kaloob na iyon sa kanila ng mabubuting anghel dahil marunong silang tumanaw ng utang na loob.