Inday TrendingInday Trending
Marupok Ako, Eh!

Marupok Ako, Eh!

“OMG, Bess! Ano na naman ang ginawa sa ʼyo ng magaling mong asawa? Jinombag ka na naman niya?!” hiyaw ng Ading sa kaibigan niyang si Ann. Paano ay kumatok ito nang dis-oras ng hating gabi sa kaniyang pintuan para lamang mabungaran niya ang nangingitim na palibot ng mga mata nitong umiiyak na naman!

“Bess, ayoko na talaga. Hindi na ako babalik kay Vincent!” umiiyak namang reklamo ni Ann sa kaibigan niyang beki.

Napairap na lang sa kawalan si Ading. Duda siya sa sinabi ng kaibigan. Ilang beses na ba niyang narinig iyon dito? Hindi na niya mabilang.

Walang imik na ginamot na lamang ni Ading ang mga sugat at pasa sa katawan ni Ann, kahit na alam naman niyang maya-maya lang ay susunduin na rin ito ng asawa nito, na may dalang pabulaklak at tsokolate. Susuyuin na naman ni Vincent ang asawa matapos niya itong jombagin, habang si Ann naman ay madaling bibigay at muling sasama rito. Pagkatapos, makalipas lang ang ilang araw ay ganoon na naman ang sistema. Kung minsan, napapagod na rin si Ading na umintindi sa kaibigan. Napapagod na rin siyang tulungan ito, dahil hindi rin naman nito tinutulungan ang sarili.

“Bess, sana last na ʼto. Sana, hindi ka na talaga bumalik sa asawa mo. Pagod na pagod na kaming mga kaibigan mo na saluhin ka sa tuwing gagawin ka niyang punching bag. Tulungan mo rin ang sarili mo,” maya-maya ay hindi na niya napigilang sabihin kay Ann.

“Sorry, bess, alam mo namang marupok ako, e,” pangangatuwiran naman ni Ann na agad namang ikinainit ng ulo ni Ading.

“Marupok?! Bess, beki ako. Karamihan sa amin, marupok din, dahil lagi kaming naghahanap ng tatanggap sa amin! Pero nakita mo ba akong nagkaganyan dahil sa lalaki? May nabalitaan ka bang pangyayari sa buhay ko kung saan hinayaan kong api-apihin ako ng lalaki, dahil lang marupok ako? Hindi, bess…hindi!” may galit sa tinig na bulalas naman ni Ading kay Ann. “Ikaw, tunay kang babae. Maraming nagmamahal sa ʼyo, hindi katulad ko. Alam mo naman ang karapatan mo, ʼdi ba? Alam mong maaari kang lumaban. Pero bakit hinahayaan mong maging kawawa ka dahil lang marupok ka? Bakit ipinagsisiksikan mo ang sarili mo sa taong hindi ka naman mahal?”

Hindi sumagot si Ann sa hinaba-haba ng kaniyang paglilitanya. Iyon pala ay dahil hindi naman ito nakikinig sa kaniya.

Maya-maya lang ay nandiyan na nga si Vincent at dahil marupok nga raw ang kaibigan niya, sumama na naman ito sa mapanakit na asawa.

Iyon na ang hudyat para tuluyan nang isarado ni Ading ang kaniyang pintuan para sa kaibigan. Hindi kasi ito matututo kung patuloy niyang tatanggapin sa tuwing masasaktan. Sa susunod na mauulit muli ang pananakit ni Vincent dito, kahit muli itong kumatok sa kaniyang tahanan ay hindi na niya ito pagbubuksan. Hahayaan niyang maranasan ni Ann, iyong mawalan na ng ibang paraan sa problema nito kundi ang lumaban para sa sarili.

Makalipas lang ang ilang araw ay ganoon na nga ang nangyari. Hating gabi na naman at kumakatok ulit si Ann. Humihingi ng tulong at naghihintay na kaniyang pagbuksan. Masakit man kay Ading ay pinigilan niya ang sariling labasin ang kaibigan, dahil hindi katulad nito, hindi siya marupok.

Napilitang umalis si Ann nang gabing iyon at bumalik sa kanilang tahanan… ngunit ganoʼn na lang ang gulat ni Ading nang mabalitaang nasa ospital si Ann, kinabukasan!

Agad siyang nakaramdam ng pagsisisi na hindi niya ito pinagbuksan kagabi. Pinuntahan niya ito sa ospital.

“Anoʼng nangyari sa ʼyo, Bess? OMG! May masakit ba sa ʼyo? Nasaan ang sugat mo? Patawarin mo ako kung hindi kita pinagbuksan ng pinto. Gusto ko lang namang tigilan mo na ʼyang kahibangan at karupukan mo kay Vincent!” naiiyak na sabi ni Ading kay Ann.

Niyakap siya ng babae. “Patawarin mo rin ako, bess. Maraming salamat din dahil hindi mo ako pinagbuksan ng pintuan kagabi. Dahil doon ay napilitan na akong tumakbo sa police station para ipahuli ang asawa ko. Iyon ang dahilan kung bakit ako nandito sa ospital ngayon. Kailangan daw ng medico legal para tuluyan ko na siyang masampahan ng kaso,” ang nakagugulat namang rebelasyon ni Ann.

Napanga-nga na lang si Ading sa nalaman. Nagulat siya, pero napakasaya niya!

Malaki naman ang pasasalamat ni Ann kay Ading, dahil naging tunay niya itong kaibigan. Isang tunay na kaibigan na handa siyang parusahan at turuan ng leksyon, kapag mali na ang ginagawa niya. Hindi nito hinayaang tuluyan siyang kainin ng kaniyang karupukan sa pag-ibig. Tinuruan siya nitong lumaban at maging matatag.

Advertisement