Ang “NBSB” na si Criselda

“Hopeless romantic” si Criselda. NBSB o ‘No Boyfriend Since Birth’. Hindi rin alam ni Criselda kung bakit walang nagtatangkang manligaw sa kaniya. Sabi ng mga kaibigan niya, may hitsura naman daw siya. Subalit mukhang seryoso sa buhay at suplada. Pormal at nakatuon ang kaniyang pansin sa trabaho. Nagpakasubsob siya upang hindi mapansin ang kakaibang kalungkutang namamayani sa kaniyang pagkatao.

Gusto ring marananasan ni Criselda kung paano kiligin dahil may naghandog ng bulaklak. Gusto niyang maranasang maakbayan, mahawakan ang mga kamay, habang naglalakad sa mall at iba pang pampublikong lugar. Gusto niyang maranasang magmahal at mahalin. Subalit tila hindi pa iyon ibinibigay ng Diyos sa kaniya.

Kalungkutang alam niyang hindi mapupunan kahit ng nanay niyang laging nakangiti, tila walang problema sa buhay, at maasikaso sa kanilang mga kapatid. O kaya naman ng mga kaibigan niyang mga loka-loka at masayang kasama.

Sa madaling salita, gusto niya ng lalaki. Lalaki sa buhay niya. Subalit ayaw naman niyang basta-basta pumatol kung kani-kanino. Pinahahalagahan pa rin naman niya ang dignidad at pagkababae niya. Gusto niya, kung magkakaroon man siya ng magiging nobyo, iyong tipong madadala niya sa kanilang bahay at maipagmamalaki niya. Maipapakilala niya nang maayos sa kaniyang pamilya, mga kaibigan, at buong angkan.

Malapit na ang Semana Senta kaya naging paspasan ang trabaho sa opisina nina Criselda. Miyerkules Santo na noon. Sa Lunes na ulit sa susunod na linggo ang kanilang pagbalik. Seryosong tinatapos ni Criselda ang kaniyang mga papeles. Balak kasi nilang maligo sa beach sa darating na Sabado de Gloria. Nakasanayan na nilang gawin iyon.

Nilapitan siya ng kaibigang si Nilda. Tinapik siya sa balikat.

“Hoy ghorl, huwag ka masyadong seryoso diyan sa ginagawa mo. Penitensya ba trip mo? Lunch na. Kain na tayo,” aya ni Nilda.

Napatingala si Criselda sa mukha ng kaibigan. Hindi niya namalayan ang oras.

Advertisement

“Sige… pasensya na kailangan ko na tapusin ang mga ito. Ayoko na ng mga isipin sa pagbalik natin next week. Saan ba tayo kakain?” tanong ni Criselda.

“Doon sa canteen, pero bes, may isasabay sana tayo. Ayos lang ba?” tanong ni Nilda.

“Okay lang. Sino naman iyan?” tanong ni Criselda habang sinisipat ang sarili sa salaming nakapatong sa kaniyang desk.

“Si Gerald, taga kabilang department. Dati ko siyang workmate. Wala pa masyadong kakilala kaya inaya ko na sumalo sa atin. Papakilala kita gusto mo?” nakangiting sabi ni Nilda.

“Naku huwag na. Ikaw talaga. Tara na nga!” aya ni Criselda.

Pagdating nila sa canteen, dumiretso sila sa isang mesa na may nakaupong matangkad na lalaki. Ito na ang tinutukoy na “Gerald” ni Nilda. Gwapo at maputi. Naramdaman ni Criselda ang panay na pagsulyap sa kaniya nito, subalit hindi niya iniintindi. Wala siya sa mood magsalita. Hinayaan lamang niya sina Nilda at Gerald na magkuwentuhan hanggang sa matapos silang kumain at bumalik sa kani-kanilang mga trabaho.

Uwian, hindi maintindihan ni Criselda kung bakit napakahirap sumakay. Wala siyang masakyan. Kahit mga taxi ay punuan. Hindi kayang lakarin mula sa opisina hanggang sa kanila dahil baka bukas pa siya makauwi. Matiyagang naghintay si Criselda. May darating din iyan, bulong niya sa sarili. Mas imposible pa ang pagdating ng magiging boyfriend niya kaysa sa masasakyan.

“Miss, sakay na! Mahirap nang sumakay ngayon.”

Advertisement

Napalingon si Criselda. Isang lalaking nakamotor na ubod ng guwapo ang nasa harapan niya. Natulala si Criselda. Kahit nakahelmet ang lalaki, alam niyang guwapo ito. Matangkad, matipuno ang pangangatawan, at makinis.

Lord, masasakyan lang po ang hinihiling ko, hindi Ninyo naman po ako sinabihan na sabay ninyong ibibigay sa akin ang masasakyan at ang magiging future dyowa ko, sa isip-isip ni Criselda. Bagama’t kinikilig, hindi pa rin nagpahalata si Criselda. Ibinalik niya sa katinuan ang isip. Mukhang hindi naman ito Angkas rider o sa iba pang transportation app, bakit ito mag-aayang isakay siya? Baka mamaya kung saan siya dalhin?

“Hindi po kuya. May susundo po sa akin,” nasabi na lamang na alibi ni Criselda.

“Sige na… wala ka namang hinihintay eh. Kanina pa kita nakikitang pumapara so ibig sabihin, commuter ka lang. Tara na. Isasabay na kita,” giit ng lalaki.

Hindi maintindihan ni Criselda ang sarili. Naisip niya, hindi naman siguro masamang tao ang lalaki dahil sa hitsura nito. Wala namang masama kung makikisakay siya. Kung may balak mang masama sa kaniya ang lalaki, sisigaw na lamang siya at hihingi ng saklolo.

Sumakay na nga si Criselda sa motor. Kinuha ng lalaki ang kaniyang hand bag at inilagay sa bandang harapan, upang makahawak daw mabuti si Criselda. Humarurot na nga ang lalaki. Mabilis ang patakbo nito kaya napapayakap si Criselda rito. Infairness, mabango! saad ng isip ni Criselda.

Maya-maya, daraan sila sa isang checkpoint.

“Miss, mahuhuli tayo ng mga pulis kasi wala kang helmet. Ganito gagawin natin. Baba ka muna, tapos lulusot ako sa checkpoint. Lumakad ka lang. Hihintayin kita sa kabila, tapos sakay ka na ulit,” utos sa kaniya ng lalaki. Tumango naman si Criselda at nagpatianod sa diskarte ng lalaki. Gusto na niyang makauwi dahil inaantok na siya. Pinaandar na nito ang motor at lumusot sa kabila.

Advertisement

Si Criselda naman ay naglakad papasok sa checkpoint. Nang nasa kabilang kalye na siya, hinanap niya ang lalaking nakamotor, subalit wala na ito. Tiningnan niya ang kabilang kalsada subalit wala na talaga. Saka niya naalala na ang hand bag niya, na naglalaman ng kaniyang pitaka at mahahalagang gamit, ay natangay na nito. Mabuti na lamang at nasa bulsa niya ang cellphone niya. Napaiyak si Criselda.

Walang ano-ano’y isang nakamotor na lalaki ang huminto sa harapan ng umiiyak na si Criselda. Akala ni Criselda, ito ang lalaking nagpasakay sa kaniya, subalit nang maispatan niya ito, ibang tao pala. Si Gerald pala ito, ang nakasabayan nilang kumain kanina ni Nilda.

“Miss, ayos ka lang? Anong nangyari sa iyo?” nag-aalalang tanong ni Gerald. Isinalaysay ni Criselda ang mga nangyari, at dahil sa paghimok nito, sinamahan siya ni Gerald na magpa-blotter upang maiulat ang mga nangyari.

“Hatid na kita sa inyo,” aya ni Gerald sa kaniya.

Inihatid siya ni Gerald hanggang sa kanilang bahay. Walang-wala siyang kahit singkong duling. Mabuti na lamang at nagkataong nakita siya ni Gerald sa daan. Bago ito umuwi, pinagkape muna niya ang lalaki at ipinakilala sa kaniyang pamilya. Kinuha ni Gerald ang kaniyang cellphone number at hindi naman siya nangiming ibigay.

Simula noon, araw-araw nang nagkakatext sina Gerald at Criselda. Laging kinukumusta ni Gerald si Criselda lalo na’t nakaka-trauma ang nangyari sa kaniya. Hindi na rin kasi nahuli ang naturang lalaki. Nagkapalitan na rin sila ng mga social media accounts. Nagkapalagayang loob hanggang sa lumabas-lumabas na. Ilang buwan lamang at niligawan ni Gerald si Criselda, at makalipas ang ilang linggo, sinagot na siya ni Criselda. Sa wakas, hindi na siya NBSB! Ipinagtapat niya ito kay Gerald.

“May aaminin ako sa iyo, mahal…” pagtatapat ni Gerald.

“Ano iyon, mahal?” tanong ni Criselda.

Advertisement

“Noong araw na nagkasabay tayong kumain kasama si Nilda, nagpaalam talaga ko kay Nilda na sumabay sa inyo para makilala ka. At nang gabing iyon na naghahanap ka ng masasakyan, nakasubaybay ako sa iyo. Aayain na sana kita kaso lang naunahan ako ng hiya. Tapos nakita kong sumakay ka sa motor ng lalaki. Kaya sinundan ko kayo. Kinutuban ako nang masama eh. Kaya hindi nagkataon ang pagkikita natin noon. Naroon talaga ako para iligtas ka,” sabi ni Gerald.

Napayakap si Nilda sa kasintahan. Totoo pa rin naman ang naisip niya noon. Muli niya itong naalala. Lord, masasakyan lang po ang hinihiling ko, hindi Ninyo naman po ako sinabihan na sabay ninyong ibibigay sa akin ang masasakyan at ang magiging future dyowa ko. Kulang pa nga. Tagapagligtas din. Isa pa, maipagmamalaki niya si Gerald sa lahat, sa katunayan, noon pa man ay naipakilala niya nang maayos sa kaniyang pamilya, dahil sa kabutihang ginawa nito sa kaniya.

Ilang taon ang lumipas at nagpakasal sina Gerald at Criselda at bumuo ng masayang pamilya.