Inday TrendingInday Trending
Ang Butihing Sorbetero

Ang Butihing Sorbetero

“Tay, hindi ka ba napapagod sa trabaho mo? Mantakin mo, halos buong lungsod iniikot mo mabenta lang lahat ng mga ice cream na ‘to,” tanong ni Jelai sa kaniyang ama, isang araw nang madatnan niya itong nag-aayos ng mga paninda sa tapat ng kanilang pintuan.

“Napapagod, anak, siyempre! Tao lang si tatay, eh, pero hindi ‘yon kahit kailan magiging rason para tigilan ko ang pagtatrabaho!” magiliw na sagot ni Mang Boy saka iniangat ang isang balde ng yelo sa kaniyang maliit na pedicab.

“Naku, kakaiba ka talaga, tatay! Ikaw ang pinakamasipag, pinakamaaruga at pinakagwapong tatay sa buong mundo!” sambit pa ng kaniyang anak na tila ba may nais hilingin sa ama.

“Binola mo pa ako! O, ano bang kailangan mo? Hindi muna pwede ang luho, ha? Sa pag-aaral mo muna,” sambit niya dahilan upang lumawak ang ngiti ng kaniyang dalaga.

“Siyempre naman, tatay!” masayang tugon nito, “Kailangan ko po ng limang daang piso pangbayad po sa seminar na gaganapin sa Maynila, kasama na po doon ang pamasahe ko, ‘tay!” ika pa nito.

“O, sige, bibigay ko sa’yo mamaya pag-uwi ko. Paano, dito muna ako, ha? Mag-aral kang mabuti!” sambit niya saka tinapik ang anak tanda ng kaniyang pagpapaalam. Buong lakas niyang pinadyak ang kaniyang pedicab saka nagsimulang kalembangin ang kaniyang munting kampanilya.

Mag-isang tinataguyod ni Mang Boy ang kaniyang tanging anak. Isang taon pa lamang ito nang yumao ang kaniyang asawa dahilan upang siya na ang tumayong ama’t ina sa dalaga. Nahihirapan man sa buhay biyudo, hindi ito naging hadlang upang hindi niya matugunan ang pangangailangan ng kaniyang anak.

Isang siyang sikat na sorbetero sa kanilang lungsod. Bukod kasi sa masasarap na sorbetes na tinda niya, nabubusog rin sa kakatawa’t kaalaman ang mga mamimili lalo na ang mga estudyante sa kaniyang mga aral sa buhay at kapilyuhan.

Likas sa kaniya ang kabaitan. Sa katunayan nga, kada may makikita siyang batang umiiyak, agad niya itong binibigyan ng libreng sorbetes dahilan upang kagiliwan siya ng magulang ng mga ito.

Ngunit dahil nga may edad na siya, nakakaramdam na siya kaagad ng pagod lalo na kapag tirik ang araw na nagiging dahilan kung minsan upang matigil siya sa isang malilim na lugar upang magpahinga.

Noong araw na ‘yon, bandang tanghali, nakaramdam na ng pagod si Mang Boy. Agad niyang ipinarada sa mapunong lugar ang kaniyang pedicab at saka lumaklak ng tubig. Panay pa rin siya sa pagpapatunog ng kaniyang kampanilya nang sa gayon, habang nagpapahinga siya, may matatawag pa rin siyang mamimili.

Matagumpay nga siyang nakatawag ng mga mamimili, ngunit laking gulat niya ng may isang batang bigla na lamang sumipa sa kaniyang pedicab. Sinaway niya ito, “Totoy, hindi maganda ‘yang ginagawa mo, baka mapalakas ang sipa mo’t tumilapon ang mga sorbetes ko,” ngunit hindi siya pinakinggan nito at binalya pa ang kaniyang pedicab dahilan upang mangyari nga ang kaniyang iniisip.

Halos tumilapon sa kalsada ang kalahati ng kaniyang sorbetes. Dali-dali niyang tinayo ang kaniyang pedicab saka hinabol ng tingin ang batang mabilis tumakbo palayo. Napabuntong hininga na lamang siya nang makitang kalahati sa kaniyang sorbetes ang natapon. Napakamot pa siya ng ulo nang maalalang kailangan niya pang bigyan ng limang daang piso ang kaniyang anak. Dali-dali niyang tiningnan ang kaniyang pitaka at labis na nadismaya dahil wala pa sa dalawang daang piso ang kaniyang nabenta.

“Diyos ko, sa kaunting sorbetes na ito, hindi na ako kikita ng limang daang piso,” mangiyakngiyak niyang sambit. Nais man niyang magalit sa bata, at pabayaraan lahat nang natapon, minabuti niya na lamang umiwas sa gulo. Mukha kasing may kaya ang bata at sa isip-isip niya kung babanggain niya ang mga magulang noon, masasangkot pa siya sa matinding gulo.

Papaalis na sana siya nang biglang may lumapit sa kaniyang isang lalaki, hila-hila ang umiiyak na batang bumalya sa kaniyang pedicab. Labis ang kaniyang kaba tila galit kasi ang mukha ng lalaki, ‘ika niya, “Naku, baka mali pa ang sumbong ng bata. Malalagot ako nito!”

Ngunit laking gulat niya nang lumuhod sa harapan niya ang bata at humihingi ng pasensya. Agad niya itong pinatayo ngunit ‘ika ng lalaki, “Hayaan niyo po siyang lumuhod, umaabuso na kasi ‘yang anak kong ‘yan, eh. Hindi lang nabigay ang laruang gusto, nang-abala na ng tao,” sambit nito, “Nakita po ng asawa ko ang ginawa ng anak namin, kaya bilang kapalit po, pwede po ba kayong mag-supply sa amin ng sorbetes? May catering service po kasi kami, baka gusto niyo sumama sa negosyo namin. Malaki po ang kita doon, lalo na ngayong magpapasko!” yaya nito na tila labis na nakapagbigay pag-asa sa kaniya.

Binayaran ng naturang lalaki ang natapong sorbetes ng kaniyang anak dahilan upang maibigay niya ang perang kailangan ng kaniyang anak. Bukod pa doon, sinasama na agad siya nito bukas sa isang pagdiriwang bilang sorbetero.

Ito ang naging simula upang ganoon makaipon si Mang Boy. Walang palya ang kaniyang pagtatrabaho sa nasabing catering service at kapag wala namang pagdiriwang na gaganapin, bumabalik siya sa paglalako upang lubos na makaipon.

Kapag talaga mas inuunawa mo ang iyong kapwa, mas pagpapalain ka. Maging mabuti nawa tayo sa ating kapwa kahit pa tayo’y nadedehado dahil hindi biro ang mabuting karma, nag-uumapaw na biyaya ang iyong makakamtan.

Advertisement