Nagkaroon ng reunion noon ang high school batch ni Ronna sa unang pagkakataon. Sampung taon na ang nakalipas at ngayon lamang sila nagkita-kitang muli.
Kanya-kanyang mga pasabog at pakulo ang bawat dumalo. Ang iba’y nakasuot ng mamahaling mga damit, nagkikintabang mga alahas, mamahaling bags at cellphones. Pero bukod tanging si Ronna lamang ang pinakasimple.
“Nako, yung asawa ko nga manager sa isang Japanese company at kumikita ng 80,000.00 isang buwan,” pagyayabang ng isang nilang kaklase noon.
“Ako naman pa-travel-travel lang. Lalo pag na-bored ako. Tapos shopping ang madalas na libangan. Kaya tingnan ninyo itong suot ko, P5,000.00 ang dress na ito at original na Gucci ang bag ko!” sigaw pa ng mayabang at hambog na babae.
“O ikaw Ronna? Bakit naman ganyan ang suot mo?” nanlalait na tanong ni Madel. Ang maldita at pinakamayabang sa kanilang batch.
“Komportable kasi. At saka reunion naman ito. Hindi naman fashion show,” nakangiting tugon ni Ronna.
“O baka naman wala kang pambili ng magagarang damit kasi? Ikaw yung pinakamahirap sa klase natin noon ‘di ba? Lagi ka ngang suki ng promissory note para lang makapag-exam e,” hirit pa ni Madel. Nagtawanan naman ang ibang naroroon.
“Okay na kasi ako sa simpleng pananamit lang. Aanhin ko ang libu-libong presyo ng damit kung isang beses ko lamang mapapakinabangan, hindi ba? Ilang pagkain na rin ang mabibili ko para doon,” kalmadong sagot ni Ronna.
“Iyan ang rason ng mga hampaslupang DH lang sa ibang bansa! Sabihin mo na lang kasi na hanggang diyan lang ang narating mo. Hindi ka nga nakatapos ng second year college kasi hirap na hirap kayo ‘di ba? Kaya namasukan ka bilang DH sa abroad!” halakhak pa ni Madel.
“May masama ba sa pagiging DH, Madel? Anong nakakatawa sa pagiging DH?” tila ba may halong inis na sa boses ni Ronna.
“DH… Domestic Helper, muchacha, katulong, kasambahay, inday! Iyan ka lang, Ronna! Tagalinis ng kubeta, tagahugas ng plato at puwet ng mga batang inalagaan mo,” malakas na buwelta pa ni Madel na halos ilubog na ang kausap sa sobrang pangmamaliit.
“Hanggang ngayon ba, issue pa rin sa’yo na ako ang valedictorian noon? At kahit na ilang beses na binili ng magulang mo ang placement mo sa honor list ay hindi ka pa rin nakapasok sa matataas na unibersidad sa Pilipinas? Oo nga pala, hindi ba’t sinubukan din nilang suhulan ang ilang unibersidad makapasok ka lamang? Ngunit ilang beses silang tinanggihan, dahil hindi maabot ng utak mo ang standard nila?” tugon ni Ronna na halatang nagpipigil lang ng inis.
Halos ‘di makapagsalita si Madel sa narinig. Pumikit-pumikit ang isang mata niya sa sobrang galit na nadarama. “Tingnan na lang natin iyang yabang mo, Ronna kapag tinanggap ko na ang Alumni Award of the Decade! Isa ka lang naman hamak na katulong!”
“Marangal pa rin ang propesyon ko,” malamig na tugon ni Ronna.
Nagkantyiwan na ang ilang nila mga ka-batch dahil sa mainit na usapang iyon.
Matapos ang ilang pag-uusap at pagyayabangan ng mga narating. Dumating na ang pagkakataong pinakaiintay ng marami. Ang pagpaparangal sa Alumni of the Decade. Isang parangal na iginagawad sa dating estudyante na naging maganda ehemplo sa nakararami.
“The Alumni of the Decade goes to…” pagpapakaba pa ng host. “None other than…”
Tumayo na si Madel at feel na feel na siya na ang magkakamit ng award nang mga oras na iyon. Kumaway-kaway na rin siya at naghanda nang maglakad.
“The Alumni of the Decade award goes to Ms. Ronna Mae Castejo!” sigaw ng host ng programa. “Maaari po bang magtungo kayo dito sa harapan upang ibahagi ang inyong karanasan?”
Nanlaki ang mga mata ni Madel at halos sumabog ang mukha sa sobrang pamumula, dahil sa labis na kahihiyang nadarama.
“B-bakit siya? Bakit isang katulong ang bibigyan ninyo ng award na iyan?” ‘di makapaniwalang sigaw ni Madel, na pilit kinakalma ng ilang mga kaibigan.
Natahimik ang lahat ng tao habang nag-iintay ng mesahe mula kay Ronna. Marami ang nagulat, dahil hindi rin nila alam kung bakit sa kanya iginawad ang natatanging parangal. Ngunit nang malaman nila ito, lahat sila’y humanga at napaluha sa dahilan.
“Magandang gabi po sa inyong lahat,” pagbungad na bat ini Ronna.
“Nais ko lamang sanang ibahagi ang aking karanasan at ang naging makabuluhang paglalakbay sa buhay na ito.
Tunay po na ako’y anak-mahirap lamang. Ang nanay ko po ay labandera lamang noon at ang tatay ko’y magsasaka. Dahil lang sa scholarship kaya ako nakatungtong sa mamahaling paraalang ito noon. Pero hindi naging hadlang ang kahirapan upang isuko ko ang mga pangarap ko noon.
Nagkasakit ang tatay ko sa puso noon, kaya’t napilitan akong magtigil at mamasukan bilang isang domestic helper sa ibang bansa. Iba’t ibang klaseng hirap ang dinanas ko noon. Pero naging mabuti ang Diyos sa akin…
Nakatagpo ako ng mabait na amo na siyang sumuporta rin sa akin sa lahat ng bagay. Nagtrabaho ako ng maayos at nabigyan ng oportunidad na makapag-aral doon. Pinagsumikapan ko lahat hanggang sa makatapos.
Simula sa maliit na kapital, nagtayo ako ng isang business na hindi ko inaasahang lalago at magiging tulay upang makatulong sa nakararami.
Ngayon, restaurant owner na ako, may tatlong coffee shop, at sumusuporta sa ilang organisasyon na tumutulong para sa mga kapwa natin Pilipino na makatapos ng pag-aaral. Marami na rin tayong kababayan na natulungan makapasok sa trabaho at makapaghanapbuhay para sa kanilang pamilya.
Kaya kanina lamang, may nagtanong sa akin kung bakit ganito lamang ang aking suot, ito po ang tunay na dahilan, ito ang representasyon kung sino ako. Opo, tunay ngang laki ako sa hirap at naging isang DH, subalit ipinagmamalaki ko ito, dahil iyon ang aking naging motibasyon upang umangat sa buhay. Pero hindi rin karangyaan o pera ang magiging dahilan upang kalimutan ko kung sino ako at ang aking pinanggalingan.
Ang libu-libong perang maaari kong gastusin sa magagarbong damit at alahas ay inilaan ko para sa mga batang aming sinusuportahan upang makapasok sa magandang paaralan na ito. Ito ang tanging paraan na nakikita ko upang makabawi sa labis-labis na pagpapalang ibinubuhos sa akin ng Diyos.
Nawa’y maging inspirasyon itong buhay ko, upang humaplos ng buhay ng nakararami. Pakatandaan, hindi pera ang nagpapaikot ng buhay ng tao at hindi rin pera sa banko ang batayan ng tunay na yaman, kundi ang kabutihang naimpok natin sa puso ng iba sa pamamagitan ng pagpapakumbaba, pagmamalasakit at buong pusong pagtulong sa ating kapwa.
Maraming salamat po sa inyong lahat!”
Nagtayuan ang mga tao at nagbigay ng masigabong palakpakan habang may masasayang luha galing sa kanilang mga mata.
Natameme naman ang mga ka-batch ni Ronna na kani-kanina’y nanglalait at nangmamaliit sa kanya. Hindi nila inaasahang ganun na pala kalayo ang narating ng taong inaapi nila, dahil lamang sa simpleng kasuotan.
Nawa’y maging aral din ito sa karamihan na hindi tayo dapat maging mapanghusga sa ating kapwa, dahil hindi natin alam, ang taong ating minamaliit pala noon, ay siya pang karapat-dapat na ipagmalaki sa takdang panahon. Dahil sa gulong ng buhay, hindi sa lahat ng pagkakataon ay ikaw ang nasa itaas.