“Ano ba naman ‘yan, Ellen?! Hindi niyo man lang ba naisip na mag-family planning. Tatlong taon pa lang ‘yung panganay niyo ay may kasunod na! Ang lalandi niyong dalawa!” maagang bulyaw ni Aling Nene, ang biyenan ni Ellen.
“Nandito na po ito , mama, hayaan na po natin. Hindi naman ako hihinto sa pagtratrabaho kaya mapag-iipunan pa namin ni Mark ang mga gastusin,” sagot naman ni Ellen sa kaniya.
“Aba, baka nakakalimutan niyo naman, sa poder ko pa rin kayo nakatira. Kung hindi lang pinakiusapan ng anak ko na tumira ka rito ay hindi talaga kita tatangapin. Sinulot mo lang naman ‘yang si Mark! Dapat si Trisha ang manugang ko ngayon,” saad pang muli ng ale.
“Diyos ko, Lord,” buntong hininga naman ni Ellen dito. Saka siya umalis at naghanda ng pagkain ng kaniyang anak. Hindi na siya sumagot sa kaniyang biyenan dahil tama na ang almusalin niya ang magaspang na pag uugali nito.
Simula nang magsama ang dalawa bilang mag-asawa ay magtatatlong taon na niyang pinagtitiisan ang ugali ng kaniyang biyenan. Wala naman siyang magawa dahil masama raw ang sumagot at baka karmahin siya. Kaya kahit na halos araw-arawin ng ale ang pang iinsulto sa kaniya ay hinahayaan na lamang niya ito.
“Mark, aalis na ako. Mag-apply ka ngayon, ha? Tandaan mo, buntis ako,” paalam niya sa asawa.
“Oo,” maiksing sagot nito habang naglalaro.
Hindi malaman ni Ellen kung paano siya napunta sa ganitong buhay. Hindi naman talaga niya nobyo noon si Mark dahil may kani-kaniyang relasyon sila ngunit dahil nagbunga ang kanilang kapusukan ay nauwi pa rin sila sa isa’t-isa. Pinagpapasalamat na lamang ni Ellen na mabuting tatay ang lalaki kahit pa nga nagtatago pa rin ito sa saya ng kaniyang ina.
Pumasok na si Ellen sa kanyang trabaho bilang promodiser, problemado man sa kaniyang sitwasyon ay walang papantay sa kaligayahan niya bilang isang nanay. Hindi man siguro siya nakatagpo ng maayos na asawa at biyenan ay sisiguraduhin naman niyang magkakaroon ng mabuting nanay ang kaniyang mga anak.
“Anak, mukhang mamalasin ka na habang buhay. Buntis na naman ‘yang si Ellen, hindi mo na talaga mahihiwalayan pa ‘yan,” saad ni Aling Nene sa kaniyang anak.
“Hayaan niyo na ‘ma, nandiyan na ‘yan,” sagot naman ni Mark habang abala ito sa kaniyang paglalaro.
“Humanap ka na lang ng ibang asawa, suportahan mo na lang ‘yung mga anak niyo. Ayaw ko talaga sa babaeng ‘yun, napakagaspang ng ugali! Mas gusto ko si Trisha, mayaman at mabait pa. Makipagbalikan ka na lang sa kaniya,” dagdag pang muli ng ale.
“Mama, sino ba ‘yung Trisha?” tanong ng tatlong taong gulang na anak ni Ellen, si Ella.
“Wala ‘yun, anak, ‘wag mo na lang pakinggan ang lola mo,” mangiyak-ngiyak na sagot ni Ellen sa bata.
“Bakit kayo lagi magka-away ni lola?” tanong pang muli nito habang naglalaro sa labas.
Kakauwi lamang niya at hindi na niya sinagot pa ang bata, imbes ay niyakap na lamang ito. Hindi alam ni Aling Nene na nasa labas na siya at narinig niyang lahat ang pinagsasabi nito. Hindi naman na bago sa kaniya ang ganoong senaryo ngunit mas may kurot ngayon sa puso niya dahil nagsisimula nang magtanong ang kaniyang anak.
Pumasok na siya sa bahay at sa unang pagkakataon ay padabog siyang kumilos. Dumiretso siya sa kwarto at mabilis na kinuha ang mga gamit nilang mag-ina.
“Wow! Grand entrance ang hilaw kong manugang. Anong ganap mo ngayon, Ellen?” usisa ni Aling Nene sa kanya.
“Ano bang ginawa ko sa inyong masama bakit niyo ako ginaganito?!” baling ng babae. Hindi na niya napigilan at mabilis na bumagsak ang kaniyang mga luha. Hindi gumalaw si Mark sa kaniyang kinauupan at tinignan lamang siya.
“Ilang taon ko na ho kayo pinakikisamahan, lahat na ng pag a-adjust ginawa ko. Ano pa ho bang kulang? Hindi naman ako naging palamunin sa bahay na ‘to dahil kung tutuusin, sahod ko lahat ang mga kinakain natin na wala kayong naririnig sa akin! Ano ba ‘yung kaunting respeto man lang ho, kahit para sa anak ko na lang na apo niyo,” dagdag pa niya.
“Hoy, Mark, ayusin mo nga ‘tong babaeng ‘to. Nagdradrama!” sagot lamang ni Aling Nene sa kaniya.
“Ang tagal kong dinasal sa Diyos, Mark, na sana kahit isang beses ipagtanggol mo naman ako sa nanay mo. Pero wala, kahit itong sanggol na ginawa nating parehas ay tinatawag na niyang malas nasa tiyan ko palang? Hanggang kailan ako maghihintay? Hanggang kailan ako magtitiis para sa konsepto ng buong pamilya? Pagod na ako! Pagod na pagod na akong mamalimos ng respeto sa inyo!”
“Kung palaging sinasabi ng nanay mo na humanap ka ng ibang asawa, pwes, humanap ka ng ibang nanay! Ayaw ko na! Tama na!” baling niya sa dalawa saka siya lumabas at umalis bitbit si Ella.
Masakit man para sa kaniya na mawalan ng buong pamilya si Ella sa paglaki nito ay mas pipiliin niya ngayong malaman ng anak niya na mas mahalaga ang respeto. Respeto sa sarili, sa kapwa at sa mga mahal mo.
Sa kabilang banda naman ay napalunok si Aling Nene sa kanyang narinig at natameme naman si Mark sa nangyari. Parehas na hindi nakakilos ang dalawa dahil totoo naman ang lahat ng mga binitiwan na salita ni Ellen.
Hindi nagtagal ay napatawad na rin ni Ellen ang kaniyang asawa at kaniyang biyenan. Humiwalay na rin ng bahay ang dalawa at nagsimulang tumayo ang lalaki para sa kaniyang pamilya. Ngayon niya napatunayan na hindi mo maaring hingin ang isang bagay sa ibang tao kung ikaw mismo sa sarili mo hindi mo iyon kayang ibigay. Lalo na ang tunay na pagmamahal at respeto.