Inday TrendingInday Trending
Iba Ang May Kasipagan

Iba Ang May Kasipagan

Hindi maiwasan ni Glydel ang mainggit sa kanyang pinsan na si Celestine. Paano ba naman kasi ay ipinanganak ito sa karangyaan samantalang siya ay kailangan pa niyang pagsikapan ang lahat ng bagay upang kanyang makuha. Sanay man sa hirap ay hindi pa rin dito natatapos ang paghahangad ng dalaga ng mas maginhawang buhay para sa kanilang pamilya.

Nag-iisang anak itong si Glydel ng kanyang ina at amang parehas na magbubukid. Sanay sila sa pagod at sa pagbabanat ng buto. Kakatapos lamang ng dalaga sa hayskul ng biglang nagkaroon ng kaguluhan sa hasyendang pinagtatrabahuhan ng kanyang mga magulang hanggang mabalitaan na lamang niyang ang mga ito ay nasawi. Halos gumuho ang mundo noon ni Glydel. Mabuti na lamang ay nariyan ang mga kamag-anak niya upang tumulong.

Kinupkop siya ng kapatid sa ina ng kanyang ama dahil mas nakakariwasa ito sa buhay. Ngunit dahil sa sobrang hiya ng dalaga ay pinipilit niyang makatulong sa mga gawaing bahay kapalit ng pagpapatira sa kaniya ng mga ito.

“Glydel, kuhaan mo naman kami ng juice ng mga kaibigan ko. Samahan mo na rin ng sandwich. Pakiakyat na lamang sa kwarto ko,” utos ni Celestine sa kanyang pinsan na kagagaling lamang sa unibersidad.

Habang paakyat ang magkakaibigan ay patuloy nilang pinag-uusapan ang dalaga.

“Sino ba ‘yun? Bago nyong katulong?” bulong ng isa.

“Ang swerte niya at pinapaaral nyo siya, a! Sosyal!” bulong naman ng isa pa.

“Hindi, pinsan ko ‘yan. H’wag nga kayong maingay at baka marinig kayo. Inampon siya ng mommy at daddy ko. Hayaan n’yo na s’ya, tara na sa kwarto!” paanyaya ni Celestine.

Hindi naman masama ang trato ni Celestine sa kanyang pinsang si Glydel. Ngunit dahil sa lubusang pagkatamad ng dalaga ay ginamit niya ang nararamdamang hiya ni Glydel para sa kanyang pakinabang. Nariyan na halos maging personal na alalay niya ang dalaga. Palagi rin niya itong inuutusan ng walang pakundangan kahit na alam niyang may ginagawa ito o hindi kaya ay nag-aaral. Madalas pa ay kay Glydel din niya pinapagawa ang kanyang mga asignatura.

Isang araw napakaraming ginagawa ni Glydel para sa mga kailangan niya sa kanyang pag-aaral ngunit nakisabay na naman si Celestine sa mga inuutos niya.

“Unahin mo ang sa akin, Glydel. Bukas ko na kailangan ang report na iyan!” giit ni Celestine.

“Pero madami akong ginagawa ngayon, Celestine. Hindi ba pwedeng ikaw na ang gumawa niyan? Marami rin akong kailangan ipasa bukas. Ngayon nga ay hindi ako na alam ang uunahin ko,” sambit ng dalaga.

“Basta unahin mo ang akin! Tandaan mo na pinag-aaral at pinapatira ka ng mga magulang ko malaki ang pagkakautang mo sa amin lalo na sa akin!” sigaw ni Celestine.

“Alam ko ‘yun at hindi mo na kailangan isumbat. Ginagawa ko naman ang mga ipinag-uutos mo ngunit sa pagkakataon na ito ay hindi ko kaya. Sana naman ay maintindihan mo. Sa lubusang hiya ko nga sa lahat ng nagagawa ninyo para sa akin ay ito, pinagbubutihan ko ang aking pag-aaral at hindi naman ako basta lang tumata*nga dito sa bahay ninyo. Tumutulong ako sa mga gawain dito,” sagot naman ni Glydel.

“Ang dami mong satsat. Basta gawin mo ‘yan Kailangan may maipasa akong report bukas!” giit muli ni Celestine.

Inis na inis man ay wala na rin nagawa pa si Glydel kundi ang sumunod. Halos sikatan na siya ng araw matapos lang ang lahat ng kanyang gawain. Samantalang si Celestine ay maginhawang natutulog sa malamig at malaki niyang silid.

Pagputok ng araw ay agad na hinanap ni Celestine ang kanyang report kay Glydel. Nagawa naman ito ng maayos ni Glydel. Ni hindi man lamang nagpasalamat si Celestine sa pabor na ginawa sa kanya ng pinsan.

Tuluyan na ngang umasa si Celestine kay Glydel lalo na sa mga asignatura nito. Pababa din ng pababa ang tingin ng dalaga sa kanyang pinsan na ang trato na lamang niya ay isang alipin at hindi na kadugo. Higit na naging mayabang si Celestine sapagkat alam niyang ang utang na loob na mayroon sa kanila si Glydel ang kanyang magiging sandata upang gipitin ito. Lalo pa at alam niyang malaki ang pagrespeto at hiya ni Glydel sa kanyang mga magulang.

Ngunit dumating ang hindi inaasahan. Ang marangyang buhay na kinasanayan ni Celestine ay naglaho na lamang na parang bula. Sa isang iglap ay hindi na sila mayaman.

“Paanong nangyari ito, mommy?” hindi na alam ni Celestine kung paanong pag-iyak ang kanyang gagawin.

“Patawad, anak. Ngunit pinilit namin ng ama mo na isalba ang lahat. Unti-unting nalugi ang negosyo. Kasabay pa ng pagkabaon sa utang ng pamilya dahil na rin nalulong ang daddy mo sa sugal. Hindi ko na rin alam kung ano ang gagawin!” iyak din ng ina ng dalaga.

Dahil hindi sanay sa hirap ay walang makuhang trabaho si Celestine. Samantalang si Glydel naman ay patuloy ang pagiging iskolar. Pinagsabay niya ang pag-aaral at ang pagtatrabaho sapagkat hindi pa rin siya bumibitaw sa kanyang mga pangarap na makapagtapos at magkaroon ng magandang buhay tulad ng kanyang ipinangako sa kanyang mga magulang.

Hindi naglaon ay nakapagtapos si Glydel ng may karangalan at maraming kumpanya ang nag-aagawan upang siya ay makuha. Naging isang sikat siyang abugado at nagkaroon na rin ng sariling negosyo samantalang si Celestine ay hindi na nagkaroon pa ng pagkakataon upang makabalik sa pag-aaral at nagtatrabaho na lamang sa isang hotel sapagkat hindi na nakabawi ang kanyang mga magulang sa pagkalugi sa negosyo.

Bilang ganti ay tinulungan niya ang pamilya na makapagsimula muli.

“Patawarin mo ako sa lahat ng nagawa ko sa iyo, pinsan!” nahihiyang sambit ni Celestine. “Hindi ko dapat ginawa ang mga iyon sa iyo. Dapat imbis na umasa ako sa iyo ay ginaya ko ang kasipagan mo. Hindi sana ganito ang kakahinatnan ng buhay namin,” dagdag pa niya.

“Lumaki ako sa hirap at sanay ako sa wala. Wala nang mawawala sa akin kung sisipagan ko pa lalo upang makamit ko ang mataas kong pangarap. Tanggapin ninyo ang tulong na ito bilang pasasalamat sa inyong pamilya,” nakangiting wika ni Glydel.

Hindi natin talaga alam ang ikot ng buhay. Ngunit kung pagsusumikapan at pagsisipagan natin ang ating mga pangarap, walang kahit sino o ano ang makakahadlang sa ating pagtupad sa mga ito.

Advertisement