Inday TrendingInday Trending
Ang Tunay Na Pagkatao

Ang Tunay Na Pagkatao

“Hijo, kanina ka pa namin napapansing nakatingin sa karinderya, nais mo bang kumain at maghapunan?” mabait na tanong ni Mang Kanor sa binata. Napansin kasi niya na simula pa noong alas tres ng hapon ito nakatayo doon at seryosong nakatingin lang sa maliit na kainan niya. Hindi naman ito mukhang pulubi dahil mukha itong matino sa suot nitong simpleng maong, t-shirt at may relo pang suot.

Pumasok naman ito sa karinderya at nagpalinga-linga duon. Hinain ito ni Mang Kanor ng pagkain na tinitigan at inamoy-amoy muna nito bago tikman. Nagulat si Mang Kanor nang tumayo ito matapos kumain at lumapit sa kanya.

“Maraming salamat po sa pagkain. Nais ko po sanang mamasukan dito sa karinderya niyo,” sabi ng binata sa seryosong tinig.

“Ano ang pangalan mo hijo?” tanong ni Mang Kanor.

“Jonathan ho,” maikling sagot nito.

Hindi alam ni Mang Kanor ang pumasok sa kokote niya ngunit binigyan niya ito ng trabaho. Marahil ay naantig siya sa seryoso at tila ba malulungkot na mata nito. Naaalala niya ang sarili niya dito. Namasukan siya noon sa mga karinderya hanggang makaipon ng sapat at makapagpatayo ng sarili niya.

Dahil biyudo at mga nagsipag-asawa na ang nga anak ay tanging ang karinderya na lang ang nagbibigay sigla sa kaniyang buhay. At nang mga sumunod na araw nga ay lalong sumigla ang kanyang buhay at negosyo. Nakita niya kung gaano kahusay sa trabaho nito si Jonathan. Bukod sa nagsisilbi ito sa harap ng tindahan, na talaga namang lalong dinayo dahil sa kakisigan nito, ngayon napag-alaman niyang pinakatalento pala nito ang pagluluto.

“Hijo! Napakasarap ng putaheng ito! Saan mo ito natutunan?” tanong ni Mang Kanor isang araw na nagmungkahi si Jonathan ng bagong putahe. Tungo lang at malungkot na ngiti ang sagot ni Jonathan.

Sa loob ng mahigit isang taon lang ay hindi makapaniwala si Mang Kanor sa mabilis na paglago ng kaniyang noon ay maliit na karinderya sa isang ganap na restaurant. Nanatiling pangmasa ang presyo ngunit lasang mamahalin ang mga putahe, salamat sa tulong ni Jonathan. Kinailangan na rin nilang kumuha ng ibang empleyado.

Ngayon ay malapit na ang loob ni Mang Kanor kay Jonathan na parang anak na nito kung ituring. Mas madalas na ring tumawa at ngumiti si Jonathan. Ngunit napagtanto ni Mang Kanor na ni minsan ay hindi ito nagkwento sa buhay nito, kung nasaan ang pamilya nito. Ni hindi niya rin pala alam kung saan ito umuuwi pagkatapos ng trabaho.

Hanggang isang araw, may isang magarang kotse na pumarada sa tapat ng restaurant nila. Lumabas ang isang mayamang Don, na nakilala ng lahat ni Mang Kanor na si Julio Nivaro, ang sikat na chef na may-ari din ng pinakamalaking food company sa bansa. Isa ito sa mga tinitingala niyang tao na naging inspirasyon niya rin. Lagi siyang bumibili ng magasin nito.

Sarado pa ang kanilang restaurant noon, ngunit hahangos na sana palabas si Mang Kanor nang makita niyang nilapitan ito ni Jonathan. Dahil nasa bandang pintuan na siya ay narinig niya ang usapan ng mga ito.

“Anong ginagawa mo rito?” ani Jonathan sa malamig na tinig.

“Heto na ba yung pinagmamalaki mo? Isang hamak na pipitsuging restaurant,” sabi ng Don saka dumura sa mga halaman na inaayos ni Jonathan sa harap ng restaurant.

“Give up now son at bumalik ka sa kompanya, or else mapipilitan akong sirain pati itong maliit na bahay-bahayan mo dito,” sabi nito na ang tinutukoy ay ang maliit na restaurant. Son? Ibig sabihin ay ama ni Jonathan si Chef Julio Nivaro?

Hindi makapaniwala si Mang Kanor sa narinig. Kaya pala magaling din magluto si Jonathan at maraming alam sa business, anak pala ito ng pinakamahusay na food businessman sa bansa!

Nagulat si Mang Kanor nang makitang ngumisi si Jonathan sabay sabing “Bakit? Wala ka na bang mautusan sa malaking bahay mo kaya gusto mo akong bumalik? Ah, balita ko pati sila mama iniwan ka na–“

Isang malakas na sampal ang dumapo si mukha ni Jonathan bago pa matapos ang sasabihin. Nanginginig ang kamay ng Don na dinuro pa sa mukha ang binata na noon ay dumudugo ang gilid ng labi.

Sa nasaksihan ay mabilis na lumapit si Mang Kanor. “Sir, Mr. Julio, pasensya na po sa pangingialam pero–“

“Umalis ka sa harapan ko, anak ko siya kaya’t huwag kang mangialam dito!” utos ng Don.

“Pero sir mawalang galang na ho. Kung matigas ang ulo ay huwag niyo namang pagbuhatan kaagad ng kamay–” napatumba si Mang Kanor dahil sa lakas ng sampal ng Don. Mabilis na humarang si Jonathan at kinwelyuhan ang ama, akmang aambahan ito ng suntok. Pinigilan ito ni Mang Kanor sa braso at pilit pinakalma.

“Tatay mo pa rin siya hijo,” paalala ni Mang Kanor na noon ay namumula ang pisnge.

“Mas naging tatay ka pa sakin Mang Kanor kaysa sa taong ito. Walang tatay ang ibebenta ang anak para lang maisalba ang kompanya,” sabi ng binata saka tumalikod at pumasok sa restaurant.

Walang imik ang Don at saka sumakay muli sa kotse. Si Mang Kanor naman ay sumunod sa binata sa loob.

“Ipinagkasundo niya ang kapatid kong babae sa business partner niya para maisalba ang kompanya namin. Nam*tay ang kapatid ko sa depresyon at pang-aab*so ng napangasawa niya. Para akong tuta na sunud-sunuran sa lahat ng gusto ni Dad pero dahil sa nangyari ay hindi ko siya mapatawad, pati na rin ang sarili ko. Nagpasya akong magsimula sa wala at mamasukan sa inyo Mang Kanor. Nais kong mamuhay ng malayo sa mundong ginagalawan ng ama ko. Alam kong gugustuhin ng kapatid ko na magpatuloy ako sa pagchechef kaya heto ako ngayon.”

“Naiintindihan na kita ngayon, hijo. Ngunit mas masarap magtagumpay kung ang motibasyon mo ay pagmamahal imbes na paghihiganti. Sana ay dumating ang oras na mapatawad mo ang ama mo at ang sarili mo.”

Matapos ng madamdaming usapan na iyon ay mas lalong nagsumikap si Jonathan. Nagkaroon na ng tatlo pang branch ang “Mang Kanor’s” at unti-unti nang nakilala. Habang ang kompanya naman ng kilalang chef na si Julio Nivaro ay tuluyang bumagsak, kasabay ng pagkasira ng kalusugan ng Don.

Nang mabalitaan ito ni Mang Kanor ay binanggit niya ito kay Jonathan. “Panahon na upang palayain mo ang puso mo sa bigat na iyan hijo. Ayaw ng marami ang mapait na putahe, pagpapatawad at pagmamahal lang ang asin na makakapagpalasa nito ng lubos.”

Naiintindihan ni Jonathan ang matalinhagang mensahe ng matanda. Ayaw man niya ay may pag-aalala siyang nadarama para sa ama. Kaya nang araw ding iyon ay binisita niya ito at nakipag-ayos. Pagkatapos ay dumaan siya sa puntod ng kapatid at humingi ng tawad dito. Bumalik siya sa restaurant na mas magaang ang hakbang. Alam niyang ngayon, mas totoo na siyang malaya. Hindi lang sa mapait na karanasan sa pamilya kung hindi sa sarili niyang pagkokondena sa sarili.

Advertisement