“Alfred, saan ka na naman pupuntang bata ka at bihis na bihis ka pa rin kahit dis-oras na ng habi?!” pasigaw na wika ni Aleng Helen sa anak na mukhang may pupuntahan, kahit na alas onse na ng gabi.
“Pupunta lang po ako kila Pareng Jeffrey ma,” sagot ni Alfred, na ang buong atensyon ay nasa salamin habang maingat nitong inaayos ang buhok.
“Ano na naman ba ang gagawin niyong magbabarkada? Mag-iinuman? Naku! Itigil mo ‘yan Alfred, alam mo naman na mahigpit na ipinagbabawal ngayon ang paglabas ng dis-oras ng gabi. Tapos ayan ka at gagala,” saway niya sa anak.
“Sus! Huwag kang nagpapaniwala sa curfew-curfew na iyan, ma. Takot lang nila sa’kin,” biro pa ni Alfred.
Sa kinikilos nito’y wala itong balak na magpapigil sa ina.
“Kapag ikaw ay napahamak d’yan sa katar*nduhan mo Alfred, ay magpasensyahan tayo,” pananakot niya sa anak.
Ngunit imbes na matakot ito’y tinawanan lamang siya ni Alfred sabay abot ng dadalhing bag at saka humalik sa pisngi ng ina sabay paalam.
“Uuwi rin naman ako ma,” paalam nito.
Labis ang pag-aalala ni Helen kay Alfred, kung siya lang ang masusunod ay hinding-hindi niya papayagan ang kaniyang anak na umalis pa sa bahay nila. Kaso kapag malaki na ang mga anak mo’y wala ka nang karapatang kontrolin o pagbawalan sila dahil may mga sarili na itong desisyon at pag-iisip. Kaya heto siya ngayon, hindi makatulog sa kakaisip kay Alfred, habang panay ang dasal na sana’y umuwi na ito upang mapanatag na siya.
Isang malakas na katok sa pintuan nila ang nagpabalikwas kay Helen sa pagkakahiga.
“Baka si Alfred na iyon,” kausap ni Helen sa sarili at ngali-ngaling naglakad patungo sa pintuan upang pagbukasan ang kaniyang anak. Nang sa laking gulat ay ang mga tanod ng kanilang Barangay ang bumungad sa kaniya.
“Magandang umaga po Aleng Helen,” bati ni Jaime ang kagawad sa Barangay nila.
“Magandang umaga din Jaime, anong sadya mo?” kinakabahan niyang tanong.
Alas-singko na ng umaga at hanggang ngayon ay hindi pa rin nakakauwi si Alfred. May nangyari bang masama sa kaniyang anak?
“Aleng Helen, naparito ako upang imbitahan kayo sa ating barangay. Kagabi kasi ay nahuli namin ang anak mong si Alfred na pagala-gala pa rin kahit hatinggabi na. Nakasali pa siya sa isang riot,” paliwanag ni Kagawad Jaime.
Agad na nakaramdam si Helen ng kaba dahil sa sinabi ni Kagawad Jaime. Napaano ang kaniyang anak na si Alfred, may nangyari bang masama rito?
“Nasaan ang aking anak, kagawad?” kinakabahang tanong ni Helen.
“Sa ngayon po ay nand’on sila sa barangay, kinakausap ni Chairman. Kaya po namin kayo na-imbetahang pumunta sa ating Barangay, upang sagutin ang mga katanungan ni kapitan,” paliwanag ni Jaime.
Agad namang sumama si Helen sa grupo ni Kagawad Jaime, at pagkarating nga sa Barangay ay agad niyang nakita si Alfred, bu*gbog sarado ang mukha ng kaniyang anak na labis niyang kinahabagan. Kung nakinig lang sana ito sa kaniya kagabi, hindi sana ito mapapahamak.
“Nanay Helen, kayo po mismo ang tatanungin ko kung ilang taon na itong anak ninyo?” panimulang tanong ni Kapitan Greg.
“Labing-anim na taon pa lamang po ang aking anak na si Alfred kap,” nakayukong sagot ni Helen.
Menor de edad pa si Alfred, kaya pasok na pasok pa ito sa curfew.
“Alam niyo po ba kung anong parusa bilang isang magulang kapag nahuli namin ang anak ninyong pagala-gala kahit naipasa-tupad na ang batas ng ating barangay na hanggang alas-otso lamang pwedeng lumabas ang mga menor?” muling tanong ng kapitan.
Tumango si Aleng Helen. “Opo,” sagot niya.
“Kapalit ng anak niyo nanay ay kayo ang ikukulong namin, bilang parusa dahil hindi niyo kayang disiplinahin ang anak niyo,” wika ni Kapitan Greg.
Nilingon ni Helen ang anak na panay ang palag sa sinasabi ni Kapitan Greg.
“Huwag po kap, ako na lang ang ikulong ninyo. Tutal ako naman ang nahuli niyo. Huwag niyo na pong idamay ang mama ko,” mangiyak-ngiyak na pakiusap ni Alfred.
“Hijo, alam mo ba kung ano ang kapalit ng pagiging suwail nating mga anak? Iyon ay tayo mismo ang magiging dahilan kung bakit napapahamak ang mga magulang natin,” mahinahong wika ni Kapitan Greg. “Kahit hindi man sabihin ng mama mo ay ramdam kong sinubukan ka niyang suwayin kagabi. Ngunit suwail ka at pakiramdam niyo’y mas malakas kayong mga kabataan sa batas, mas sinusunod niyo ang gusto niyo. Para sa inyo ay kayo ang batas. Hindi niyo alam kung paano gumalaw ang totoong batas,” patuloy na wika ng kapitan.
“Dahil menor de edad ka pa, kaya hindi ka namin pwedeng ikulong. Kaya bilang kapalit sa pagiging suwail niyo’y mga magulang niyo ang ikukulong namin, bukod sa nasa tamang edad na sila’y simpleng pagdidisiplina sa inyo ay hindi pa nila magawa ng tama. Sana maging aral ‘to sa inyong lahat na naririto. Tandaan niyo sana palagi na kapag gumawa kayo ng kasalanan sa kahit anong paraan o edad o kahit anong kaso. Mga magulang niyo ang nagsasakripisyo. Sila ang mas nahihirpan, dahil sila ang taga-salo sa maling nagawa niyo,” malalim na pagbibigay aral ni Kapitan Greg sa lahat ng kabataang nahuli sa curfew.
Nakalaya si Alfred, ngunit nanatili ang kaniyang inang si Helen sa loob ng Barangay. Kinahapunan ay hinatid si Aleng Helen sa presento kung saan ito pansamantalang ikukulong. Kung maibabalik lamang ni Alfred ang lahat. Sana nakinig na lang siya sa sinabi ng kaniyang ina. Sana nagpapigil na lamang siya rito, noong pinipigilan siya nitong lumabas.
Matapos ang isang linggo ay agad ding nakalaya si Aleng Helen. Panay naman ang hingi ni Alfred ng tawad sa ina.
“Maging aral na sana saiyo ang nangyari, nak,” tanging wika ni Helen.