Inday TrendingInday Trending
Nang Dahil sa Hindi Ako Magkaanak?

Nang Dahil sa Hindi Ako Magkaanak?

Dalawang taon ng kasal sina Gilbert at Camille ngunit sa matagal nilang pagsasama ay ni hindi sila nagkaroon ng anak. Marami na silang sinubukang paraan para lamang mapadali ang pagbubuntis ni Camille ngunit sa kabila ng pagod at hirap na kanilang dinaranas ay hindi pa rin ito nagbunga.

Mabait at mapag-alagang asawa si Camille. Lahat ay ginagawa niya para lang mapaligaya ang asawa maliban na lamang sa kagustuhang magkaroon ng anak. Ito ang kaisa-isang bagay na hindi niya kayang ipagkaloob kay Gilbert. Ang akala niya ay masaya na ito at kontento na sa kanyang piling ngunit hindi, siya’y nagkamali. Nalaman niya na ang kanyang asawa ay may kinakasamang ibang babae.

“Ano bang mali ang ginawa ko sa iyo? Bakit mo ako pinagtaksilan?” mangiyak-ngiyak na sabi ni Camille kay Gilbert.

“Wala! Wala! Pero may isang bagay na hindi mo kayang ibigay sa akin na siyang makapagpapaligaya sa akin ng lubusan. Gustung-gusto kong maging ama, gusto kong may tumawag sa akin na daddy. Gusto kong tawagin akong ama, naiintindihan mo ba? Iyon ang tunay na makapagpapaligaya sa akin Camille, kaya patawad kailangan na kitang iwan,” sabi ni Gilbert sa asawa.

Walang nagawa si Camille kundi mapahagulgol na lamang.

“Mahal kita Gilbert, mahal na mahal kita. Alam mo namang lahat ay gagawin at ibibigay ko sa iyo mapaligaya ka lang, pero alam mo namang parehas nating ginawa ang lahat mabuntis lang ako! Pero hindi… Hindi! Parehas lang tayo, parehas lang tayo, gusto ko ring magkaroon ng anak. Gusto ko ring marinig na tawagin akong mommy. Gustong-gusto! Alam mo ba na nakakaramdam ako ng inggit sa tuwing nakakakita ako ng mga babae na kasama ng kanilang mga anak? Alam mo ba ha? Mahirap rin para sa akin Gilbert, napakahirap,” sagot ni Camille habang patuloy sa pag-iyak.

“Sana ay maintindihan mo ako, Camille. Nakapagdesisyon na ako na tuluyan kang iwan. Mas mabuting maghiwalay na lang tayo!” hiyaw ni Gilbert.

Bakas sa mukha ni Camille ang pag-aalala habang tumutulo ang luha sa kanyang mga mata.

“Ganoon na lang ba kadali iyon? Balewala na lang ba sayo ang mga pinagdaanan natin? Basta-basta mo na lang ba akong iiwan?” hirit pa ni Camille sa asawa.

“Hindi rin madali ang desisyon kong ito, pero kung ipagpapatuloy ko ang pagsasama natin ay hinding-hindi ko matatamasa ang kaligayahang hinahanap ko.” Ang mga salitang iyon ang lumabas sa bibig ni Gilbert habang nag-iimpake ng mga gamit.

“Sorry, pero kailangan kong gawin ito. Paalam,” tangi nitong nasabi.

“Gilbert, Gilbert, Gilbert! Huwag mo akong iwan!” paulit-ulit na sambit ni Camille na halos lumubog na sa lupa habang umiiyak na parang bata at parang nawawala na sa tamang pag-iisip. Pero hindi pa rin lumingon ang lalaki sa asawa sa halip ay ipinagpatuloy nito ang paglakad. Maya-maya ay unti-unti nang bumagsak si Camille at nawalan ng malay.

Kinabukasan, naroon parin ang sakit na naramdaman ni Camille naroon pa rin ang bigat sa kanyang dibdib. Hinding-hindi niya makakalimutan ang sakit na idinulot nang pag-iwan sa kanya ni Gilbert. Pero sa kabila ng pasakit nito sa kanya ay hindi pa rin niya maalis-alis ang pag-ibig niya sa asawa. Sa nangyari, ay wala pa ring nagbago, mahal pa rin niya ito at umaasa pa rin siya na balang araw ay babalikan siya nito.

Taon na ang lumipas. Nanatiling mapag-isa si Camille dahil naniniwala siyang babalik sa kanya si Gilbert. Naging bulag siya sa pag-ibig. Mahal pa rin niya ang asawa kahit alam niyang may kinakasama na itong iba.

Sinubukan niya itong bisitahin kahit alam niyang masasaktan siya kapag nakita niyang kasama nito ang babaeng ipinalit sa kanya. Inalam niya ang address ni Gilbert sa Maynila. Pinuntahan niya ito. Laking gulat na lamang niya nang makita ito na hinihimas-himas ang tiyan ng isang babae na kung titingnan ay malapit na manganak. Laking gulat niya nang makilala kung sino ang babaeng kinakasama ng kanyang asawa.

Ito ay walang iba kundi ang matalik niyang kaibigan na si Neri. Naging kaklase niya ito mula elementarya hanggang hayskul. Palagi niya itong kasama, sa kasiyahan at kalungkutan. Kapatid niya ito kung ituring. Hindi niya sukat akalain na ang taong itinuring niyang kapatid ay ang taong tatraydor sa kanya at ang taong aagaw sa kanyang kasiyahan.

Hindi makapaniwala si Camille sa nasaksihan, hindi niya maipaliwanag ang sakit na nadarama na tila sinakluban ng langit. Nagsisikip ang dibdib at agad na sumilay ang mga luha sa kanyang mga mata. Hindi niya namalayan na nakatingin na pala sa kanya ang dalawa. Agad niyang pinahid ang mga luha at mabilis na tumakbo palayo. Sinubukan siyang habulin ni Neri ngunit hindi siya nito naabutan.

Ngunit isang araw ay hindi sinasadyang nagtagpo ang landas nina Camille at Neri. Nagkatinginan ang dalawa. Masama ang tingin ni Camille kay Neri at hindi niya maiwasang mapaiyak. Sa sobrang sama ng loob ay minabuti niyang umalis na lang ngunit agad siyang tinawag ng kaibigan.

“Camille sandali lang… Hintay!” sigaw nito sa kanya.

Nagpatuloy pa rin sa paglalakad si Camille ngunit hinabol siya ni Neri hanggang sa naabutan siya nito. Nang maabutan na siya nito ay bigla siyang hinawakan sa balikat. Paglingon niya ay agad niya itong sinalubong ng magkabilang sampal.

“Walang hiya ka! Paano mo nagawa sa akin ito Neri, ha? Itinuring kitang higit pa sa aking kadugo, ngunit anong ginawa mo? Inagaw mo sa akin ang kaligayahan ko. Alam mong mahal na mahal ko si Gilbert, mahal na mahal. Pero anong ginawa mo? Inagaw mo siya sa akin!”

“Hindi ko sinsasadya Camille. Patawrin mo na ako,” sagot nito sa kanya.

Muli ay dumapo ang mga kamay ni Camille sa mukha ng kaibigan. Parehong umiiyak ang dalawa. Paulit-ulit na humingi ng tawad si Neri ngunit nagmatigas siya at agad na umalis at pinahid ang mga luha sa mata.

Napag-isip-isip ni Camille na bumalik na lamang sa probinsya. Napagdesisyunan niya na kalimutan na ang mga nangyari at magsimula na ng panibagong buhay. Mahal pa rin niya si Gilbert ngunit may mahal na itong iba at masaya na dahil magkakaroon na ito ng anak na matagal na nitong pangarap. Ipinaubaya na lamang niya sa Diyos ang lahat.

Sa mga pinagdaanan niya ay mas pinili ni Camille na ipahinga muna ang sugatan niyang puso at umaasa na kapag naghilom ito ay magiging bukas ulit siya sa panibagong pag-ibig na maaaring dumating.

Advertisement