“Ang ganda-ganda talaga ni Lala!”
“Sinabi mo pa. Bukod pa roʼn, mabait din siyang anak at masipag.”
“Kaya nabighani ka sa kaniya, dahil doon?”
Nakita ni Teresang tumango sa tanong na iyon ng kaibigan nito, ang bakasyonistang si Leo. Taga maynila ito at anak mayaman na naisipan lamang magbakasyon sa lugar nila, na siyang probinsya ng lola nito.
“Sa katunayan ay balak kong umakyat ng ligaw mamaya kina Lala,” dagdag pa ng binatang si Leo na lalo namang ikinangitngit ng damdamin ni Teresa, na nagkukubli lang sa likod ng isang malaking puno kung saan nakikililim ang mga kalalakihan.
Nabuhay ang inggit sa puso ni Teresa para sa kababata niyang si Lala. Si Lala, na laging pinupuri simula pa noong mga bata sila dahil sa taglay nitong gandaʼt kasipagan.
Mahirap lang si Lala. Nakatira ito sa isang maliit na barong-barong kasama ang ina nitong mahina na ang katawan dahil sa sakit na Diabetes. Habang nag-aaral ng kolehiyo ay pinupunan din ni Lala ang kanilang mga pangangailangan sa pamamagitan ng paglalabandera.
“Kailangan, masira ko si Lala kay Leo. Dapat, ako ang magustuhan niya!”
Isang masamang plano ang nabuo sa isip ni Teresa para kay Lala.
Agad niyang tinungo ang bahay ng isa sa pinakamasugid ding manliligaw ni Lala dito sa kanilang lugar… si Anthony.
“Painumin mo ng pampatulog si Lala at tabihan mo siya sa kaniyang kama pagkatapos mong alisin ang mga saplot nʼyong dalawa. Kailangang makita ni Leo na masamang babae si Lala para ako ang ibigin niya! Bilang kapalit, sa iyo naman mapupunta si Lala. Hindi ba, mahal mo siya?”
Tumango si Anthony bilang tugon sa balak ni Teresa. Tuwang-tuwa naman ang huli dahil doon! Mapapa sa kaniya na si Leo!
Ipinaubaya na ni Teresa kay Anthony ang plano para kay Lala at siya naman ang bahala kay Leo. Pinuntahan niya ito.
“Leo, maniwala ka sa akin. May boyfriend na si Lala at si Anthony ʼyon! Sa katunayan ay nakita ko si Anthony kanina, na papunta sa bahay nina Lala,” sabi ni Teresa kay Leo na mukha namang ikinabigla nito.
“Imposible ʼyan, Teresa!” Tila kinukumbinsi ng binata ang sarili na hindi totoo ang kaniyang nalaman. Napangiti si Teresa.
“Puntahan natin sila ngayon para masiguro mong totoo ang sinasabi ko!” hirit pa ni Teresa na siyang kumumbinsi naman kay Leo.
Lihim na humahalakhak sa likod ng kaniyang isipan si Teresa dahil sa nalalapit na tagumpay ng kaniyang plano. Malalaman ng lahat kung gaano kasamang babae si Lala at siya na ang tatanggap ng mga papuri para dito.
Ngunit ganoon na lang ang kaniyang pagkadismaya nang narating nila ang bahay nina Lala! Nakita niyang nag-aabang sa salas si Anthony at Lala.
“Traydor ka, Anthony!” ang bulalas ni Teresa nang makapasok na sila ni Leo sa barung-barong nina Lala.
“Hindi, Teresa. Ikaw ang traydor. Ikaw ang masama, hindi ako. Mahal na mahal ko si Lala, na kahit hindi ako ang piliin niyaʼy hindi ko pa rin gugustuhing mapahamak siya. Pumayag lang ako sa gusto mo kanina, dahil natakot akong baka ibang lalaki pa ang utusan mo at magtagumpay kayo,” pagsisiwalat ni Anthony. “Napakasama mo. Kinain na ng inggit ʼyang puso mo. Kahit kailan, hindi mo malalampasan si Lala, dahil hindi siya katulad mo!” ang mariin pang sabi ni Anthony pagkatapos ay isiniwalat nito kay Leo ang lahat.
“Kuya Anthony, sorry, hindi ko alam na nililigawan mo rin pala si Lala,” sumingit si Leo sa usapan. “Kung alam ko lang, kahit na talagang gusto ko si Lala ay hindi kita katataluhin.”
Nagulat si Teresa sa nalaman. Magkapatid pala sa ama sina Anthony at Leo!
Halos lumubog sa kahihiyan si Teresa matapos ang pangyayaring iyon, ngunit si Lala ay nanatiling walang kibo. Hindi man lang siya nito pinagsalitaan ng masakit. Nanatiling mabuti ang pakikitungo nito sa kaniya.
Matapos ang pangyayaring iyon ay napabalitang si Anthony pa rin ang pinili ni Lala at hindi si Leo. Paanoʼy naipakitang talaga ni Anthony kung gaano niya kamahal si Lala. Si Leo naman ay taos pusong tinanggap ang kaniyang pagkatalo at hinangad pa ang kaligayahan ng kaniyang Kuya Anthony sa piling ni Lala. Hindi na pinansin pa ni Leo si Teresa hanggang sa siyaʼy bumalik na sa Maynila.
“Hindi ko hangad na mahalin ako ng lalaking gusto mo, Teresa. Kayaʼt kahit pa nga masama ang binalak mo sa akin, nagpapasalamat pa rin ako dahil napatunayan ko kung gaano ako kamahal ni Anthony. Sana, mahanap mo ang kaligayahan sa puso mo. Alisin mo ang inggit dahil iyan ang magpapahamak sa ʼyo.”
Iyon ang huling mga salitang binitawan ni Lala kay Teresa bago ang kasal nila ni Anthony.