Inday TrendingInday Trending
Matigas na Puso

Matigas na Puso

Bago pa man tumunog ang alarm clock ng 5:00 ng umaga, bumangon na si Michael, 15 taong gulang. Sa halos limang taon niyang paninilbihan sa kaniyang Tita Celine, sanay na ang katawan niyang gumising nang gayong oras, kahit puyat siya sa kare-review, o tatlong oras lamang ang tulog niya.

Awtomatiko na kay Michael ang lahat. Alam na niya ang gagawin niya bago siya pumasok sa pribadong paaralang pinapasukan niya bilang Senior High School. Magluluto ng agahan, magpapakulo ng tubig para sa kape ng kaniyang tita, at ihahanda ang mesa bago siya umalis. 7:10 ng umaga ang klase niya mula Lunes hanggang Biyernes.

Matapos magawa ang mga nakatakdang gawaing bahay, makaligo at makapagbihis, handa nang pumasok sa eskuwela si Michael. Kinuha na niya ang lumang bag. Mabigat dahil dala niya ang mga aklat at kuwardeno, gayundin ang baon na ginawa niya para sa sarili.

Tulog pa ang kaniyang tiyahin kapag umaalis siya. Bago tuluyang lumabas ng bahay, tiniyak ni Michael na naisara niyang maigi ang mga pintuan.

Sampung taon pa lamang si Michael nang mamat*y ang kaniyang ina, na kapatid ni Tita Celine. Wala naman siyang ideya kung nasaan ang kaniyang ama, na hindi naman niya nasilayan noon pa man. Subalit ito raw ay isang Amerikanong sundalo na bigla na lamang umalis ng Pilipinas.

Magmula noon, si Tita Celine na ang kumupkop sa kaniya. Pinag-aral siya nito, subalit hindi naging madali para sa kaniya ang lahat. Bawat kusing na binibigay nito sa kaniya, kailangan niyang pagtrabahuhan.

Kailangan niyang pagtrabahuhan. Pinapasuweldo naman siya nito nang tama at binibigyan ng pangmatrikula. Subalit minsan, nakararamdam ng pagtatampo si Michael sa tiyahin. Masyadong masungit at matigas ang puso nito sa kaniya. Isa itong mataas na opisyal sa isang pribadong kompanya.

Maraming ipinagbabawal sa kaniya si Tita Celine. Dahil 4:00 ng hapon ang kanilang uwian, kailangang 6:00 ng gabi ay nasa bahay na siya. Kailangan niyang magsaing at magluto ng hapunan. Maghugas ng mga pinagkainan pagkaraan. Kaunting linis ng bahay.

Ang paglalaba naman ay ginagawa ng isang stay out na labandera kaya hindi na niya problema iyon. Ang nalalabing oras ay inilalaan niya sa pag-aaral. Kapag Sabado naman, hindi siya pinapayagang lumabas. Tuwing Linggo lamang siya nakapaglalakwatsa, matapos nilang magsimba.

Minsan, masinsinan siyang kinausap ni Tita Celine.

“Anong kurso ang kukunin mo sa kolehiyo?” tanong nito.

“Tita, gusto ko po sanang kumuha ng BS Architecture,” sagot ni Michael.

“Okay. May prospect university ka na bang tinitingnan?

“Meron na po… nagtanong na po ako sa mga schedule para po sa admission test at pasahan ng requirements,” tugon ni Michael.

“Okay. Sabihan mo lang ako. Ako na ang bahala sa tuition mo. Sa tuition lang. Pamasahe and other expenses mo, ikaw na ang bahala. Understood?” seryosong sabi ni Tita Celine.

Buong puso itong tinanggap ni Michael. Sanay naman siya. Nakapasa sa isang state university si Michael. Kumuha siya ng BS Architecture. Gaya ng usapan nila ng kaniyang tita, ito ang sasagot sa kaniyang tuition. Ipinagpatuloy niya ang pagtatrabaho kay Tita Celine.

Pakiramdam ni Michael, hindi naman libre ang tuition na ibinibigay nito para sa kaniya dahil nagtatrabaho pa rin siya para dito.

Naghanap ng iba pang sideline si Michael upang makadagdag sa pantustos sa kaniyang pag-aaral. Mahirap ang buhay-kolehiyo. Dumarating sa puntong hindi siya kumakain ng tanghalian upang makatipid lamang.

Sa halip na mga bagong aklat ang bilhin niya, mga segunda mano ang kaniyang binibili. Hindi na niya malaman kung ilang tao na ang nagpasa-pasa sa mga aklat na iyon: halos malasog-lasog na kasi.

Nang minsang magtangka siyang humiram sa kaniyang tiyahin, pinagsabihan siya nito.

“Hindi ba ang sabi ko sa iyo, tuition lang ang sasagutin ko? Gumawa ka ng paraan para sa iba mo pang pangangailangan.”

Walang nagawa si Michael kundi pagurin ang kaniyang sarili sa pagtatrabaho sa labas, pag-aaral, at paninilbihan pa rin kay Tita Celine. Unti-unti, ipinangako sa sarili ni Michael na kapag nakatapos siya ng pag-aaral, aalis na siya sa poder nito.

Kapag nagkatrabaho na siya, unti-unti niyang babayaran ang mga pang-tuition na ibinigay nito para sa kaniya. Ayaw niyang tumanaw ng utang na loob sa tiyahin na naging matigas ang puso sa kaniya.

Sa pagtatapos ni Michael bilang cum laude, masayang-masaya ang kaniyang puso. Sa wakas ay makakaalis na rin siya sa poder ng kaniyang tiyahin. Sinabi niya rito ang kaniyang mga balak.

“Babayaran ko po ang lahat sa inyo. Maraming salamat po sa lahat.”

Walang nagawa si Tita Celine sa pag-alis ni Michael. Nagkaroon kaagad ng trabaho si Michael. Masaya siya sa kaniyang desisyon. Parang nakalaya siya sa hawla. Kumikita na siya ngayon at nabibili na ang mga gusto niya.

Makalipas ang ilang buwan, nabalitaan ni Michael na nasa ospital ang kaniyang Tita Celine. May iniinda pala itong k*anser. Dumalaw si Michael sa kaniyang tiyahin. Nabagbag ang kalooban ni Michael sa kalunos-lunos na anyo nito.

Sumilay ang matamis na ngiti sa mga labi ng kaniyang tiyahin nang makita siya. Ngayon lamang siya nginitian nang ubod-tamis ng kaniyang Tita Celine sa tanang buhay niya. Nilapitan niya ito.

“Michael… mabuti at nakarating ka. Gusto kong sabihin sa iyo na proud na proud ako sa iyo. Hindi man ako nagpakita ng tunay kong nararamdaman sa iyo, mahal na mahal kita. Itinuring kitang parang tunay kong anak,” pagtatapat ni Tita Celine.

“Naging matigas ako sa iyo dahil gusto kong matuto ka sa buhay. Gusto kong lumaki kang matapang at matatag ang loob. Alam ko ang pakiramdam nang nag-iisa. Kaya ginawa ko ang mga ginawa ko. Look at you now. Strong, independent man,” patuloy nito.

Hindi nagtagal at binawian ng buhay si Tita Celine. Ipinamana nito sa kaniya ang bahay at lahat ng pera at ari-arian nito. Sa harap ng puntod ng kaniyang tiyahin, umiiyak na nagpasalamat at nag-alay ng panalangin si Michael para sa kaluluwa nito.

Tama ang kaniyang Tita Celine. Tinuruan siya nito kung paano maging matapang at maging matatag sa buhay. Tinuruan siyang matutong paghirapan ang mga gusto niyang makamtan. Tinuruan siyang mangarap. Kaya ngayon, handang-handa na siyang harapin ang sariling buhay. Salamat kay Tita Celine. Maraming salamat!

Advertisement