Inday TrendingInday Trending
Amoy Bayabas na Naman!

Amoy Bayabas na Naman!

“Diyos ko! Alas tres na naman ng hapon! Amoy bayabas na naman! Nasingaw na naman ang baho ng katawan ng isa sa atin!” sigaw ni Rose sa mga katrabaho nang biglang umangalingasaw ang mabahong amoy.

“Oo nga, eh!” pagsang-ayon ng kaibigan niyang si Anny saka binulyawan ang kanilang mga katrabaho, “Hoy, kung sino man ‘yon, ligo ligo rin kapag may time!”

“Teka, tignan mo, mukhang si Olivia ‘yon, kita mo, o, biglang nag-iba ang timpla ng mukha,” bulong niya sa kaibigan, dali-dali naman nitong tiningnan ang hinihinala nilang pinanggagalingan ng amoy.

“Talaga? Sandali, ha, makapunta nga doon, aamuyin ko lang kung siya nga ang pinanggagalingan ng baho,” tugon nito saka dahan dahang dumaan sa lugar ng katrabaho, “Siya nga! Ano ba ‘yan, piso lang ang tawas hindi pa makabili! Bibilhan ko nga ng tawas ‘yan bukas!” patawa-tawang sambit nito dahilan upang magtawanan silang magkaibigan. Ganoon na lamang kung makatungo ang dalagang kanilang pinagtatawanan dahil sa kahihiyan.

Sa araw-araw na lamang na nagdaan, kada sasapit ang alas tres ng hapon at magsisimula nang magkayayaang magmeryenda ang magkakatrabaho, palagi na lamang sumisingaw ang baho sa kanilang opisina.

Madalas, nagtatawanan ang magkakatrabaho lalo na ang magkaibigang Rose at Anny dahil inaabangan talaga nila ang oras ng pag-alingasaw nito at kapag nangamoy na, doon na nila bubulyawan ang mga katrabaho,”Hoy, mahiya naman! Ang baho!” “Grabe, amoy bayabas na naman!” “Buti nakakahinga pa ‘yon sa baho niya?”

Ilan sa mga mapanuksong ‘ika ng magkaibigan dahilan upang magtawanan ang ilan nilang mga katrabaho ngunit napansin na lamang ni Rose na biglang nag-iba ang timpla ng mukha ng isa nilang katrabaho nang minsan silang mag-alaskahan. Dito nila nakumpirmang ito nga ang nangangamoy sa kanilang opisina.

Dahil nga sa puno ng kalokohan ang isip ng dalawang magkaibigan, noong araw na ‘yon matapos ang kanilang trabaho, dumiretso sila sa isang tindahan sa palengke saka bumili ng isang kilong tawas. “Siguro naman, babango na siya dito, ano?” sambit ni Anny habang bitbit-bitbit ang isang kilong tawas na kanilang pinag-ambagan.

“Kung tatalab pa ‘yan sa kaniya. Sabihin mo, kung ayaw tumalab, magb*gti na siya!” patawa-tawang tugon ni Rose.

“Grabe ka! Pero, sige, sasabihin ko!” ‘ika ni Anny saka sila nagtawanan ng labis.

Kinabukasan, pagkarating na pagkarating nila opisina, agad silang dumiretso sa lamesa ng katrabaho nilang si Wilfred.

“O, Olivia, maglagay ka na sa kilikili mo bago pa mangalingasaw ang puno ng bayabas sa kilikili mo. Kung ayaw tumalab, may lubid sa stock room, magb*gti ka na doon!” sambit ni Anny dahilan upang humagikgik ang kaniyang kaibigan habang napatameme naman ang ilan nilang katrabaho. Ngunit laking gulat nilang magkaibigan nang bigla siyang pagsalitaan nito.

“Wala naman akong puno ng bayabas sa kilikili ko pero mayroon kaming puno ng bayabas sa bakuran namin. Sa katunayan nga, malaking tulong ang punong ‘yon sa akin. Mantakin mo, nakakamenos ako ng meryenda dahil sa punong ‘yon. Wala kasi akong pang bili ng masasarap na pagkain katulad niyo kaya ito na lang ang minemeryenda ko. Gusto niyo ba? Ay, baka mangamoy bayabas kayo, pero sige, ito o, kainin niyo, tapos kainin niyo na rin ‘yang tawas na binili niyo para bumango ang bunganga niyo,” sambit ni Olivia saka kinuha ang isang supot ng bayabas sa kaniyang bag, nagsimula nang mangalingasaw ang amoy.

Ngunit imbis na magtakip ng ilong at magbunganga ang dalawa, wala silang ibang nasabi sa katrabaho kundi, “Pa-pasensya na,” saka na sila nagtungo sa kani-kanilang lamesa bitbit bitbit ang kahihiyang naisampal sa kanila ng katrabaho.

Dahil sa kanilang ginawa, marami sa kanilang mga katrabaho ang nainis sa kanila. Unti-unti silang iniwasan ng mga ito at sumama kay Olivia. Tuwing meryenda, ang opisinang dati’y boses nila ang nangangalingasaw dahil sa kanilang pangangantiyaw, napalitan ng mga halakhakan ng kanilang mga katrabaho habang kumakain ng bayabas na bigay ni Olivia, habang silang dalawa, mag-isang kumakain sa kani-kanilang lamesa.

Isang linggo ang lumipas na puro ganoon ang kanilang nararanasan dahilan upang malungkot sila ng sobra. Doon na nila napagdesisyunang humingi ng pormal na kapatawaran kay Olivia at sa kanilang mga katrabaho.

Sa kabutihang palad naman, pinatawad sila ng mga ito, lalo na ang kanilang pinagdeskitahang dalaga, ika nito, “Sana sa susunod, huwag niyong husgahan ang tao base sa kung ano lang yung nakikita o naaamoy niyo, dahil madalas, may lihim na istorya sa likod ng inyong mga nakikita’t naaamoy,” saka sila inabutan nito ng bayabas na agad naman nilang kinain.

“Yehey!” sigaw nito.

Simula noon, nasa lugar na rin ang mga salitang lumalabas sa bibig ng dalawa at lalo’t higit, naging mas masaya ang kanilang opisina dahil wala nang alitan o pangbababang puring nangyayari.

Madalas nga tayong magbigay kaagad ng hinuha sa mga bagay na hindi tayo sigurado, ngunit upang hindi tayo mapahamak o makasakit ng damdamin ng iba, gamitin natin ang ating bibig upang direktahang magtanong sa taong ‘yon kaysa ibulgar at ipahiya.

Advertisement