Inday TrendingInday Trending
Ang Guro Kong Superhero

Ang Guro Kong Superhero

Laging pinag-iinitan ng kanyang guro si Lyca at palagi rin siyang tampulan ng tukso sa klase, dahil sa weirdo at kakaiba niyang kilos.

Kapag oras na kasi ng pag-aaral, tila ba lumilipad ang isip ng dalaga. Malayo palagi ang tingin nito at wala rin sa pokus, kaya kapag oras na ng recitation, madalas, wala siyang maisagot. Dahilan upang pagtawanan ng mga kaklase at pagalitan ng kanyang titser.

“O Lyca, base sa napag-aralan natin noong nakaraan, ano ang depinisyon ng physics at paano ito nakatutulong o nakakaapekto sa pang araw-araw na buhay ng mga tao?” tanong ni Teacher Wilma, guro sa siyensya.

“A-ano po…” biglang napayuko ang dalaga na pinagsimulan naman ng tawanan sa klase. “Sorry po ma’am, hindi ko po alam ang sagot.”“Hay nako naman, Lyca! Bakit ba hindi mo na lang alam palagi ang sagot? Nasa ibang planeta ba ang utak mo ha?” iritableng tanong ng guro.

Hindi naman talaga gustong ipahiya ni Teacher Wilma si Lyca. Sa katunayan, nag-aalala nga ito sa dalaga, dahil pababa ng pababa na ang grado nito. Nais sana lamang niyang bigyang aral ang dalaga upang magsumikap pa ito at magpursiging matuto sa klase.

Habang naglalakad-lakad sa loob ng silid-aralan upang isauli ang mga test papers ng estudyante, may kakaibang napansin si Teacher Wilma kay Lyca.

“Nako naman, Lyca, bagsak ka na nam-” hindi na natuloy ang sasabihin nito nang makita ang mga braso ng dalaga.

Bahagyang napatahimik ang guro at saka marahang ibinigay ang papel na may bagsak na marka.

Bago mag-uwian, kanyang pinaiwanan ang dalaga upang makausap ito. Hindi siya mapalagay sa kanyang nakita kani-kanina lang.

“Lyca, may itatanong sana ako, pero sana magsabi ka sa akin ng totoo ha?” malumanay na sabi ng titser.

“Ano po iyon ma’am?” tugon naman ng dalaga.

“Napaano ang mga pasa mo sa braso? Bakit tila padami ng padami iyan sa paglipas ng mga araw?” pag-uusisa pa ng guro.

“W-wala po. Nahulog lamang po ako sa hagdan sa amin… mauna na po ako ma’am. May mga gagawin pa po kasi ako sa bahay. Pasensya na po,” sagot ni Lyca. Kinuha agad niya ang bag at saka nagmadaling lumabas ng silid-aralan.

Hindi mapaigi si Teacher Wilma, dahil pakiramdam niya’y may maling nagaganap at hindi normal ang mga pasa sa katawan ng kanyang estudyante.

Naglabas siya ng isang malakas na bugtong hininga at saka kinuha ang bag. Palihim niyang sinundan si Lyca. Baka sakaling makahanap siya ng kasagutan sa pamamagitan nito.

Napansin ng guro na kahit sa pag-uwi, tuliro at wala pa rin sa sarili ang dalaga. Ano nga kaya ang bumabagabag sa kanyang isipan?

Anim na kanto mula sa paaralan, narating niya ang bahay na tinutuluyan ng dalaga. May kalumaan na ang bahay at may awrang tila ba hindi maganda.

Mula sa di kalayuan, isang malakas na sigaw ang narinig ni Teacher Wilma.

“Wag po! Aray ko po! Tama na po!” pagmamakaawa ng boses na pamilyar na pamilyar sa kanya, si Lyca.

“Diyos ko po! Ano kaya ang nangyayari?” nag-aalalang tanong ng guro sa sarili.

Dahan-dahang lumapit ang titser sa bahay, at mula sa may bintana, ikinagulat niya ang nakita.

“Sinabi ko sayo na wag mong isasama ang de color sa puti, hindi ba?! Bakit ba hindi ka na natuto ha?!” sigaw ng babae sa loob kasunod ang isang malakas na sampal sa mukha ng dalaga.

“Tiyang, tama na po. Hindi na po mauulit. Wag niyo na po akong saktan!” pagmamakaawa ni Lyca.

“Dahil diyan, hindi ka kakain hanggang bukas! Ubod ng bbo mo!” sigaw naman ng isang lalaki at saka ibinalibag ang payat na katawan ng dalaga sa sahig.

“Diyos ko po, ano ito?” nanginginig sa takot na tanong ni Teacher Wilma. Hindi siya makapaniwala sa nakikita.

Sasaktan pa sana si Lyca ng mag-asawang kasama niya sa bahay nang bigla bumukas ang pintuan at bumungad ang guro na may kasa-kasamang mga pulis at kapitbahay mula sa lugar na iyon.

“Iyan po! Nakita kong sinasaktan nila si Lyca. Ako po ang testigo!” sigaw ng titser.

Gulat na gulat ang mga tao sa looban ng bahay, dahil doon. Tumayo si Lyca at agad na tumakbo sa kanyang guro at saka yumakap ng napakahigpit.

“Ayos ka lang ba ha, Lyca? May masakit ba sa iyo? Sino ba ang mga nananakit sa’yo?” nag-aalalang tanong ng guro.

“Tiyohin at tiyahin ko po. Sila po ang kumupkop sa akin magmula nang pumanaw ang mga magulang ko, dahil sa sunog. Pero hindi po maganda ang naging trato nila sa akin. Inalila po nila ako rito at hindi pinapakain ng maayos. Muntik na rin po akong gap*angin ng tiyo ko, ngunit pumiglas ako at tumanggi kaya sinaktan niya ako noong isang gabi lamang!” umiiyak na sumbong ng dalaga.

Nang marinig ito ng mga pulis, agad nilang dinala sa presinto ang mag-asawa. At lumabas sa imbestigasyon na tunay ngang inaa*buso at sinasaktan ng mga ito si Lyca. Nagpositibo din ang mga ito sa ipinagbabawal na gam*t, kaya’t nagpatong-patong ang mga kasong ipinataw sa kanila.

“Maraming salamat po, ma’am. Kung hindi po dahil sa inyo, baka patuloy pa rin po akong inaab*uso ng kamag-anak ko,” may mga luhang sabi ni Lyca.

“Walang anuman. Ang mahalaga ay ligtas ka. At magmula ngayon, sa akin ka na titira. Wag kang mag-alala, aalagaan kita at ituturing na hindi na rin iba. Iyon ay kung papayag ka?” nakangiting alok ni Teacher Wilma.

Umaliwalas ang mukha ng dalaga at saka ngumiti, “O-opo ma’am. Wala na rin po kasi akong matutuluyan rito. Wala na po kasi akong ibang pamilya. Maraming salamat po ma’am!” maligayang pag sang-ayon ni Lyca.

Kinupkop ni Teacher Wilma si Lyca at inalagaan. Tinuring niya itong parang tunay na anak at binigyan ng maayos na buhay.

Gumanda ang naging takbo ng pag-aaral ni Lyca. Nakamamanghang biglang tumaas ang mga grado niya at mas naging aktibo sa klase. Napakaganda at napakalaking pagbabago ang naganap sa buhay ni Lyca, dahil sa gurong buong pusong nagmahal at nagmalasakit sa kanya.

Nagkaroon din ng maraming kaibigan si Lyca na nagpakita ng suporta sa kanya upang malagpasan ang troma sa mapait na pinagdaanan. Isang napakagandang balita rin na sa kanyang pagtatapos ng hayskul, pinarangalan siyang Salutatorian sa kanilang klase.

Advertisement