Inday TrendingInday Trending
Manang Julie

Manang Julie

“Manang Julie, uuwi na nga po pala si Sarah ngayon. Susunduin na po namin siya sa airport, baka pwedeng handaan natin siya ng kahit kaunti?” wika ni Laura sa kaniyang kasambahay.

“Ay, uuwi na pala ang alaga ko! Sige po, ma’am, ako na ang bahala sa pagkain. Ingat po kayo,” magiliw na sagot nito.

“Naku, malaki na ho ang alaga niyo. Baka mas maarte pa iyon sa akin,” saad ni Laura bago siya umalis.

Dali-dali na naghanda si Manang Julie ng pagkain. Nagluto siya ng manok at spaghetti na alam niyang paborito ng kaniyang alagang si Sarah, ang kaisa-isang anak ng kaniyang amo. Sanggol pa lamang ito ay siya na ang nag-alaga ngunit napagdesisyunan ng pamilya na sa america ito pag-aralin. Naiwan si Mang Julie bilang tagapangalaga ng bahay rito sa Pinas. Paminsan-minsan ay umuuwi ang mga amo niya ngunit hindi si Sarah. Kaya naman nasasabik na rin siyang makit ito. Ngayong tapos na ang kolehiyo ay magbabakasyon daw muna ang dalaga rito sa Pinas.

Kinahapunan ay dumating na nga sina Sarah at mga magulang nito.

“Hala, ang laki ni Sarah! Diyos ko! Napakagandang bata!” magiliw na salubong ni Manang Julie nang makita ang dalaga.

“Ahm, hi, thanks,” maiksing sagot nito saka dumiretso sa bahay at nagkulong sa kwarto.

“Pasensya ka na, Manang Julie, pagod lang po iyon sa byahe. Baka bukas kausapin na tayo nun,” pagpapaliwanag naman ni Laura sa ugali ng kaniyang anak.

“Wala iyon, ma’am,” sagot naman kaagad ni Manang Julie sa kaniya.

Hanggang sa lumipas ang ilang araw ay hindi pa rin siya kinakausap ng dalagang si Sarah.

“Malaki na talaga siya, hindi na rin siguro niya ko naaalala,” malungkot na wika ni Manang sa kaniyang sarili.

“Mom, can you please look for a new maid?” sambit ni Sarah sa kaniyang nanay habang sila ay nasa kusina.

“Sarah, mag-tagalog ka. Tsaka ano ‘yang sinasabi mong new maid?” mataray na sagot ni Laura sa kaniyang anak.

“Well, I mean, kasi ang pangit nung Manang Julie. Naba-bother ako sa itsura niya,” maarteng sagot nito.

“Hindi mo na ba naalala si Manang Julie? Ano ‘yang pinagsasabi mo?” iritableng saad ni Laura sa kaniya.

“E ba’t kasi ganun itsura niya? Bigyan mo na lang ng malaking bonus tapos paalisin mo. Ayaw ko nga sa ganun, pangit,” diin pang muli ni Sarah sa kaniyang nanay.

Mabilis na lumapit si Laura sa kaniyang anak at sinampal ito. Laking gulat naman ni Sarah sa ginawa ng kaniyang ina at nabagsak rin ni Manang Julie ang basong hawak dahil sa gulat. Nasa likod lang pala si Manang at napakinggan niya ang lahat.

Kumaripas naman ng takbo si Sarah sa kaniyang kwarto dahil sa ginawa ng kaniyang ina.

“Ma’am, sorry po. Aalis na lang po ako,” mangiyak-ngiyak na saad ni Manang Julie kay Laura habang pinupulot ang basag na baso.

“Manang Julie, patawarin niyo ang anak ko sa ugali niya. Hayaan niyo po, tuturuan ko ng leksyon ang batang iyon,” sagot ni Laura sa kaniya saka umalis.

“Sinampal mo ako para sa katulong?” galit na wika ni Sarah sa kaniya.

“Hindi mo na ba talaga maalala si Manang Julie? Pwes ipapaalala ko siya sa’yo. Siya lang naman ang nagligtas sa buhay nating tatlo. Nasusunog noon ang condo at naiwan tayo sa loob. Nakalabas kami kaagad pero naiwan ka sa kwarto mo, binalikan ka ni Manang Julie kahit na nagliliyab na ang bahay. Kaya nagkaganun ang itsura niya, nasunog ang buong katawan niya para lang maligtas ka. Tapos sasabihin mong pangit siya? Wala kang karapatang mang insulto ng kapwa, Sarah. Kahit ano pa man ang narating mo sa buhay, kahit saan ka man lumaki, hindi ka rapat nanghahamak ng kapwa!” paliwanag ni Laura sa kaniya.

Natameme naman si Sarah sa kaniyang narinig at napatingin sa paso niya sa may paa. “Oo, ‘yan lang ang naging paso mo sa nangyaring sunog,” wika naman kaagad ni Laura sa anak.

Nahiya at naiyak si Sarah sa kaniyang narinig. Hindi man niya maalala ang kabayanihan ni Manang Julie ay sigurado siyang mapait ito dahil naiwan sa kaniyang balat ang bakas ng kahapon. Sunog ang buong katawan nito at lapnos ang balat. Kulubot at hindi pantay ang kutis. Mabilis niyang niyakap at humingi siya ng tawad sa kasamabahay.

Simula noon ay hindi na niya kailanman pinakitaan ng masamang ugali si Manang Julie o sino pa man.

Advertisement