Inday TrendingInday Trending
Ikaw Lang, Sapat Na

Ikaw Lang, Sapat Na

“Best in English, Best in Math, Best in Science, Best in Araling Panlipunan, Good Moral and Right Conduct Awardee, Outstanding Student Awardee, First Honor, our Valedictorian of the graduating elementary students, Luis John B. Soriano,” wika ng emcee ng nagaganap na graduation.

Tinawag si Luis at umakyat ito sa stage kasama ng kaniyang mga magulang. Halos masakal na ang leeg ni Miguel sa dami ng medalya na kaniyang natanggap. Halos mangiyak-ngiyak naman ang kaniyang ina dahil labis nitong ipinagmamalaki ang kaniyang anak.

Maliit pa lamang si Luis ay kinakitaan na siya ng dunong at galing ng kaniyang mga magulang. Sa edad na dalawang taong gulang ay nakakapagsalita na ito. Nang tumungtong ng nursery ay mas umangat ang pagiging matalino nito dahil sa paggabay ng kaniyang mga guro.

Kaya mula ng mag-aral si Luis, lagi siyang nabibigyan ng medalya dahil siya lagi ang hinihirang na First Honor taon taon sa kanilang eskwela.

“Napakagaling talaga ng anak ko. Kaya proud na proud kami sa’yo,” wika ng ina ni Luis habang yakap-yakap ang kaniyang anak pagkababa nila ng stage.

“Siyempre, mama. Kanino pa po ba ako magmamana kung ‘di sa inyo lang po ni papa,” nakangiting sagot ni Luis.

“Para po sa inyo ito, ‘nay, ‘tay… Lagi ko pong pag-iigihan para mas maging proud po kayo sa akin,” patuloy na wika ni Luis na masayang masaya dahil sa dami ng kaniyang medalya na nakuha.

Napakaimportante para kay Luis na makuha lagi ang pinakamataas na marka sa kanilang klase. Kaya puspos at palagi itong nag-aaral araw-araw ng kanilang mga leksyon.

Ngunit tila nagbago ang lahat ng makatungtong na siya ng highschool.

Dahil lumipat na ito sa private school ay nanibago si Luis sa kaniyang bagong eskwelahan at bagong mga kaklase. Hindi tulad noong siya ay nasa elemetarya, mas mahirap na ang mga aralin nila ngayon at mas mahigpit na rin ang kaniyang mga bagong guro.

Pero kahit na ganoon, hindi nagpatinag ang batang si Luis at mas pinag-igihan niya ang kaniyang pag-aaral. Tinuring niya itong pagsubok na kailangan niya lagi malagpasan at mapagtagumapayan.

Ngunit nang makita ni Luis ang mga grado niya sa kanilang unang markahan, naiyak ito sa lungkot. Hindi na kasi niya nape-perfect ang exam at nang sinabi ang top students ay pang siyam na lamang ito, hindi tulad noon na siya ang una lagi sa listahan.

Umuwi na umiiyak si Luis habang kasa-kasama ang kaniyang magulang, sila kasi mismo ang kumuha ng card ni Luis mula sa kaniyang school adviser.

“Papa, sorry. Hindi na ako ang Top 1,” patuloy na pag-iyak ni Luis.

“Anak, ayos lang ‘yon. Marami pang ibang pagkakataon na pwede mong patunayan ang sarili mo. Umpisa pa lang naman, panigurado naninibago ka lang siguro kaya hindi mataas katulad noon ang nakukuha mong grado,” paliwanag ng ama ni Luis, at pilit niyang pinapakalma ang kaniyang anak.

Mas lalong pinaghusayan ni Luis ang kaniyang pag-aaral. Araw-araw siyang nagsusunog ng kilay para sa kaniyang mga aralin. Ngunit lumipas ang ilang taon, patuloy pa rin na hindi nakakamit ni Luis ang hinahangad na Top 1.

Kahit anong gawin niya, mayroon pa ring mas magaling sa kaniya. Hindi tulad noon na siya lagi ang mas magaling.

“Siguro talaga hindi lang magagaling ang mga classmate ko dati sa elementarya, kaya ako nagiging top 1 noon. Pero hindi rin eh. Sadyang mas magagaling lang din sila, akala ko pa naman magaling na ako,” malungkot na kinakausap ni Luis ang kaniyang sarili.

Minsan pagkauwi nito ay agad naman siyang kinausap ng kaniyang ina.

“Anak, nakisamangot ka na naman. Ano ba ang iniisip mo at bumabagabag sa’yo?” pagtatanong ng kaniyang ina na noon ay alalang-alala na sa kaniya.

“Nakakapagod, mama. Ginagalingan ko pero bakit kulang pa rin? Halos buong araw ko ay nilalaan ko na sa pag-aaral pero hindi ko pa rin magawang maging top 1. Hindi ko na alam ang gagawin ko. Sorry, mama. Gusto ko lang naman kasi na maging proud kayo sa’kin eh,” naiiyak nang sinabi ito ni Luis.

Halos humahagulgol na ito dahil sa labis na pagkadismaya sa kaniyang sarili.

“Anak…” nalulungkot na sabi ng ina ni Luis.

Hindi lubos maisip ng kaniyang ina ang pagsisikap na ginagawa ng kaniyang anak para lamang maging magaling sa kaniyang klase. Labis na ang pagpe-pressure nito sa kaniyang sarili. Kaya ninais niyang kausapin ng maigi ang kaniyang anak. Ayaw niyang humantong ito sa pagkawalang gana na ng kaniyang anak na mag-aral lalo na at hindi nito nakukuha ang resulta na nais nito.

“Luis, anak, hindi mo kailangan maging top 1 para lang maging proud kami sa’yo,” wika ng ina ni Luis habang yakap-yakap siya nito.

“Kahit wala ka man sa top ng klase niyo, kahit wala kang masungkit na medalya, proud na proud pa rin kami sa’yo ng papa mo,” malambing na sabi ng ina ni Luis sa kaniya.

“Talaga po, mama?” saglit na tumahan sa kaniyang pag-iyak si Luis.

“Oo, anak! Kung alam mo lang, noong maliit ka, kahit nga pagdumi mo noon, ipinagmamalaki pa namin. Bawat maliliit na bagay na nagagawa mo noon anak, ipinagmamalaki namin ‘yon sa lahat,” sagot ng ina habang yapos nito si Luis.

“Paano pa ngayon, ‘di ba? Hindi mo kailangan laging nasa unahan, anak. Hindi sa lahat ng bagay, ikaw ang pinakamagaling. Basta ang importante, anak, laging mong ibibigay ang best mo sa lahat ng bagay na gagawin mo,” pangaral nito kay Luis.

“Kahit na walang kapalit, kahit na hindi mapansin ng iba, at kahit na mayroon man premyo o medalya na kapalit ito, lagi mong ibibigay ang best mo sa lahat ng iyong gagawin. Hindi mo kailangan makatanggap ng award o pagpupuri para lang malaman mo na magaling ka, anak. Alam mo sa sarili mo na binibigay mo ang best, kaya sapat na ‘yon para mapatunayan sa mundo na magaling ka,” seryosong sabi ng ina ni Luis.

“At kahit nasa ibaba ka man o itaas, anak. Manatili kang mapagkumbaba. At habang patuloy mong pinagsisikapan na maabot ang pangarap mo, nandito lang kami lagi ng papa mo, proud na proud sa ‘yo,” naiiyak nang wika ng ina ni Luis.

Sa labis na saya ay hinigpitan pa lalo ni Luis ang pagkakayakap sa kaniyang ina. Mula noon, isinapuso ni Luis ang sinabi sa kaniya ng kaniyang ina. Ngayon ay mas mahalaga na sa kaniya ang mabigyan niya ng puso ang kaniyang ginagawa at hindi na ito naghahangad pa ng kahit na anong medalya at papuri. Sapat na para kay Luis ang pagmamahal na nabibigay ng kaniyang mga magulang.

Hindi naglaon, dahil sa patuloy na pagsisikap ni Luis, hindi na lang niya namalayan na maraming taon na ang lumipas. Kahit hindi grumuduate ng top 1 noong highschool, hindi siya pinanghinaan ng loob. Nagtapos siya ng kolehiyo na Magna Cum Laude. Isa pa siya sa napili ng kanilang eskwelahan upang magbahagi ng mensahe sa kanilang graduation. At ginamit niya ang pagkakataon na ito na maibahagi sa mga kapwa estudyante and minsang naging pangaral sa kaniya ng kaniyang ina, na binaon niya sa kaniyang paglalakbay at naghatid sa kaniya sa tagumpay.

Advertisement