Malakas ang halakhak ni Alex matapos niyang ibaba ang tawag. Paano ba naman ay nagtagumpay na naman siya sa kaniyang pag-prank call sa kaniyang mga kaibigan.
Madalas itong gawin ni Alex lalo na kapag wala siyang ginagawa o kung kailan niya gustuhin.
At ngayon ay si Liza naman ang kaniyang lolokohin Ang kaniyang matalik na kaibigan.
“Hello, Liza?” Pinatamlay ni Alex ang kaniyang boses.
Napansin ni Liza na mukhang may dinaramdam ang kaniyang kaibigan kaya agad niya itong tinanong. “Hello? May sakit ka ba, Alex?”
Suminghot pa si Alex para maging mas kapani-paniwala ang kaniyang pag-iyak ngunit sa totoo lang ay tinatakpan niya ang kaniyang bibig para pigilan ang kaniyang paghalakhak. “Iyun nga, eh. Kaya ako tumawag. Nasa ospital kasi ako ngayon.”
Tumaas ang boses ni Liza. Agad itong nataranta dahil sa sinabi ng kaibigan. “Ha? Anong ginagawa mo diyan?”
“Eh, kasi may nakabangga sa akin tapos hindi ako hinintuan. Buti na lang at may nagmagandang loob na dalhin ako dito,” pagsisinungaling ni Alex.
Malayo iyon sa katotohanan dahil ang totoo ay nakahiga lamang si Alex sa kaniyang kama.
“Ha? Eh, nasaan ka? Pupuntahan kita! Sabihan ko sila tito!” Bakas ang takot at pagkataranta sa boses ni Liza.
Dinig na dinig ni Alex ang kalabog ng mga nahuhulog na gamit sa kabilang linya ng telepono dahil sa pagmamadali ng kaniyang kaibigan kaya hindi na niya napigilan pa ang kaniyang sarili na magpakawala ng malakas na halakhak.
“Alex?” naguguluhang tanong ni Liza.
“Hoy, Liza! Biro lang! Bakit ang seryoso mo?” tanong ni Alex. Hindi sumagot ang kaniyang kaibigan ngunit narinig niya na ilang beses muna itong huminga ng malalim bago ito tuluyang nagsalita. “Biro na naman? Grabe, hindi ka ba talaga magseseryoso sa buhay?” seryosong sabi ni Liza bago nito pat*yin ang tawag.
Imbes na makonsensiya ay mas lalo pang tumawa si Alex.
Sinubukan niya rin sa iba pa niyang mga kaibigan ang pagbibiro. Kagaya ni Liza ay pare-pareho ang mga naging reaksiyon ng mga ito sa kaniyang sinabi.
Natataranta.
Kapag nababanggit na nila ang kaniyang mga magulang ay doon niya na lang winawakasan ang kaniyang pagbibiro. Ayaw niya kasing malaman ng kaniyang mga magulang ang kaniyang ginawa dahil tiyak na pagagalitan na naman siya ng mga ito.
“Hindi ka ba natatakot na baka bumalik sa’yo ang lahat ng ginagawa mo, Alex?” inis na tanong ng isang kaibigan ng dalaga bago nito ibinaba ang tawag.
Pero walang pakialam si Alex. “Paano naman babalik sa akin? Gagantihan ba nila ako?” naisip niya.
“Bakit hindi na nagpupunta dito ang mga kaibigan mo, Alex?” tanong ng ina ng dalaga habang kumakain sila. “Marami po kasi silang ginagawa,” pagdadahilan ni Alex.
Ang totoo ay hindi pa rin siya pinapansin ng kaniyang mga kaibigan. Galit pa rin sila sa kaniya. Lalung-lalo na si Liza.
Hindi alam ni Alex kung bakit. Dati naman ay kinakausap pa rin siya nito agad kapag nag-prank call siya dito ngunit ngayon ay tatlong araw na ang nakakalipas pero hindi pa rin siya kinakausap ni Liza.
“Papuntahin mo sila mamaya, ha! Magluluto ako ng mga pagkain. Happy birthday, anak!” Niyakap si Alex ng kaniyang ina.
Nanlaki ang mata ng dalaga. Nakalimutan niya iyon!
Hindi kinakausap si Alex ng kaniyang mga kaibigan. Hindi niya alam kung paano niya sila iimbitahin.
“Ingat pauwi!” sabi ng guro ni Alex pagkatapos ng klase.
Dali-daling lumabas si Alex sa kanilang eskuwelahan. Madilim na ang kalangitan. Malungkot ang kaniyang araw. Wala siyang nakausap. Hindi siya binati ng kaniyang mga kaibigan. Samantalang noon ay sinusorpresa pa siya ng mga ito.
“Ikaw naman kasi, Alex! Kung anu-ano ang ginagawa mo sa kanila!” paninisi niya sa kaniyang sarili.
Habang pauwi na si Alex ay tumunog ang kaniyang cell phone.
Si Liza ang tumatawag.
Matapos ang ilang araw na hindi siya kinakausap ng matalik niyang kaibigan sa wakas ay tinawagan na rin siya nito.
Makikipagbati na ba ito sa kaniya?
Malawak ang ngiti ni Alex nang sagutin niya ang tawag ngunit agad din itong nabura nang ang sumagot sa kabilang linya ay hindi boses ni Liza.
Si Eya ang tumawag sa kaniya. Kaklase nila ni Liza. “Hello, Alex?”
“Eya? Ikaw ba ‘yan? Bakit na sa’yo ang cell phone ni Liza?” tanong ni Alex dito.
Narinig niya ang mabibigat nitong pagbuntong-hininga.
“Hindi. Ano kasi…” putol-putol na sabi ni Eya.
Gumapang ang kaba sa dibdib ni Alex. “Nasa ospital kasi si Liza ngayon pati ‘yung iba mong mga kaibigan. Naaksidente sila,” saad ni Eya.
Hindi na naintindihan pa ni Alex ang sinasabi ng dalaga dahil tumakbo na siya ng matulin papunta sa pinakamalapit na ospital sa kanilang eskuwelahan. Abot langit ang kaniyang kaba sa kakaisip na baka hindi maganda ang lagay ng kaniyang matalik na kaibigan.
“Nurse! Saan po ang kwarto ni Liza Acosta?” tanong ni Alex. Sapo niya ang kaniyang dibdib dahil sa pagod at kaba. Agad namang sinabi ng nurse ang kwarto ng kaniyang kaibigan.
Mabigat ang kaniyang puso nang buksan niya ang pinto.
Ngunit iba ang nadatnan ni Alex.
“Happy birthday!” sigaw ng mga kaibigan ng dalaga.
Ang mga kaibigan ni Alex ay may mga dalang makukulay na mga lobo at keyk.
At higit sa lahat ay maayos ang kalagayan ni Liza na natatawa na lang din dahil sa magkahalong takot at gulat na ekspresyon sa mukha ni Alex.
“Niloko niyo ko? ‘Di totoong naaksidente kayo?” tanong ni Alex sa kaniyang mga kaibigan.
Ngumiti si Liza at itinuro niya ang mga kasamang nakangisi sa kaniya. “Ideya nila! Paganti raw!”
Nakahinga si Alex ng maluwag. Mabuti na lang at hindi totoong napahamak ang kaniyang mga kaibigan.
Sa gitna ng kasiyahan ay naisip niya ang ginawa niyang pag-prank call sa kaniyang mga kaibigan. “Patawarin niyo ko. Alam ko na ngayon na hindi maganda ang pagbibirong ginawa ko sa inyo. Nakakatakot pala! Akala ko may nangyari talagang masama sa inyo!”
Ngumiti ang mga kaibigan ng dalaga. Nagkatinginan ang mga ito bago nila niyakap si Alex.
“Ang mahalaga ay natuto ka na,” saad ni Liza.
“Pangako. Hindi ko na uulitin ang ganoong klaseng biro,” wika ni Alex. “Pero hindi pa rin ako titigil na lokohin kayo paminsan-minsan”
Nagtawanan na lang ang lahat habang napapailing dahil sa sinabi ng dalaga.