Inday TrendingInday Trending
Higit sa Pagtupad sa Pangako

Higit sa Pagtupad sa Pangako

Mula sa mayamang pamilya si Enrique. Kaisa-isang anak ng mag-asawang sina Don Jaime at Donya Luisa, kilalang may-ari ng pinakamalalaking negosyo sa lungsod. Dahil si Enrique ang naatasang sumunod sa pamamahala ng kanilang mga ari-arian ay nais ng kanyang ama na sundan nito ang kanyang yapak at maging isang mahusay na abugado. Ngunit taliwas ito sa nais ni Enrique. Ang nais kasi niya ay maging isang doktor.

“Ano ang mapapala mo kung ikaw ay magdodoktor? Katulad ng pinsan mong tinalukaran ang lahat ng yamang ito para lang maglingkod sa mga mahihirap sa bundok? Tigilan mo ako, Enrique. Ikaw ang kaisa-isang tagapagmana ng lahat ng ito. Huwag mong balewalain ang lahat ng pinaghirapan ko,” galit na sambit ni Don Jaime.

“Sa tingin ko ay hindi rin naman ako papasa bilang isang abugado, Dad. Hindi ako kasing galing mo sa larangan na iyan,” giit ng binata.

“Matalino ka. Lahat ay naaaral kung pagtutuunan mo lamang ng pansin! Tapos na ang diskusyon na ito. Magiging abugado ka sa ayaw o sa gusto mo!” sabay talikod ng ama.

Kahit labag sa kalooban ni Enrique ay ang kanyang ama pa rin ang nasunod. Wala namang magawa si Donya Luisa sapagkat tila batas sa kanilang tahanan ang mga salita ni Don Jaime.

Nakapasok sa isang prestihiyosong unibersidad si Enrique sa tulong na rin ng mga kumpanyero ng kaniyang ama. Dahil lagi siyang nabubulyawan ng mga kaklase na malakas ang kapit niya sa itaas, ay mas minabuti niyang hindi na humingi pa ng tulong sa kaniyang ama.

Habang nakikipag-away sa labas ng unibersidad ay doon nya nakilala ang isang dalaga.

“Tama na ‘yan! Hindi na makatayo ang binatang ito, ayaw niyo pa rin siyang tigilan. Tatawag ako ng pulis!” banta ng dalaga. Kaya isa-isang nagpulasan ang mga ito.

“Hindi ko talaga maintindihan ang mga mayayaman. Parang mga walang utak. Akala ata nila ay maililigtas sila lagi ng kanilang pera,” galit na bulong ng dalaga sa sarili habang tinutulungan niyang tumayo si Enrique.

“Ikaw naman, bakit makikipag-away ka tapos ay hindi mo pala kaya ang iyong sarili? Tumayo ka na riyan at umayos ka ng gayak. Huwag mong hayaang pagtinginan ka na lang nila!” sambit ng babae.

“Maraming salamat. Ako nga pala si Enrique. Ikaw?” wika ng binata habang iniaayos nya ang kanyang sarili.

“Melissa. D’yan ako sa tapat na unibersidad nag-aaral. Huwag mong sabihin na d’yan ka sa pangmayamang unibersidad na ‘yan ka nag-aaral?” pagtataka ng dalaga. Tumango lamang si Enrique.

Si Melissa ay isang iskolar sa unibersidad sa tapat ng pinag-aaralang unibersidad ni Enrique. Tanging ang kaniyang ama na lamang na si Mang Ricardo, isang construction worker ang kaniyang kasama sa buhay. Maaga kasing pumanaw ang kaniyang ina dahil sa tuberkulosis. Kaya ngayon ay nagsisikap siyang maging isang guro upang sa gayon ay mabigyan niya ng magandang buhay ang kaniyang ama.

Tila pinaglalapit talaga ng tadahana ang dalawa sapagkat palagi silang ‘di sinasadyang nagkikita. Minsan ay niyaya ni Enrique si Melissa na kumain sa labas upang makabawi sa pagligtas niya rito. Pinaunlakan naman siya ng dalaga. Simula noon ay palagi na silang magkasama hanggang sa magkapalagayan na sila ng loob at nahulog sa isa’t-isa.

Ngunit nang ipakilala ni Enrique si Melissa bilang kaniyang kasintahan sa kanyang magulang ay matindi ang pagtutol ng kanyang ama. Nais kasi nitong makapangasawa din ang anak ng isang babaeng galing sa prominenteng pamilya. Ipinaglaban ng binata ang kanyang pag-ibig sa dalaga hanggang siya ay tuluyan ng itinakwil ng kanyang ama.

Nagsama silang dalawa sa isang maliit na silid. Sinikap ni Enrique na makakuhan ng scholarship sa prestihiyoso nyang paaralang pinapasukan ngunit sa pagkakataong ito ay nakalinya na sa medisina.

Tinuloy niya ang pangarap na maging isang doktor. Habang si Melissa naman ay isa nang ganap na guro. Kahit na nag-aaral pa rin si Enrique ay buong puso siyang sinuportahan ng ngayon ay asawa na niyang si Melissa. Naging masaya ang kanilang buhay kahit na ito ay payak lamang at malayo sa buhay na kinagisnan ni Enrique.

Hanggang isang araw nalaman nila na may malubhang sakit itong si Melissa at kinakailangan ng malaking halaga upang siya ay maoperahan. Wala nang iba pang malapitan si Enrique kundi ang kaniyang ama.

“Dalawang milyon? Sinabi ko na sa’yo na pera lang ang kailangan sa’yo ng babaeng ‘yan! Iiwanan ka ba niya kung hindi mo kayang ibigay ang ganiyang pera? Ganiyan ang mga mahihirap. Lahat sila oportunista!” sambit ni Don Jaime sa pag-aakalang pineperahan lamang ni Melissa si Enrique.

“Bibigyan kita ng kinakailangan mo ngunit kailangan mo siyang hiwalayan!” sambit ng ama ni Enrique na hanggang ngayon ay tutol pa rin sa kanilang pagmamahalan. “Kung nakinig ka sana sa akin, Enrique, hindi ka sana nahihirapan ng ganyan. Nasa iyo na ang lahat ng karangyaan sa buhay ngunit tinalikuran mo lahat ng iyon dahil lamang sa isang babae? Tingnan mo ngayon ang iyong sarili!” sumbat ni Don Jaime sa anak.

Dahil nasasaktan na sa mga sinasabi ng ama ay hindi pa man natatapos ang si Don Jaime ay lumisan na si Enrique. Naisip niyang mas nanaisin niya pang magbanat ng buto ng mas matindi kahit na mapabayaan niya ang kanyang pag-aaral para lamang mailigtas ang asawa kaysa lumapit at sundin ang iniuutos ng ama. Ngunit kahit anong gawin ni Enrique ay hindi pa rin sapat para mapagaling ang asawa.

“Huwag ka ng mag-abala pa, mahal. Tanggap ko na ito ang aking kapalaran. Ang hindi ko matanggap ay ang iiwan kita sa ganitong kalagayan. Hindi ko na makikita na maging isang ganap kang doktor,” wika ni Melissa.

“May dalawa akong hihilingin sa’yo, mahal. Una, ipangako mo sa akin na makikipag-ayos ka na sa mga magulang mo. Huwag mo hayaang kainin ka ng galit sa kanila, mahal. Bumalik ka na sa kanila,” pakiusap niya sa asawa.

“Pangalawa, ipangako mo sa akin na kahit anong mangyari ay tutuparin mo ang iyong pangarap. Hindi ka susuko. Balang araw ay magiging isa kang magaling at tanyag na doktor. At maraming tao kang matutulungan. Ipinagmamalaki kita, mahal,” nanghihinang sambit ni Melissa. Doon na nga siya binawian ng buhay.

Hindi matanggap ni Enrique na naging mabilis lamang ang lahat para sa kanila ng asawa. Hindi niya alam ngayon kung saan magsisimula dahil halos gumuho na ang kaniyang mundo.

Nabalitaan ng mga magulang ni Enrique ang nangyari at lubusan ang kanilang pagsisisi sa pagtutol sa kanilang pagmamahalan. Hindi akalain ni Don Jaime na malaki ang naitulong ni Melissa sa pag-aaral ng anak.

“Kung alam ko lang, anak, na gagamitin mo ang perang iyon sa pagpapagamot sa kaniya… Patawarin mo ako. Hindi ko nagawang maging ama sa’yo. Alam kong huli na ang lahat at hindi ko na maibabalik ang buhay ng iyong pinakamamahal ngunit bigyan mo ako ng isa pang pagkakataon para maging isang tunay na ama,” pagsusumamo ng ama.

Dahil na rin sa pangakong binitawan ni Enrique sa asawa ay tuluyan na rin siyang nakipag-ayos sa kanyang mga magulang lalo na sa kanyang ama. Ipinagpatuloy niya ang kanyang pagdodoktor at sa pagkakataong ito ay nasa kanya na ang buong suporta ng kanyang ama.

Hindi naglaon ay naging isang mahusay siyang doktor. Tinupad niya ang pangako niya sa kanyang yumaong misis. Sa kasalukuyan ay isa si Enrique sa mga tanyag na espesyalista sa medisina na nakakuha ng pinakamataas na pagkilala sa kanyang larangan. Isa rin siya sa mga nagsisilbi sa mga taong hindi na naaabot ng tulong pangmedikal.

Alam niyang sa kaniyang puso ay lubusan ang saya ngayon ni Melissa na nakatanaw sa kaniya mula sa kalangitan.

Advertisement