Inday TrendingInday Trending
Hindi Malalaman ni Marco

Hindi Malalaman ni Marco

“Babe, iniimbitahan tayo nila Dave at Aya sa reunion niyo raw magkakaklase. Alam mo na ba ‘yun?” tanong ni Marco sa kaniyang asawa.

“O-oo, nasabi na nga sa’kin. Kaso linggo kasi ‘yun, family day natin kaya sabi ko hindi tayo pupunta,” sagot naman ni Nina sa kaniya.

“Sakto nga at linggo kasi wala tayong trabaho kaya pwede tayong magpunta. Bakit parang ayaw mo na yatang makita ang kaklase mo rati?” tanong muli ni Marco.

“Hindi naman, wala lang din talaga ako sa mood makipagchismisan sa kanila,” sagot naman muli ng babae. Hindi na umimik pang muli si Marco at nginitian na lamang niya ang kaniyang asawa.

Halos dalawang taon na ang nakakalipas mula nang huminto sa pagma-masteral si Nina. Nabuntis kasi ito kaya naman nagsama na nang maaga ang dalawa. Balak pa sanang bumalik ni Nina sa pag-aaral ngunit hindi na niya nagawa pa nang masundan kaagad ang panganay nila.

“Nga pala, babe, i-unfriend mo na ‘yung ibang mga kaklase ko dati sa masteral, hindi ko naman na close ‘yung mga ‘yun,” wikang muli ni Nina sa kaniyang mister habang nanunuod ito ng telebisyon.

“Babe, dalawang taon na ang nakakalipas. May gusto ka bang sabihin sa’kin tungkol sa mga kaklase mo?” seryosong sumagot si Marco sa kaniya.

“W-wala! Ano ka ba, babe, ayaw ko lang kasi na pati ikaw kinukulit nila sa mga kung ano-ano,” ssagot ni Nina rito.

“Umiiwas ka sa kanila,” mas lalo pang lumalim ang boses ni Marco na siyang nagbigay naman ng kilabot kay Nina. Hindi na siya sumagot pa at pinuntahan na lamang niya ang kanilang anak para tignan kung natutulog na ba ang mga ito.

“Hindi niya malalaman,” isip-isip ni Nina habang nakatingin sa mga bata.

“Hindi malalaman ni Marco,” dagdag pa niya sa sarili sabay patak ng mga luha sa kaniyang mata. Nagpahinga na siya at nauna nang matulog sa kaniyang mister.

Kinaumagahan ay tanghali nang nagising si Nina, hiniram kasi ng mga biyenan niya ang mga bata kaya naman mahimbing ang tulog nila ngayong mag-asawa. Padilat pa lamang ang kaniyang mga mata ngunit nakita na niyang nakaupo si Marco sa kaniyang harapan.

“Babe, kailangan nating mag-usap,” panayam sa kaniya kaagad ng mister.

“Alam ko ang sikreto mo, alam ko kung bakit ka umiiwas sa mga kaklase mo dati. Alam ko ang lahat,” dagdag pa nito.

Parang nawalan ang pandinig ni Nina sa mga katagang iyon, nakatitig lamang siya sa kaniyang mister at luha ang sumagot dito. Mabilis siyang tumayo para lumuhod sa kaniyang asawa.

“Patawarin mo ako, Marco, patawarin mo ako. ‘Wag mong idamay si Richi, walang kinalaman ang bata. Pagkakamali ko iyon, kasalanan ko. Kung gusto mong makipaghiwalay sa akin, tatanggapin ko. Pero hangga’t maaari, ayusin natin ang lahat para sa mga bata,” paliwanag kaagad ni Nina sa lalaki kasabay ng kaniyang mga luha at pagmamakaawa sa lalaki.

“Babe, tumayo ka riyan. Hindi mo kailangan magmakaawa sa akin. Kailangan lang natin mag-usap,” kalmadong wika ni Marco saka inalalayan si Nina at pina-upo ito sa gilid ng kama.

“Alam ko, alam kong napakasama kong babae sa narinig mo o sa kung ano man ang nalaman mo. Nung nagcool-off tayo ng ilang buwan ay nagkaroon kami ng relasyon ni Steeve pero, sh*t! It was a big mistake! Alam ko, alam kong dapat dati pa lang sinabi ko na sa’yo ‘to pero natatakot ako. Natatakot akong iwan mo ako, natatakot akong mawala ka. Patawarin mo ako, Marco, pero baka hindi ikaw ang tatay ng panganay natin. Hindi ako sigurado, kaya umiiwas ako, kaya kinakalimutan ko na ang nakaraan para lang maisalba ko ‘yung tayo. ‘Yung pamilya natin,” iyak ni Nina sa kaniyang asawa.

Tahimik at hindi nagsalita si Marco sa kaniyang narinig kaya mas lalo pang naiyak si Nina sa kaniyang kinauupan. Hindi niya inaasahan na mangyayari ito sa kaniya. Pinangako niyang ibabaon ang sikretong iyon hanggang sa kabilang buhay ngunit ito na ang araw na sisira sa pamilyang mayroon siya ngayon.

“Matagal ko ng alam ang lahat, Nina,” saad ni Marco sa kaniya.

“Nung nabuntis ka at nagkabalikan na tayo ulit, kinausap ako ni Steeve, sinabi niya sa akin ang lahat at hindi ako naniwala. Natakot ako, oo. Pero hindi ko naisip na ipagpalit ka sa isang pagkakamali. Kung magkaka-anak ka man sa kaniya at ako pa rin ang pipiliin mo’y tatanggapin ko. Kaya naghintay ako, naghintay akong magsabi ka sa akin. Kaya lang, sa nakikita ko, hindi na ikaw ang masayang Nina na nakilala ko. Nabubuhay ka sa takot, hindi mo kailangan matakot, Nina. Tanggap kita at mga pagkakamali mo, pagkakamali natin. Hindi nabawasan ang pagmamahal ko para sa’yo, para sa pamilya natin,” paliwanag pang muli ni Marco sa kaniya.

Hindi lamang liwanag ang nakita ni Nina sa pagkakataong iyon kung hindi isang tinik na nabunot mula sa kaniyang puso. Mabilis niyang niyakap ang kaniyang mister at humingi ang dalawa ng patawad sa isa’t-isa.

Sa kabilang banda naman, nagpa-DNA test sila para sa kanilang panganay at pumanig pa rin sa kanila ang Diyos dahil si Marco ang tatay ng bata. Natatakot noon si Nina na gawin ito dahil hindi niya alam kung ano ang susunod na mangyayari kung hindi man si Marco ang ama. Ngunit ngayong nabunot na ang lahat ng tinik sa kaniyang nakaraan ay makakapamuhay na siya ng matiwasay sa kasalukuyan.

Maitatago nga siguro natin ang isang lihim ngunit kasama nito ang pangamba na baka isang umaga sumabog na lang ang lahat. Kaya mas piliin natin mabuhay sa katotohanan at tanggapin ang lahat ng kaakibat nito.

Advertisement