
Ang Chismosang Kapitbahay
Kilalang talamak na chismosa sa kanilang barangay si Aling Chona. Siya ang patunay sa katagang may tenga ang lupa at may pakpak ang balita. Ang isang chismis ay kayang lumaganap sa buong barangay sa pamamagitan lamang ni Aling Chona, kaya binansagan siyang “News Caster ng Barangay.”
“Alam na ba ninyo ang chikka?” nagmadadaling tanong ni Chona sa kaniyang mga kumare.
“O Chona, tila yata ‘di ka pa nagsisipilyo o nagmumumog man lang, may chismis ka na agad?” natatawang puna naman ng isa niyang kaibigan.
“Magkakaroon na daw ng lockdown dito sa barangay natin, dahil sa kumakalat na virus,” tila ba hinahabol ng kabayo na sabi ng ale.
“Parang naulanigan ko nga iyon. Ano naman kung magkaroon ng lockdown?” tanong ng isa pang babae.
“Si Arman kasi, yung asawa ni Milet, naiwan doon sa Maynila, at alam niyo ba ang matindi rito? Kasama ang kabit na na-lockdown doon! Aba, etong si Milet halos mabaliw na! Paano pa siya makakapunta doon upang sumugod gayong pati tayo lockdown na rin, ‘di ba?” sabik na sabik na kwento ng aleng chismosa.
“Nako, malaman nga iyang chismis mo ngayon! Ano nang mangyayari kay Milet niyan?”
“Ang balita ko, uuwi pa rin si Arman. May kakilala daw kasi doon na pwedeng tumulong. Aba, lagi akong magbabantay para malaman natin ang mangyayari. Malaking iskandalo ito ‘pag nagkataon!” natatawang sabi pa ni Chona.
Kinabukasan, nag-anunsyo na ang kanilang barangay na magkakaroon na ng lockdown sa kanilang lugar upang maiwasan ang pagkalat ng nakakatakot na sakit. Ipinagbabawal na ang paglabas-labas pwera na lamang kung mayroong emergency o kinakailangan talaga.
Dahil sa likas na kachismosahan, ilang araw pa lang ang nakalilipas ay hindi na kinaya ni Aling Chona ang pananatili sa loob ng tahanan. Lalo na noong mabalitaan niyang parating ang kapitbahay na si Arman.
Nakarinig ang ale ng sigawan sa malapit. Naging magandang tunog ito sa kanyang tenga, kaya’t walang pag-aatubili siyang lumabas upang makichismis.
“Aba, si Arman iyon ah? Tunay ngang umuwi siya. Teka nga at lalapit ako nang marinig ko nang malinaw,” alam ng ale na makatas itong chismis na ito pag nagkataon.
“Milet, patawarin na ninyo ako! Papasukin niyo na ako sa loob. Para niyo nang awa!” sigaw ng lalaki.
Lumapit ang ale sa lalaki at ito’y kinausap. “Arman, nariyan ka pala? Anong nangyari? Bakit ka sumisigaw rito?” pag-uusisa ni Chona na kunwari’y walang alam.
“Ah wala ho. Problemang pamilya lang,” tugon naman ng lalaki na tila ba’y hindi maayos ang pakiramdam at uubo-ubo.
“Nako, sana ay makapasok ka na. Bakit ka nga ba ayaw papasukin ng asawa mo? May nagawa ka ba?” tanong muli ng ale.
Umubo ng isa ang lalaki at saka nagsalita. “Aling Chona, mas okay siguro kung buhay ninyo ang pakialaman niyo. Hindi yung para kang journalist na kumukuha ng impormasyong maibabalita rito!” galit na sabi ng lalaki na ilang saglit pa ay nawalan na ng malay. Buti ay may tanod na dumating upang tulungan ang lalaki at madala sa ospital.
Si Chona naman ay nagbaybay sa mga bahay ng kaniyang kachismisan at doon ay maligayang ikinuwento ang nakita. Eksaherada nitong kinuwento na nagmamakaawa daw ang lalaki na papasukin, ngunit pinagsasampal daw ito ng asawa, dahil sa panloloko at hindi kinaya ang sama ng loob kaya hinimatay ito at dinala sa ospital. Isang bagay na wala naman talagang katotohanan.
“Aba, Aling Chona, frontliner ka rin ba? Bakit ka nandito sa labas? Alam mo nang bawal na yung pagala-gala, hindi ba?” puna naman ng isang barangay tanod.
“Eh ano ba naman yung lumabas minsan. Buryong-buryo na ako sa bahay namin. At saka trangkaso lang naman iyang virus na iyan. Walang dapat ikatakot!” kampanteng sabi pa ng ale.
“Eh mawalang galang na po Aling Chona, paglabag sa panukala ang ginagawa ninyo. Pwede kayong makasuhan. At saka maging maingat na lamang kayo, dahil baka pamilya niyo o mga kaibigan niyo ang mahawa sa pagiging pabaya niyo. Papalagpasin ko iyan ngayon, pero ikukulong na namin kayo pag nakita namin na lumabag kayo!” pananakot pa ng tanod.
“Nako! Masyado lang pinapalala ng media ‘yang virus na iyan! Nagpapaniwala kayo. Bahala nga kayo d’yan!” nagmamataas pang umalis ang babae.
Kinabukasan, hindi makabangon si Chona sa kinahihigaan. Sobrang sakit ng ulo niya at tila ba nanlalambot at masakit ang lalamunan, ngunit isang text message ang kanyang natanggap mula sa kumare. May mainit na chismis daw.
Sinubukan ni Chona na lumabas at magbahay-bahay sa mga kachismisan upang malaman ang mga ito. Sa kanilang lihim na pagkukumpulan, tila ba binuhusan ng malamig na tubig si Chona nang marinig ang balita: Positibo si Arman sa lumalaganap na sakit.
Napalunok ang ale at tila ba nawala panandalian sa ulirat. Nakahalubilo niya si Arman noong siyang sumasagap ng chismis na maibabalita. Ilang beses din itong umubo sa kanyang harapan ng malapitan.
Pagkauwi’y halos masuka si Chona dahil sa sama ng pakiramdam. Halu-halong kaba, pangamba at takot ang kanyang biglaang nadama.
Kinabukasa’y inaapoy na siya ng lagnat at tila ba hirap nang huminga. Kasunod nito ang matitigas na ubo na sinamahan pa ng masakit na lalamunan.
Agad na dinala si Chona sa ospital upang maipasuri. Hinihinalang positibo rin siya sa virus. Kaya’t nagsagawa ng mabilisang pagsusuri. Makalipas ang ilang araw, lumabas ang resulta, positibo rin siya.
Lumala ang kanyang kondisyon at tila ba malalagutan na ng hininga sa sobrang hirap na dinaranas. Ang sinasabi niya noong trangkaso lamang ay halos sampung beses na mas matindi kaysa sa normal na lagnat at ubo’t sipon. Napapahiya na rin siya dahil sa kapapalit ng salawal, dahil hindi niya mapigilang mapaihi sa sobrang hirap sa pag ubo.
Ang masakit pa rito, nabalitaan tumaas ang kaso ng positibo sa virus sa kanilang barangay at ang salarin ay si Aling Chona rin. Dahil sa ginawang niyang pakikipagchismisan kahit na bawal, lagpas isang daan ang kaso sa kanila ng virus sa kanilang barangay. At halos isang daan pa ang iniimbestigahan. Ang ilan sa kaniyang mga kakilala at kumare ay pumanaw na dahil hindi nakayanan ng katawan.
Kaya’t pagkalabas ng ale sa ospital, hindi niya magawang maging masaya dahil sa kaniyang paggaling dahil patong-patong na kaso ang kaniyang kakaharapin.
Ang pagkawalang disiplina at kamang-kamangan sa mga nangyayari ang nagdulot ng malaking kapahamakan sa kaniya at sa kanilang buong barangay. Maraming buhay ang nawala at marami pang naapektuhan, dahil lamang ayaw niyang manatili sa loob ng tahanan. Ang kaniyang kachismosahan ang naging dahilan upang mauwi siya sa loob ng kulungan.
Matuto tayong sumunod sa utos ng pamahalaan upang mapangalagaan ang ating sarili, mga mahal sa buhay at kapwa tao. Ang pagbabago ay magsisimula sa pagdidisiplina natin sa ating mga sarili.