Inday TrendingInday Trending
Saradong Pag-iisip

Saradong Pag-iisip

“Papa! Bakit may bagong laptop si Ate Desay? Ako nga selpon lang yung hinihingi ko hindi mo mabigay!” daing ni Mariel sa kaniyang ama nang minsang makita ang bagong biling laptop ng nakatatandang kapatid.

“Kailangan niya kasi yon sa pag-aaral, alam mo namang nasa ikaapat na taon na ‘yon sa kolehiyo at maraming kailangang ipasang dokumento para makatapos. Naaawa na ako sa ate mo na ginagabi palagi sa kompyuter-an,” paliwanag naman ng kaniyang ama ngunit imbis na unawain, lalo pa siyang nagalit.

“Eh, sa akin, hindi ka ba naaawa? Pinagtatawanan na ako ng mga kaklase ko dahil sa selpon kong pwedeng pantaching!” sigaw niya saka bahagyang hinagis ang kaniyang selpong pinaglumaan pa ng kaniyang ate.

“‘Nak, pasenya na. Hayaan mo, mag-iipon ulit ako lang bili naman ng selpon mo,” pangungumbinsi ng ama sa kaniya.

“Ilang beses mo nang sinabi sa akin ‘yan, papa?!” bulyaw niya saka lumabas ng bahay. Pilit pa siyang tinawag ng kaniyang ama ngunit hindi niya ito inintindi’t patuloy sa paglalakad.

Laki sa puder ng ama ang dalagang si Mariel. Bata pa lamang siya noong magpasiyang maghiwalay ang kaniyang mga magulang dahil sumama na sa ibang lalaki ang kaniyang ina. Sa murang edad, namulat na siya sa kahirapan ng tadhana.

Pilit na tinugunan ng kanilang ama ang pangangailangan nilang magkapatid. Magmula sa mga diapers na kailangan nila noon hanggang sa matrikula nila sa kolehiyo ngayon, halos gumapang ang kanilang ama mabigyan lamang sila ng kani-kanilang mga pangangailangan.

Ngunit tila ganoon siya palaging nakakaramdam ng selos sa kaniyang kapatid. Madalas kasi itong pinapaburan ng kaniyang ama o malimit na binibigyang atensyon kumpara sa kaniya. Pinapaliwanagan naman siya nito ngunit sarado ang isip niya sa nararamdaman at nakikita niya lamang.

Noong araw na ‘yon, hindi siya umuwi sa kanilang bahay. Dumiretso siya sa bahay ng kaniyang kaibigan at doon nagpalipas ng gabi. Ganoon na lang ang sama ng kaniyang loob. Nagsama-sama na lahat ng negatibong emosyong naninirahan sa puso’t isip niya dahilan upang yayain niyang mag-inom ang kaniyang kaibigan. ‘Ika niya, “Wala naman silang pakialam sa akin, eh, hindi tulad ng alak, binubura niya lahat ng masasamang alaala kahit pa sa maigsing sandali.”

Nag-inuman nga sila ng kaniyang kaibigan. Nalasing siya at tila kinabukasan na ng tanghali nagpasiyang umuwi sa kanila. Pagdating niya sa kanilang bahay, nadatnan niyang naghihintay sa kanilang pintuan ang kaniyang kapatid.

“Bakit nandito ang paboritong anak? Wala ka bang klase ngayon?” mataray niyang sambit dito.

“Meron, pero hindi ako pumasok. Si papa kasi, simula noong umalis ka, umalis rin siya para hanapin ka, pero hanggang ngayon, hindi pa umuuwi,” mangiyakngiyak nitong sambit.

“Naku, baka nandoon lang ‘yon sa kumpare niya!” tugon niya dito ngunit nagulat siya nang biglang tumunog ang selpong inihagis niya kahapon. Agad niya itong hinanap at nang makita niya ito sa ilalim ng kanilang sofa, agad niya itong dinampot at sinagot ang tawag.

“Kung sino man po ‘to, bigla na lang pong tumumba ang may-ari ng cellphone na ito, nasa ospital po kami….” hindi na niya tinapos ang sasabihin nito. Agad na siyang nakaramdam ng kaba’t pagkakonsensiya. Hinila niya ang kaniyang kapatid at nagpunta sila sa pinakamalapit na ospital.

Nadatnan niyang hinang-hina ang kaniyang ama ngunit nang makita siya nito, pilit itong tumayo sa kaniyang higaan. Agad siyang lumapit dito’t yumakap ng mahigpit. “Pasensya ka na, papa,” hikbi niya, naramdaman niya naman ang mga luha ng kaniyang amang dumampi sa kaniyang balikat.

Doon niya nalamang sinuyod pala ng nito ang buong lalawigan para lamang makita siya nang walang kain o tubig sa kadahilanang wala na itong pera. ‘Ika nito, “Hindi talaga ako gumastos kahit pamasahe, may bagay kasi akong pinag-iipunan para sa prinsesa ko,” na talaga nga namang nakapagpabagsak ng kaniyang luha.

Tila napagtanto niya sa pagkakataong ‘yon kung gaano siya kamahal ng kaniyang ama na kahit anong hirap, titiisin nito maibigay lang ang inaasam niya. Napaisip rin siyang mali ang kaniyang ginawang pagseselos sa kapatid dahil kung tutuusin, luho lang ang nais niya habang kinakailangan ng kaniyang kapatid para sa pag-aaral ang hiniling nito sa ama.

Simula noong araw na ‘yon, sinabi niya sa kaniyang ama na ayaw na niya ng bagong selpon. ‘Ika niya pa, “Idagdag niyo na lamang po ang naipon niyong pera para sa mga gastusin natin dito sa bahay o kung hindi naman, itabi niyo na lang po pandagdag sa pang-OJT ni ate,” na talaga nga namang nakapagpangiti sa kaniyang ama.

Simula noon, binuksan na ni Mariel ang kaniyang pag-iisip sa katotohanan na hindi sila mayaman upang maibigay ng kaniyang ama lahat ng kaniyang luho. Labis na niya ngayong naiintindihang ang pagmamahal ng kaniyang ama’y hindi matutumbasan ng anumang materyal na bagay dahil ito’y puro’t walang katumbas.

Hindi na rin siya nakaramdam ng pagseselos sa kapatid, bagkus naging mapagbigay pa siya dito. ‘Ika niya, “Kung dati ko pa sana binuksan ang isip ko, siguro, nasulit ko ang aking buhay.”

Hindi mo talaga maiintindihan ang buhay kung sarado ang isip mo sa mga nakikita’t nararamdaman mo lamang. Subukan mong buksan ang iyong isipan sa lahat ng bagay, emosyonal na tagumpay ang iyong makakamtan. Hindi rin nararapat ng kuwestiyunin ang pagmamahal ng isang magulang, tandaan, walang sinumang magulang ang hindi nais mahalin ang kaniyang anak.

Advertisement