
Ang Akto ng Pagsisisi ni Lino
“Esteban, may dalaw ka.”
Napalingon ang tinawag na presong si Lino Esteban, 45 taong gulang, sa warden na tumawag sa kaniyang pangalan. Bumangon si Lino mula sa pagkakahiga. Inilabas ang nakatagong piraso ng salaming basag at sinilip ang sariling repleksyon. Gusto niyang ihagis ang salamin. Hindi niya gusto ang repleksyong nakita niya. Bukod sa mahaba na ang kaniyang balbas at malago na ang tubo ng kaniyang bigote, hindi pa rin nawawala ang lamlam ng kaniyang mga mata. Mga matang nawalan ng ningning simula nang makulong siya sa malaking pagkakasalang kaniyang ginawa.
“Buti pa ‘to may dalaw eh. Pahingi namang pagkain ah,” komento ni Bagwis, ang kakosa niyang nakulong dahil sa estafa. Ito ang mayor nila sa loob. Noong una, salbahe ito kay Lino subalit nahilot naman dahil na rin sa pakikisama. Kailangan ding mag-intrega rito ng 500 piso kada buwan para hindi siya pagdiskitahan.
Hindi pa man nakakaupo si Lino ay sinalubong na siya ng anak na dalagang si Pamela, 20 taong gulang, at kaisa-isa niyang anak. Mali. Dapat dalawa. Kung hindi lamang sumakabilang buhay ang pangalawa nila, pati ang kaniyang asawang nanganak, na naging dahilan kung bakit niya nap*tay ang doktor na nagpaanak dito, na naging dahilan naman ng kaniyang pagkakakulong, sana ay dalawa ang kaniyang mga anak. Sana. Sana…
“Maupo nga tayo… ikaw talaga anak, na-miss mo na naman ako..” aya ni Lino sa kaniyang anak. Naupo naman si Pamela habang nagpapahid ng luha sa mga mata. Napansin niya ang malungkot na awra ng anak.
“Kumusta ka naman, anak? Nakakakain ka ba nang maayos? Kumusta ang trabaho mo?” nag-aalalang untag ni Lino sa anak. Apat na taon na siyang nakakulong dahil sa salang pagp*tay sa doktor na nagpaanak sa kaniyang asawa.
“Ikaw ang kumusta, Pa? Parang napapabayaan ka rito. Kumakain ka ba nang maayos?” naiiyak na namang tanong ni Pamela sa ama.
Nababagbag ang damdamin ni Lino kapag nakikita niyang umiiyak ang kaniyang anak, na sana ay kasama niya ngayon, subalit dahil sa kaniyang hindi mapigilang pagtitimpi, ay nakagawa siya ng pagkakamali. Heto siya ngayon sa piitan, nagdurusa.
Matapos ang ilang kumustahan, umalis na rin si Pamela dahil tapos na ang visiting hours. Bumalik na rin si Lino sa kaniyang selda. Matapos pakainin si Bagwis at magbigay ng intrega rito, nahiga na ulit si Lino sa kaniyang puwesto. Ipinikit niya ang kaniyang mga mata. Tumatakbo sa kaniyang balintataw ang pagsisisi sa kasalanang nagawa. Alam ng Diyos, hindi siya masamang tao. Lumaki siyang mahirap subalit marangal.
Pagtutubero ang ikinabubuhay niya, at kung minsan, umeekstra sa pagkakarpintero. Masaya silang namumuhay noon ng kaniyang asawa at ang anak na si Pamela. Hanggang sa magbuntis ang kaniyang asawa. Muling nabuhayan ng loob at inspirasyon sa buhay si Lino. Subalit nasira iyon nang aksidenteng magdilim ang kaniyang paningin at map*tay ang doktor na tumangging paanakin ang kaniyang misis dahil wala silang pambayad sa ospital. Malaking liyabe de tubo na ginagamit niya sa trabaho ang pinanghampas niya sa ulo ng doktor, na na-comatose, at binawian rin ng buhay pagkaraan.
Ginawa ng pamilya ng doktor ang lahat ng kanilang makakaya upang makamit ang hustisya. Hindi naman tumanggi si Lino. Aminado naman siya sa kasalanang kaniyang ginawa. Sa totoo lamang, hindi niya alam kung bakit niya nagawa ang bagay na iyon. May problema sa pagtitimpi si Lino, na kaniyang napaglabanan na noon. Panghabambuhay na pagkakakulong ang naging kaparusahan para kay Lino.
Hindi naging madali para kay Lino ang sitwasyong kaniyang kinalalagyan, lalo pa’t hindi naman talaga siya masamang tao. Naging biktima siya ng kahirapan at hindi pantay na pagtingin ng lipunan sa pagitan ng mayaman at mahirap. Sa kaniyang puso, sising-sisi siya sa kaniyang ginawa. Malungkot siya, hindi lang dahil sa hindi na niya makakasama ang pamilya, kundi para sa pamilya rin ng doktor na kaniyang pin*slang. Gusto niyang bumawi sa kanila, subalit hindi niya alam kung paano magsisimula, at sa kung paanong paraan.
Makalipas ang ilang buwan, nalimitahan ang pagtanggap sa mga dalaw dahil umano sa isang outbreak na nangyayari sa labas. Panay rin ang linis sa bawat selda at sa buong bilangguan upang hindi umano sila mahawa ng mapamuksang virus. Pinaghiwa-hiwalay rin sila ng mga selda at pinagbawalan ang pagpapangkat upang hindi magkawahan. Binigyan rin sila ng face mask at alcohol. Nabalitaan ni Lino na kinakapos na umano ng mga medical gears ang mga doktor, kaya kinausap niya ang kanilang warden, at nagmungkahi siyang gumawa ng mga improvised face masks na maaari nilang ipamahagi sa mga doktor. Ipinarating naman ito ng warden sa pamunuan, at pumayag silang gawin ito.
Pinangunahan ni Lino ang paggawa ng mga improvised face masks para sa mga doktor na sumasagupa sa panganib at banta ng sakit. Ito ang naisip na paraan ni Lino upang makabawi, hindi man lamang sa pamilya ng doktor na kaniyang napaslang, kundi sa lahat ng doktor na itinuturing na mga bayani sa panahon ng banta ng kalusugan.