Inday TrendingInday Trending
Aral ng Pagpag

Aral ng Pagpag

Limampung piso na ang kinita ni Jossie mula sa panlilimos nang hapong ʼyon. Tamang-tama, may isang takal pa ng bigas siyang natira mula sa binili niya kahapon nang kumita naman siya sa pangangalakal ng plastik at bote.

“Isang kilo nga ho ng pagpag!”

Nakangiting iniabot ng labing pitong taong gulang na bata ang beinte pesos niyang barya kay Aling Pat na siyang kilalang bagsakan ng pagpag mula sa ibaʼt ibang fastfood chains na malapit sa lugar nila.

Upang maitawid ang gutom ay bumibili si Jossie ng pagpag kay Aling Pat upang ulamin. Hindi naman na siya nandidiri kahit pa alam niyang tira-tira na iyon ng ibang tao, dahil wala naman siyang ibang pagpipilian dahil iyon lang ang kaya ng kaniyang bulsa. Ginagawan na lamang ni Jossie ng paraan upang kahit papaanoʼy hindi niya maisip na galing sa tira ng ibang tao ang kaniyang kinakain. Sinasarapan niya ang kaniyang pagluluto.

Nang makauwi ng tahanan ay inihanda na ni Jossie ang kaniyang mga kakailanganing rekado. Bawang, sibuyas, asin at iyong tig-aapat na pisong pampalasang nabibili sa tindahan. Bumili rin siya ng tigpipisong dahon ng laurel, pati na rin toyo at sukang tingi.

Humalimuyak ang mabangong amoy ng putaheng iginigisa ni Jossie—adobo. Maya-maya pa ay nakasilip na sa butas ng kaniyang tabing na trapal ang anak ng kapitbahay niya. Si Ineng ito kung tawagin nila.

“Ate Jossie, ang bango naman ng iniluluto mo!” sisinghot-singhot na komento ni Ineng habang nakatayo sa labas ng kaniyang nagsisilbing tahanan.

“Oh, Ineng, ikaw palaʼy nandiyan. Kumain ka na ba?” tanong niya sa bata habang kasalukuyan na niyang isinasalin ang pagpag sa kawali.

“Hindi pa nga, Ate Jossie, e. Wala pa kasi sina tatay.” Hihimas-himas pa sa kaniyang tiyan si Ineng.

“Oh, siya, halika na at makiupo ka na rito sa hapag ko. Saluhan mo na ako, tamang-tama at nakasaing na rin ako,” alok naman ni Jossie sa nagugutom na bata. Sabik naman itong sumunod sa kaniyang utos.

“Wow! Grabe, sobrang sarap mo talagang magluto, Ate Jossie! Kahit pagpag lang ʼtong kinakain natin, feeling ko sa restawran ako kumakain!” ganadong-ganadong reaksyon ni Ineng sa unang subo pa lamang nito ng adobo ni Jossie.

“Ganoon talaga, Ineng. Iyan ang aral ng pagpag para sa akin. Kapag ikaw ay kapos, matuto kang gumawa ng paraan para pagyamanin ang kung ano lang ang meron ka, nang sa gayon ay hindi ka malugmok sa kakahintay na magkaroon ka ng mga bagay na wala ka,” pangangaral ni Jossie sa batang sunod-sunod na ngayon ang pagsubo.

“Ate, ‘di baʼt malapit ka nang mag-disiotso? Baka gusto mo nga palang mag-apply sa karinderya ni Tiya Glenda. Naghahanap kasi sila ng isa pang kakatulungin doon bukod sa akin, kasi balak nilang ipuwesto sa kusina,” maya-maya ay biglang suhestiyon ng labinlimang taong gulang na si Ineng sa kaniya.

Agad namang pumayag si Jossie sa alok na iyon ni Ineng dahil kailangan niya ng trabaho…at doon na nagsimulang mas makilala ang galing ni Jossie sa pagluluto!

Simula nang magtrabaho si Jossie sa karinderya ay talaga namang lumakas ang kita nʼon dahil dinayo sila nang maraming kostumer. Hinahanap-hanap ng mga ito ang sarap ng mga luto ni Jossie, na lingid sa kanilang kaalaman ay nahasa lang naman dahil sa pagluluto ng pagpag.

“Napakasarap talaga ng mga luto dito sa karinderyang ʼto. Nagtapos ba ng pag-aaral ʼyang si Jossie? Abaʼy malayo ang mararating ng batang ʼyan!” minsan ay narinig niyang sabi ng isa sa kanilang mga suking kostumer.

“Naku, suki, sinabi mo pa! Iyang si Jossie ang suwerte dito sa negosyo ko. Talent niya talaga ang pagluluto kahit ‘di siya nakapag-aral,” ang sagot naman ng kaniyang amo.

Dahil doon, nagpasiya si Jossie na mag-enrol sa isang vocational school upang lalo siyang magkaroon ng ideya sa pagiging kusinera. Doon niya rin naisipang magtayo ng sarili niyang negosyo, katuwang ang dati niyang among si Tiya Glenda na kalaunan ay naging kapamilya na rin kung ituring siya.

Lumago ang kanilang negosyong restawran. Napaaral din ni Jossie si Ineng, dahil tinatanaw niyang utang na loob dito ang kinalalagyan sa kasalukuyan.

Ngayon nga ay masagana na ang buhay ni Jossie. Kilala na siya bilang dati lamang pulubi, ngunit ngayon ay milyonarya na. Ang lahat ng iyon ay dahil sa aral ng pagpag na isinapuso at isinaisip ng dalaga.

Advertisement