Ang Magandang Hardin

Sa isla ng Baybay ay tahimik na naninirahan ang mga tao na ang pangunahing ikinabubuhay ay ang pangingisda. Maituturing na suwerte sa kanila ang mga yamang dagat dahil ang iba sa kanila ay umasenso ang buhay dahil lamang sa pangingisda.

Isa sa mga nakatira sa nasabing isla ang isang matandang babae na ang pangalan ay Aling Henia. Malapit ang matanda sa mga taga-isla dahil sa kabaitan nitong taglay. Kilalang matulungin at may mabuting loob si Aling Henia. Kapag may mga nangangailagan ng tulong ay hindi ito nagdadalawang-isip na tumulong kaya bukambibig siya ng kaniyang mga kapitbahay.

“Napakabuting tao talaga ni Tandang Henya. Biruin mo nangutang sa kaniya si Aling Luna ng sampung libo ay agad naman siyang pinautang,” wika ni Mang Igme.

“Kahit nga si Mang Pedring ay binigyan ng kapirasong lupa noong pineste ang taniman niya. At hindi talaga nag-alinlangan si Aling Henya na ibigay ang parte ng kanyang lupang taniman para sa kawawang matanda,” saad pa ni Lagring.

“Sadyang mapagbigay talaga iyang si Aling Henya kaya malapit ang loob ng ating mga kapitbahay sa kanya at napaka-makatao pa!” dagdag pa ni Mang Dado.

Bukod sa magagandang katangian ng matandang babae ay mayroon din siyang magandang hardin ng mga bulaklak sa tabi ng kanyang bahay sa paanan ng bundok. Panay rin ang dagsa sa kanya ng mga kapitbahay niya lalo na ang mga mangingisda sa isla kasama ang kani-kanilang mga pamilya upang magbigay ng mga bagong huling isda kapalit ng ilang magaganda at mababangong bulaklak mula sa kanyang hardin.

“Magandang araw Aling Henya! Narito po ang mga huli kong isda. Maaari po bang maipagpalit ito sa ilang magagandang bulaklak sa inyong hardin? Ibibigay ko sana sa aking minamahal na maybahay dahil ngayon ang kanyang kaarawan,” sabi ng isang mangingisda.

“Naku, kung ibibigay mo pala sa iyong asawa ay libre ko nang ibibigay sa iyo. Iuwi mo na iyang mga dala mong isda. Halika at mamili ka kung anong mga bulaklak ang gusto mong ibigay sa kanya!” yaya ng matanda.

Advertisement

Naniniwala rin ang mga taga-isla Baybay na mayroong angking kapangyarihan ang matandang babae dahil sa palaging nagliliwanag ang kapaligiran ng hardin nito at kung minsan ay may nakikita silang magagandang babae na parang mga diwata at maliliit na tao na nagbabantay sa hardin sa tuwing sasapit ang hatinggabi. Sa isip nila ay iyon ang mga naiibang nilalang na kaibigan ni Aling Henya na nagbabantay at nag-aalaga sa mga tanim nitong mga bulaklak. Kapag sinusubukan naman nilang tanungin ang matanda ay sinasabi nito na wala itong nalalaman at wala naman itong nakikitang kung anuman sa hardin nito.

Ngunit isang araw ay may mag-asawa na bumisita sa kanilang isla. Ito ay sina Luis at Mariet. Sila ay nagmula pa sa Maynila na naisipang magbakasyon sa isla ng Baybay. Hindi nakaligtas sa kanilang mga mata ang napakagandang hardin ni Aling Henya.

“Labs tingnan mo kay gaganda ng bulaklak sa hardin na iyon! Tara at mamitas tayo ng mga bulaklak,” yaya ni Mariet sa asawa.

“Oo nga ‘no! Kakaiba ang mga bulaklak na tanim. Walang ganyang uri ng mga bulaklak sa Maynila,” wika naman ni Luis.

Nagmamadali silang pumasok sa loob ng hardin at namitas ng mga bulaklak na walang pahintulot.

“Tingnan mo ang lalaki at ang pupula ng mga bulaklak!” nakangising sabi ng babae.

Maya-maya ay nakita sila ni Aling Henya.

“Sino kayo at ano ang ginagawa ninyo sa aking hardin?” mahinahon nitong tanong.

Advertisement

“Ikaw ba ang may-ari ng hardin na ito? Aba at parang ayokong maniwala. Isang matandang hukluban ay nagmamay-ari ng ganitong kagandang hardin?” pang-iinsultong tanong ni Mariet.

“At namitas pa kayo ng mga bulaklak na walang pahintulot? Hindi ako madamot sa aking mga bulaklak pero sana naman ay nagpaalam kayo nang maayos sa akin bago kayo kumuha ng mga bulaklak sa aking hardin,” mahinahon pa ring wika ng matanda.

Imbes na pakinggan ay tila walang narinig ang mag-asawa at itinuloy ang pamimitas ng mga bulaklak.

“Nakikiusap ako sa inyong dalawa na umalis na sa aking hardin!” sabi ni Aling Henya na may halong pagbabanta.

Ngunit wala pa ring narinig ang dalawa at nagtatawanan pa habang namimitas ng maibigang bulaklak.

Hindi na nakapagpigil pa ang matandang babae at itinaas nito ang dalawang kamay at ikinumpas sa hangin. May inusal din itong tila dasal na kung papakinggan ay hindi maiintindihan ng sinuman. Unti-unting nagliwanag ang mga kamay ni Aling Henya at nang muli niyang ikumpas ang mga ito ay nabalot ng usok ang buong paligid. Sa isang iglap, ang mag-asawang Luis at Mariet ay naging mga kulisap.

“A-anong nangyari sa atin? Bakit tayo nagkaganito?” mangiyak-ngiyak na sabi ni Mariet.

“Maawa na po kayo sa amin, ibalik niyo kami sa dati naming anyo!” pakisuap naman ni Luis.

Advertisement

“Kung nakinig lamang kayo sa akin ay hindi ko kayo paparusahan. Pagdudusahan ninyo ang inyong ginawa,” tanging nasambit ni Aling Henya na isa palang diwata.

Dahil sa kalapastanganan ng dalawa ay ginawa silang mga kulisap ng matanda para bigyan ng leksyon.

Mula noon ay palagi nang nakikita ng mga taga-isla Babay ang dalawang naiibang kulisap na aali-aligid sa magandang hardin ni Aling Henya.