
Tuwang-tuwa ang Ginoong Ito Nang Manligaw ang Isang Mayamang Negosiyante sa Kaniyang Anak, Hindi Niya Inakala ang Tunay na Pagkatao Nito
“Tama ba ang rinig ko sa sinabi ng anak natin, mahal? Isang mayamang negosiyante raw ang manliligaw niyang ‘yan?” tanong ni Ariel sa kaniyang asawa habang pasimpleng tinuturo ang binatang pinakilala ng kanilang bunsong anak, isang umaga habang ito’y masayang kumakain ng almusal kasama ang kanilang anak.
“Oo, mahal! Sabi pa nga ng anak natin sa akin, gusto raw niyan na pakasalan na agad siya at isama tayong lahat sa States!” bulong ng kaniyang asawa saka siya niyakag na magtungo sa likod bahay upang huwag sila marinig nito.
“Diyos ko! Nanaginip ba ako? Sobra-sobrang biyaya naman yata ito! Mukhang sinuwerte na talaga ang anak natin! Sana magpakasal na siya agad para maging maalwan na ang buhay natin!” masaya niyang sagot, kitang-kita sa kaniyang mga mata ang labis na kasiyahan.
“Sabi ko nga sa kaniya, huwag nang paghintayin at baka mainip! Sayang naman ang binatang ‘yan kung hindi makakasal sa anak natin!” wika pa nito.
“Sinabi mo na pa, mahal, ngayon lang kaya ako nakahawak ng limang libong pisong hindi tumutulo ang pawis ko!” tugon niya saka dinukot ang perang bigay nito nang paghainan niya ito ng almusal.
“Oo nga, eh, tapos sa isang linggo, magpupunta pa tayong Boracay! Ang tagal kong pinangarap ang buhay na ‘to!” sigaw ng kaniyang asawa saka kumandirit.
“Ako rin, mahal!” tugon niya saka nagtatalon-talon na para bang nanalo sa lotto.
Payak at simple lamang ang buhay probinsyang kinalakihan ng padre de pamilyang si Ariel. Hanggang siya’y magkaroon ng sariling pamilya, dala-dala niya ang ganitong klaseng buhay na basta sila’y may maihain lang sa hapag-kainan, kahit pa kanin at tuyo o kape lang, masaya na silang magsasalu-salo ng kaniyang mag-iina.
Isa siyang magsasaka dahilan upang maituring niyang sila’y nabibilang sa mga pamilyang isang kahid, isang tuka, sa araw-araw. Hindi naman kasi kalakihan ang kinikita niya araw-araw, lalo na’t maliit lang ang palitan ng pera at bigas sa kanilang bayan.
Ngunit kahit pa ganoon, hindi ito naging hadlang upang sumuko siya sa buhay. Kahit na may katandaan na, nangangarap pa rin siyang isang araw, iikot ang kanilang mundo at sila’y makakaranas ng maalwang buhay.
Kaya naman, nang ipakilala ng kanilang anak ang manliligaw nitong hindi umano’y isa raw na mayamang negosiyante sa Maynila, ganoon na lamang ang tuwa niya.
Todo asikaso sila ng kaniyang asawa rito, pinag-iinitan niya ito ng tubig panligo sa umaga at gabi habang palagi naman itong tinitimplahan ng kape ng kaniyang asawa na labis na ikinatutuwa nito dahilan upang palagi silang abutan ng pera na labis naman din nilang ikinatutuwa.
Lalo pa siyang natuwa sa binatang ito nang yayain sila nitong mag-Boracay, ang lugar na pinakaminimithi niyang puntahan sa tana ng buhay niya.
“Huwag po kayong mag-alala. Ako pong bahala sa inyong lahat. May bahay naman po kami ro’n at may sapat naman akong pera para sa mga kailangan nating gastusin doon. Gustong-gusto ko lang po talagang makasama ang anak niyo sa islang ‘yon,” sambit ni Ben, ang binatang manliligaw ng kaniyang anak, dahilan upang agad siyang mapapayag.
Ilang araw lang ang lumipas, dumating na nga ang araw ng kanilang pag-alis. Maaga siyang nagising upang maghanda ng panligo ng naturang binata. Ginising niya na rin ang kaniyang asawa upang maghanda ng makakain nito.
Ngunit, laking gulat niya nang pagpunta niya sa kanilang likod bahay para sana umiigib ng tubig, mga pulis ang sumalubong sa kaniya. Nakatutok ang mga baril nito sa kaniyang katawan dahilan upang mapataas siya ng kamay at mabitawan ang hawak na timba.
“Isuko mo si Ben, walang masasaktan sa pamilya mo,” sambit ng isang pulis sa kaniya.
Ngunit bago pa man siya makasagot, nakita na ng kaniyang asawa na tinututukan siya ng mga pulis dahilan upang ito’y magsisigaw-sigaw at magising ang naturang binata at ito’y nanlaban sa mga pulis. Napadapa na lamang siya sa semento dahil sa palitan ng mga putok ng baril habang nagdadasal na walang masaktan sa kaniyang pamilya.
Ilang minuto pa ang lumipas, sigaw na ng mga pulis ang kaniyang narinig. Tuluyan nang nahuli ng mga ito ang binatang iyon na ngayong nakaposas na at may tama ng baril sa paa.
“Dapat po, kinikilala niyo muna kung sinong pinapatuloy niyo sa bahay niyo. Isa nga po itong negosiyante, pero ang binebenta niya, mga ipinagbabawal na gamot. Nagtatago siya sa mga probinsya dahil pinaghahanap na siya ng batas sa Maynila,” sambit ng isang pulis nang ipaliwanag nila kung bakit ito nasa kanilang bahay.
Doon niya napagtantong sa kagustuhan niyang makaranas ng maalwang buhay, hindi niya lubos kinilala ang isang estranghero at nalagay pa sa panganib ang buhay ng kaniyang pamilya.