Pinagbabawalan ng Ginang ang Kaniyang Anak na Sumali sa Patimpalak, Ito Pala ang Magbibigay Pag-asa sa Kaniya

Pinagbabawalan ng Ginang ang Kaniyang Anak na Sumali sa Patimpalak, Ito Pala ang Magbibigay Pag-asa sa Kaniya

InspiringStoriesSuccess

“At saan ka na naman pupunta, Mariel? Huwag mong sabihing may singing contest ka na namang sasalihan? Hindi ba’t sabi ko sa’yo, itigil-tigil mo na ‘yan? Malaking oras ang nilalaan mo riyan tapos wala ka namang napapala!” bulyaw ni Rene sa kaniyang anak, isang umaga nang makita niya itong naghahanda ng mga gagamitin sa patimpalak na sasalihan mamayang gabi. 

“Mama, naman, ito po talaga ang hilig ko, eh. Hindi naman po laging wala akong napapala. Minsan naman po nanalo ako, mama, at kung matalo man ako, ang saya saya ko pa rin dahil mahal ko ang ginagawa ko,” paliwanag nito sa kaniya habang patuloy pa rin sa pag-aayos ng damit, make-up at sapatos na gagamitin. 

“Nahihibang ka na ba? Anong masaya sa pag-aksaya ng oras? Ang sabihin mo, tinatamad ka lang na tumulong sa akin mag-alok ng paninda nating lechon kaya tumatakas ka! Hubarin mo lahat ‘yan at sumama ka sa akin sa pwesto natin sa palengke ngayon!” utos niya rito saka niya itinapon sa sahig ang mga iniayos nitong gamit.

“Pero, mama…” hindi na ito muling nakapagsalita dahil agad na niya itong hinagisan ng mga damit. 

“Kung ayaw mong sumunod sa akin, papalayasin kita! Wala kang pakinabang sa bahay na ‘to, puro ka kanta, gala at barkada!” bulyaw niya pa dahilan upang mataranta itong sumunod sa kaniya pagkalabas niya. 

Palaging pinipigilan ng ginang na si Rene ang kaniyang anak sa tuwing ito’y sasali sa mga singing contest. Para kasi sa kaniya, pagsasayang lamang ng oras ang ginagawa ng kaniyang anak na imbis ilaan sa pagsama sa kaniya sa pag-aalok at pagtitinda ng paninda nilang lechong baboy, nilalaan pa nito ang oras pagkatapos pumasok sa paaralan sa pag-eensayong kumanta o kung hindi naman sa pagsali sa patimpalak na talaga nga namang ikinaiinis niya. 

Maganda kasi ang kaniyang anak, bibo at magaling makipag-usap sa mga mamimili sa palengke. Kaya naman kapag ito ang bantay at nagtitinda sa pwesto nila ro’n, malaki ang kinikita nilang mag-ina. Sa katunayan, kung hindi dahil sa kaniyang anak, hindi makikilala ang kanilang munting lechonan sa kanilang lugar na nagbibigay ngayon sa kaniya nang limpak-limpak na pera. 

Lingid man sa kagustuhan ng kaniyang anak ang pagtitinda rito dahil nga nais nitong hasain ang talento sa pagkanta, wala itong magawa kung hindi ang sumunod sa kaniya dahil ayaw nitong mapalayas. 

Kaya lang sa tuwing pinipilit niya lang ang kaniyang anak na magtinda, hindi rin maganda ang kinakalabasan. Ando’n man ang kaniyang anak, nakasimangot naman ito at walang ganang makipag-usap sa mga taong mamimili dahilan upang mag-init din ang ulo niya at ito’y pauwiin niya na lamang. 

“Malas ka lang dito, Diyos ko, umuwi ka na nga lang!” bulyaw niya sa anak. 

Lumipas ang mga araw na mag-isa na niyang pinapalakad ang pagtitinda ng lechon doon. Habang pinapabantay niya na lamang sa anak niyang panganay ang dalawa niya pang malilit na anak upang huwag lang itong makasali sa mga singing contest. 

Ngunit kahit pa buong tiyaga siyang nagtinda, tila inalat pa rin ang kaniyang negosyo dahil bigla siyang nalugi at bukod pa ro’n, siya’y nanakawan pa. 

Hindi niya alam ang gagawin noong mga panahong iyon. Tanging isang basong alak lang ang kasama niya sa hapag-kainan habang nag-iiyakan ang kaniyang mga anak sa tabi niya. 

“Nasaan ba ‘yang si Mariel!” sigaw niya dahilan upang lalong maghagulgulan ang kaniyang mga anak. 

Bago pa man niya matampal ang bunganga ng mga umiiyak niyang anak dahil siya’y naririndi na, naawat siya ng kaniyang panganay na anak. 

“Saan ka ba galing, ha? Hindi ba’t sabi ko sa’yo, bantayan mo ang mga kapatid mo?” galit niyang sambit dito saka niya ito sinabunutan. 

“Su-sumali po ako sa singing contest, mama, hindi ko na po kayang makita kang nagkakaganyan,” hikbi nito saka inabot sa kaniyang ang isang tsekeng naglalaman ng sampung libong piso, “Pupwede na po kayo ulit magsimula, mama, hindi pa huli ang lahat. Makakaasa po kayong ngayon, tutulungan na kitang magtinda, pasensya na po kayo,” dagdag pa nito dahilan upang siya’y mapaupo na lang at mapaiyak dahil sa sobrang saya. 

Doon niya napagtantong hindi niya dapat pinagbabawalan ang kaniyang anak sa gusto nito, lalo na’t para naman ito sa ikakabuti ng kanilang pamilya at siyempre, sa buhay at talento nito. 

Simula noon, imbis na pagbawalan niya ang anak, sinusuportahan niya pa ito sa abot ng kaniyang makakaya. 

More Stories