Inday TrendingInday Trending
Napagpasiyahan ng Dalaga na Humanap ng Matandang Makakapagpaaral sa Kaniya, Ikinagulat Niya Kung Sino ang Nakilalang Matanda

Napagpasiyahan ng Dalaga na Humanap ng Matandang Makakapagpaaral sa Kaniya, Ikinagulat Niya Kung Sino ang Nakilalang Matanda

“Jelaica, hindi ba’t may matanda ka ngayon?” tanong ni Hansel sa kaniyang kamag-aral na pinandidirihan ng lahat, isang umaga nang makita niya itong mag-isang kumakain sa kanilang kantin.

“Oo, sis, bakit? Gusto mo na rin bang pumatol sa matanda?” tanong nito sa kaniya habang kinakain ang biniling tapsilog.

“Oo sana, eh. Walang-wala na kasi ako ngayon. Iyong nanay ko, ni piso wala nang maibigay sa akin. Hindi ko alam kung paano ko maipagpapatuloy ang pag-aaral ko. Hindi naman sapat ang sinasahod ko sa karinderyang pinagtatrababuhan ko tuwing gabi para makabayad ako ng tuition at mapakain ko ang nanay ko,” sambit niya pa rito dahilan upang mapalunok ito at tapusin kaagad ang kinakain.

“Sigurado ka ba talaga sa gusto mo? Handa ka na bang mahusgahan ng mga tao sa paligid mo?” pagninigurado nito.

“Wala naman na akong pakialam sa sasabihin nila. Kilala mo ako, ang tanging gusto ko lang, makatapos ng pag-aaral para magkaroon na ako ng trabaho’t maitaguyod ko ang nanay ko,” kumpiyansado niyang sagot.

“O, sige, akin na ang contact details mo. Ihahanap kita ng matandang mayamang-mayaman! Porsyento ko, ha?” sambit nito sabay kindat saka pinasulat sa kaniya ang contact details niya sa isang kuwaderno.

Ang dalagang si Hansel ang tanging anak na nasa puder ng kaniyang ina. Siya kasi ang bunso sa tatlong magkakapatid at nang maghiwalay ang kaniyang mga magulang, siya’y dalawang buwang gulang pa lamang dahilan upang mapilitan ang kaniyang ina na siya’y kupkupin at ibigay sa kaniyang ama ang dalawa niya pang mga kapatid na hanggang ngayo’y hindi niya pa nasisilayan.

Simula pagkabata niya, katakot-takot na paghihirap na ang kaniyang naransan sa piling ng kaniyang ina. Halos araw-araw, kung hindi siya kikilos para makakain o uungot sa kaniyang ina na siya siya’y nagugutom na, hindi niya magagawang mapunan ang nagugutom niyang tiyan.

Sa katunayan, nasa elementarya siya noong unang beses niyang sumabak sa trabaho.

Pinasok siya noon ng kaniyang ina bilang isang tindera sa damitan ng palengke. Kumikita siya noon ng isang daang piso kada araw sa loob ng limang oras habang ang kaniyang ina nama’y naglalako ng mais.

Ang perang kinikita nilang dalawa ang ginagamit ng kaniyang ina upang makaraos sa isang araw.

Maituturing himala nga ang pagpasok niya sa kolehiyo. Kung hindi siguro siya nakitaan ng kasipagan at kagalingan ng amo niya sa palengke, siguro ngayo’y hindi siya nag-aaral.

Kaya lang, noong nakaraang taon lang, binawian na ito ng buhay dahilan upang matigil na ang pagbibigay nito ng pera sa kaniya.

Ito na ang naging dahilan upang mapilitan siyang pumasok sa isang karinderya tuwing gabi at mag-aral tuwing umaga.

Dahil nga tinatamad na ring magtinda ang kaniyang ina, labis na siyang nahihirapan sa buhay niyang ito.

Ngunit dahil nais niya talagang makapagtapos ng pag-aaral, naisipan na niyang humanap ng matandang magpapaaral sa kaniya.

Kinabukasan, matapos niyang makausap ang naturang kamag-aral, agad siyang nakatanggap ng isang mensahe mula sa hindi kilalang numero. Sabi ng kaniyang kamag-aral, ito na raw ang nahanap na matanda at pinapunta siya nito sa isang restawran malapit sa kanilang paaaralan dahilan upang agad-agad siyang magtungo rito.

Pagdating niya ro’n, agad siyang nginitian at pinaupo ng naturang matanda. Masasarap na pagkain ang nakahain sa kanilang dalawa habang siya’y kinikilala nito.

Hanggang sa umabot na ang usapan tungkol sa kaniyang pamilya. Ikinuwento niya rito ang buhay na mayroon siya sa piling ng kaniyang ina at laking gulat niya nang mapansing tumutulo na ang luha ng matandang nasa tapat niya.

“Sabi ko naman kasi sa nanay mo, ako na ang mag-aalaga sa’yo,” sambit pa nito na labsi niyang ikinagulat, “Pero, wala, eh, kinuha ka niya nang pilit at sumama sa ibang lalaki,” dagdag pa nito dahilan upang mapanganga na lamang siya.

Doon niya tuluyang nalaman ang kwentong pilit na tinatago ng kaniyang ina. Nalaman niya ring mahirap lang ang kaniyang ama noon kaya sumama ang kaniyang ina sa isang mayamang foreigner na iniwan din ito hindi kalaunan.

“Ngayong natunton na kita, hindi ko na hahayaang kunin pa nila. Ang tagal kitang hinanap, anak, sa ganitong paraan pa kita makikita,” iyak nito saka siya niyakap.

Tuluyan na nga siyang kinupkop ng kaniyang ama at pinakilala sa kaniyang mga kapatid. Pilit mang magpakupkop ang kaniyang ina, ayaw na itong tanggapin ng kaniyang ama dahilan upang kahit kaunting halaga, binibigyan niya ito para lang makaraos sa buhay.

Advertisement