Nakipag-agawan ng Jacket ang Dalagang Ito sa Isang Binata, Paano Niya Kaya Ito Nakuha?

Nakipag-agawan ng Jacket ang Dalagang Ito sa Isang Binata, Paano Niya Kaya Ito Nakuha?

FunKarmaStories

“Akin na! Akin na ‘yan! Ako ang unang nakakita sa jacket na ‘yan, eh, bitawan mo!” sigaw ni Olive sa isang lalaki habang pilit na inaagaw rito ang jacket na sabay nilang hinawakan, isang hapon habang siya’y nasa ukay-ukay upang mamili ng mga damit. 

“Anong ikaw? Ako kaya ang unang nakakita rito! Saka, nasa damitan ‘to ng mga lalaki malamang panlalaki ‘to, hindi bagay sa’yo,” sambit ng binatang ito sa kaniya habang pilit na itinataas ang hawak na jacket upang hindi niya maabot. 

“Nangingialam ka ba? Eh, sa gusto ko n’yang jacket na ‘yan, eh! Mura na, ang ganda pa ng disenyo! Kaya akin na, ako unang nakakita n’yan, eh!” pilit niya pa. 

“Utot mo!” panukso nito sa kaniya saka na tumakbo palayo. 

“Ngayon lang ako nakakilala ng lalaking isip bata at nakikipag-agawan sa babae!” bulyaw niya rito. 

“Ano naman?” tugon nito, “O, paano, bayaran ko na ‘to, hanap ka na lang ng ibang jacket!” dagdag pa nito saka tuluyan nang nagtungo sa bayaran ng mga damit. 

“Nakakainis! Sana hindi ka magkanobya habang buhay! At kung may nobya ka naman, sana mabuntis siya ng kaibigan mo!” sigaw niya, nakita niya namang tawang-tawa ito dahilan upang lalo siyang mainis at mapabusangot habang nagpatuloy sa paghahanap ng magugustuhan niyang damit. 

Hilig ng dalagang si Olive ang bumili ng mga damit sa paborito niyang ukayan sa kabilang bayan. Bukod kasi sa mura ang mga damit dito at walang gaanong taong namimili, magaganda pa ang kalidad at disenyo ng mga damit, jacket, sapatos at mga bag na binebenta rito. Kaya naman kahit may kalayuan ito sa kaniyang tinitirhang dormitoryo, sinasadya niya talaga ito at nag-lalaan ng panahon upang mamili rito. 

Sa katunayan, marami sa kaniyang mga kaibigan at katrabaho ang naiinggit at nagagandahan sa porma niya, lalo na sa kaniyang mga damit at sa tuwing sasabihin niya ang presyo nito at kung saan niya ito nabili, lalong humahanga ang mga ito. 

Kung minsan, dinadala niya ang mga ito sa naturang ukayan upang makapamili rin ng mga magagandang damit dahilan upang halos lahat ng kaniyang mga katrabaho, rito na rin mamili. 

Noong araw na ‘yon, mag-isa lamang siyang nagtungo sa naturang ukayan. Wala kasi siyang pasok sa trabaho noon kaya’t imbis na walang gawin sa kaniyang inuupahang dormitoryo, naisipan niya na lamang tumingin ng mga bagong damit dito. 

Malayo pa lang, naagaw na ng isang jacket ang kaniyang atensyon. Maong ang tela nito at maganda ang disenyo. Ngunit bago pa man niya ito makuha, may isang lalaki nang dumampot dito at iyon na nga ang lalaking nagpainit ng ulo niya. 

Sa sobrang inis niya, pagkaalis ng naturang binata, dala-dala ang jacket na nais niya, agad na rin siyang umuwi. Nawalan kasi siya ng gana maghalungkat ng mga damit dahil sa pagkainis sa lalaking ito.

Kinabukasan, habang naglalakad patungo sa kaniyang trabaho, hindi niya pa rin malimot ang panghihinayang sa jacket na iyon at ang lalaking nang-inis sa kaniya. 

“Nakakainis talaga ‘yon! Hindi na nga maginoo, isip bata pa!” sambit niya bago siya tuluyang pumasok sa gusaling pinagtatrababuhan at pilit na hinilat ang kaniyang noo upang huwag niyang masimangutan ang mga empleyado ro’n. 

Pagkarating niya sa kaniyang lamesa, laking gulat niya nang makita ro’n ang jacket na hindi niya makalimutan. 

“Diyos ko! Anong ginagawa nito, rito?” sambit niya saka itinaas ang naturang jacket upang tignan ang itsura nito. 

Pagkataas niya nito, may isang papel na nalaglag. Agad niya itong pinulot at binasa ang mga katagang nakasukat dito. 

“Tama ka, ikaw ang unang nakakita nito pero, ako ang unang nakakita sa’yo. Ang ganda mo!” dahilan upang siya’y mamula sa kilig. Bago pa man niya matakpan ang mukha, pumunta na sa kaniyang harapan ang binatang ito. 

“Gino nga pala, bagong empleyado rito. Hindi mo kasi ako napapansin dito, eh, ayan tuloy nag-ayaw pa tayo sa ukay-ukay,” sambit nito habang tumatawa dahilan upang siya’y mapatawa na rin. 

Ang pag-uusap nilang iyon ay nagtuloy-tuloy hanggang sa magpasiya na itong ligawan siya at hingin ang kaniyang kamay sa kaniyang mga magulang.

Sabi niya, “Ang lalaking sinumpa kong hindi magkakanobya habang buhay, malapit na akong maging nobya!” saka siya humalakhak nang tawa habang tinitignan sa salamin ang suot-suot niyang jacket na simula nang lahat ng kaniyang kasiyahan ngayon. 

More Stories