Inday TrendingInday Trending
Siniraan ng Dalagang ito ang Negosyo ng Kapatid dahil sa Inggit, Nagsisi Siya nang ito’y Tuluyang Nalugi

Siniraan ng Dalagang ito ang Negosyo ng Kapatid dahil sa Inggit, Nagsisi Siya nang ito’y Tuluyang Nalugi

“Sarap na sarap ka talaga sa siopao ng ate ko, ano?” tanong ni Dahlia sa kaniyang matalik na kaibigan, isang umaga habang sila’y papasok sa eskwelahan at ito’y kumakain ng panindang siopao ng kaniyang kapatid.

“Oo naman, ‘no! Kakaiba yung timpla ng palaman sa loob! Para bang natutunaw sa bibig kapag nginunguya!” sambit pa nito saka kumagat nang malaki sa siopao na hawak.

“Siyempre naman, karne ng pusa ang gamit d’yan, eh. Huwag ka nang magtaka kung bakit masarap ‘yan!” wika niya dahilan upang mapaduwal ang kaniyang kaibigan.

“Totoo ba, Dalhia? Huwag kang magbiro ng ganiyan!” sigaw nito sa kaniya habang pinipigilan ang pagsuka.

“Kailan ba ako nagsinungaling sa’yo, Amanda? Eh, matalik na kaibigan kita! Hindi ka na nagtataka kung bakit hindi ako bumibili o kahit kumakain man lang ng tinda ng kapatid ko? Hindi ka rin ba nagtataka kung bakit napakaraming pusa sa bahay namin?” sabi niya pa dahilan mabitawan nito ang hawak na siopao.

“Sa-sabi mo kasi hindi ka nakain ng siopao simula noon pa…” mangiyakngiyak na sambit nito.

“Oo nga, nakikita ko kasi paano ginagawa,” sagot niya dahilan upang tuluyan nang magsuka sa daan ang kaibigan niyang ito, habang siya, patagong ngumingisi.

Habang nagkakaedad, lumalaki lalo ang sama ng loob ng dalagang si Dahlia sa kaniyang nakatatandang kapatid. Ito kasi ang palaging pinupuri ng kaniyang ina lalo na ngayong unti-unti nang nakikilala sa kanilang lugar ang kainang pinatayo nito na nagbebenta ng iba’t ibang klase ng mga siopao.

Sa katunayan, walang araw na hindi niya narinig na masayang ikinuwento ng kaniyang ina ang kapatid niyang ito sa kanilang mga kapitbahay.

Habang siya, kahit makakuha man nang mataas na marka sa paaralan, yayakapin lang siya nito at muli nang tutulong sa paggawa ng tinitindang siopao ng kapatid dahilan upang labis na sumama ang loob niya.

Ito ang dahilan upang magpasiya siyang siraan ang negosyo ng kapatid niyang ito. Sakto naman marami silang pusa sa bahay dahil mahilig ang kapatid niya rito, ito ang ginawa niyang butas upang masiraan ito nang tuluyan.

Agad na kumalat ang balitang iyon sa kanilang lugar nang minsan niya itong sabihin sa kaniyang kaibigan dahilan upang agad na bumagsak ang negosyo ng kaniyang kapatid at ito’y labis na malungkot.

“Iyan ang dapat sa’yo! Ano ba naman kasing espesyal sa siopao mo at gustong-gusto ng lahat ng tao? Simula ngayon, lalo kong gagalingan sa pag-aaral para matupad ko ang pangarap ni mama na magkaroon ng anak na may mataas na karangalan sa kolehiyo na hindi mo natupad!” sambit niya habang nakatingin sa kapatid niyang umiiyak.

Ginawa niya ang lahat upang makakuha ng mataas na marka, lalo na’t isang taon na lang siya’y magtatapos na. Sinubsob niya ang sarili sa pag-aaral gaya ng kaniyang plano.

Ngunit, isang buwan lang ang lumipas matapos malugi ang kaniyang kapatid, isang masakit na balita ang sinabi ng kaniyang ina.

“Pasensiya ka na, Dahlia, anak, kailangan mo nang tumigil sa pag-aaral. Wala na ang negosyo ng ate mo, eh, wala na akong mapagkukunan ng pangbayad sa tuition at pangbaon mo,” sambit nito na ikinapanghina niya.

“Ano pong ibig niyong sabihin? Siya po ba ang nagpapaaral sa akin? Hindi ba’t sabi niyo po, galing ‘yon sa kapatid niyo?” tanong niya sa kaniyang ina habang pigil-pigil ang mga luha.

“Siya ang nagpapaaral sa’yo, Dahlia, ayaw niya lang ipasabi sa’yo dahil alam niyang masama ang loob mo sa kaniya,” dagdag pa nito dahilan upang tuluyan siyang makaramdam ng pagsisi at paghihinayang sa negosyong magiging susi pala sana ng pangarap niya.

Doon niya labis na napagtantong walang nagawang mabuti ang sama ng loob na mayroon siya. Hindi rin maganda ang pagseselos na nararamdaman niya dahil ito pala ang nagpapaaral sa kaniya. Hindi niya masisi ngayon ang kaniyang ina kung bakit ito tuwang-tuwa sa kapatid niya iyon dahil bukod sa mabait at mapagbigay na, hindi pa nasasakop ng poot ang puso katulad niya.

Noong araw ding ‘yon, inamin niya sa kaniyang ina at kapatid ang ginawa niyang paninira. Labis man nagalit ang kaniyang ina, labis din siyang inintindi ng kaniyang kapatid.

“Samahan mo akong muling linisin ang pangalan ng negosyo ko, pangako, maipagpapatuloy mo ang pag-aaral mo,” mangiyakngiyak na pakiusap nito na agad niyang sinang-ayunan.

Mahirap mang burahin sa isip ng tao ang paninirang kinalat niya, ginawa niya lahat upang maibalik ang dating sigla ng negosyo ng kaniyang kapatid sa pamamagitan ng dasal at tiyaga.

Advertisement