
Iniwan ng Nobyo ang Kawawang Dalaga Dahil sa Simple Nitong Itsura, Ganito Niya Dinala ang Sakit na Nararamdaman
“Ano ba ‘yang suot mo, Rina, ha? Tignan mo nga ‘yang sarili mo! Para ka lang dadalo sa inuman! Alam mo namang malaking pagdiriwang ito, hindi ka man lang nag-ayos! Ang pangit na nga ng suot mo, wala ka pa ni anong make-up sa mukha! Nakakahiya ka!” bulyaw ni Felix sa kaniyang nobya nang makita ang itsura nito, isang gabi pagkarating nito sa pagdiriwang na dadaluhan nila.
“Wala kasi akong magarang damit, Felix, pasensiya ka na. Ito na ang pinakamagandang damit na mayroon ako. Wala rin akong kahit anong make-up, alam mo naman ‘yon,” paliwanag ni Rina habang hinihilat ang gusot-gusot na suot niyang lumang polo.
“Edi sana bumili ka! May pera naman, hindi ba?” galit na tanong nito sa kaniya dahilan upang siya’y mapatungo. Marami na ring taong nakakakita sa pagtatalo nilang ito.
“Mayroon nga, pero sapat lang ‘yon para sa pangkain ng mga kapatid ko kaya pasensiya ka na kung ganito ang itsura ko,” sambit niya pa.
“Alam mo, umuwi ka na lang. Ayokong ipakita ka sa mga kaibigan ko at pasensiya ka na rin, hindi ko na kayang tiisin ‘yang ganiyang buhay mo,” galit lang wika nito saka siya agad na iniwan do’n. Wala siyang ibang magawa kung hindi ang umiyak na lang doon habang pinagmamasdang pumasok sa naturang gusali ang kaniyang pinakamamahal na lalaki.
Ang pangyayaring ito ang siyang nagbigay inspirasyon sa dalagang si Rina upang magtagumpay sa buhay. Hindi niya lubos akalaing ang lalaking tanging nagbibigay sa kaniya ng saya at kulay sa buhay, magagawa siyang iwan dahil sa kagipitang mayroon siya. Buong akala niya kasi, naiintindihan siya nito. Akala niya, kahit anong kagipitang maranasan niya, tutulungan siya nito at hindi kailanman iiwan, katulad ng pangako nito.
Ngunit tila nag-iba ang ihip ng hangin nang yumao ang kaniyang ina na siyang tanging nagtataguyod sa kanilang apat na magkakapatid. Dito na siya nagbanat ng buto upang may mapakain sa mga ito habang siya’y nagpapatuloy sa pag-aaral. Maswerte nga siya’t may mga organisasyong nagpapaaral sa kaniya dahilan upang hindi niya problemahin ang kaniyang tuition sa pagdodoktor.
Upang may mapakain sa mga kapatid, nagtatrabaho siya tuwing gabi sa isang restawran kahit na siya’y lantang-lanta na. Dito na siya unti-unting kinahiya ng kaniyang nobyo.
Napansin niyang palagi na nitong pinupuna ang itsura niya, ang damit niya at ang laman ng kaniyang wallet dahilan upang unti-unti na niya ring maramdaman na ano mang oras, iiwan na siya nito.
At sa araw nang kasal ng kapatid nito sa isang magarang hotel, doon na nga siya tuluyang iniwan nito nang makita ang itsura niya.
Ngunit imbis na magpakalunod sa lungkot noong gabing iyon. Minabuti niyang pumasok na lang sa kaniyang trabaho at ikimkim ang sakit na nararamdaman para sa mga kapatid na naghihintay ng makakain.
Simula noon, tinuon niya ang lahat ng atensyon at lakas sa pag-aaral, pagtatrabaho at pag-aalaga sa kaniyang mga kapatid. Laking swerte niya rin dahil matatalino ang kaniyang mga kapatid dahilan upang may mga magpaaral din sa mga ito dahilan upang kahit pangbaon ng mga ito, nakakalibre na siya sa gastos.
Labis man siyang nahirapan sa pagtatrabaho at pag-aaral, lalo na tuwing may eksaminasyon siya sa paaralan, ginawa niyang sandalan ang Diyos upang siya’y manatiling malakas at inspirado sa kaniyang ginagawa.
At sa kabutihang palad, pagkatapos ng ilang taong pag-aaral sa medical school at pagtatrabaho, naging isang matagumpay na siyang doktor.
Iyak siya nang iyak nang makita niyang kasama ang pangalan niya sa mga nakapasa sa pagdodoktor dahil sa sobrang sayang nararamdaman.
Nagtatalon lang siya habang yakap-yakap ang kaniyang mga kapatid. Ito na ang naging simula upang maiahon niya nang tuluyan ang sarili at ang kaniyang mga kapatid.
Nagawa na niyang ayusan ang sarili upang lumabas na ang tunay niyang ganda at ipagawa ang kanilang bahay.
Ilang buwan pa ang nakalipas, hindi niya sadyang makasalubong sa mall ang dati niyang nobyo habang naghahanap siya ng pangregalo sa kaniyang mga kapatid.
“Ri-rina, ikaw na ba yan?” hindi makapaniwalang tanong nito nang makita siya.
“Oo, Felix, kamusta ka na?” nakangiti niyang tanong.
“Grabe, hindi kita nakilala! Ang ganda mo ngayon! Kaninong apelyido na ang dinadala mo ngayon? Siguro nakapangasawa ka ng mayaman, ano?” sambit nito habang tumatawa-tawa.
“Wala pa akong asawa, pero doktor na ako,” nakangiti niyang tugon saka niya ito agad na nilagpasan, kitang-kita niya ang gulat na gulat na reaksyon nito at doon niya napagtantong, tama lang na hiniwalayan niya ang lalaking iyon.
“Salamat, Diyos ko, sa lahat ng masasakit na pangyayari sa buhay ko dahil dito, lumakas at nagtagumpay ako,” nakangiti niyang sabi habang naglalakad palabas ng naturang mall.