Inday TrendingInday Trending
Galing Ukay-Ukay na Damit Lamang ang Kayang Ibigay ng Binata sa mga Magulang; Matuwa Kaya ang mga Ito sa Kaniyang Simpleng Regalo?

Galing Ukay-Ukay na Damit Lamang ang Kayang Ibigay ng Binata sa mga Magulang; Matuwa Kaya ang mga Ito sa Kaniyang Simpleng Regalo?

Bago umuwi ay binilang munang muli ni James ang kaniyang natanggap na sweldo. Nagtatrabaho si James bilang isang kargador sa may Binondo, Maynila at ang kaniyang amo ay mga tsino.

Sumasahod lamang siya ng apat na raan at singkwenta pesos sa isang araw, na siyang pinagkakasya niya sa loob ng isang Linggo, dahil lingguhan naman ang kaniyang sahod.

Maglalakad na lamang siya pauwi para dumaan na rin sa bilihan ng damit. May malapit na ukay-ukay sa dadaanan niya. Balak niyang bilhan ng damit ang kaniyang nanay at tatay, kahit na ukay-ukay lamang, basta maayos at hindi gaya ng palaging isinusuot ng mga ito sa pang-araw-araw.

Nang marating ang naturang ukay-ukayan ay agad siyang pumili ng damit na para sa kaniyang mga magulang. Naghanap siya ng magandang klase ng damit kahit ukay-ukay lamang pero hindi naman nakakahiyang suotin.

Tatlong damit at dalawang short ang binili ni James para sa kaniyang papa, dalawang damit naman ang para sa kaniyang mama. Nang matapos bayaran ang pinamili ay dumaan naman siya sa palengke upang bumili ng bigas na magkakasya sa kanilang lahat bago dumating ang sahod, pati na ulam.

Nang matapos bilhin ang mga kailangan ay nag-desisyon na si James na umuwi na sa bahay nila, sumakay siya ng traysikel pauwi. Nang makarating sa bahay ay agad niyang nakita ang dalawang kapatid na sina Jasmine at Jason na sumalubong sa kaniya.

Siyam silang magkakapatid at siya ang pangatlo sa lahat, ang dalawang panganay ay may mga asawa na. Habang ang bunso naman ay limang taong gulang pa lang.

“Nasaan si papa, ma?” Tanong niya sa ina.“Nasa labas lang naman nagpapahangin,” sagot nito.Agad naman niyang tinawag ang ama. Maya-maya ay pumasok ito kaya agad naman niyang ibinigay ang mga ipinamili.

“Ano ‘to?” Taakang tanong ng ama.

“Bigay ko sa’yo. Palagi ko na lang kasing nakikita na paulit-ulit mong sinusuot ang mga luma mong damit sa trabaho ta’s butas-butas pa. Kaya naisip kong bilhan kayo ni mama ng medyo maayos-ayos na damit,” paliwanag ni James sa mga magulang.

Agad namang nakaramdam ng pagkailang si James nang makitang mangiyak-ngiyak ang dalawa.

“Ukay lang naman iyan, ma at pa. Kaya huwag na kayong mag-drama d’yan,” pabiro niyang wika. “Nagustuhan niyo ba? Isukat niyo para makita natin kung bagay ba,” dugtong niya.

“Kahit na,” humihingos na sambit ng ina. “Hindi naman mahalaga kung mumurahin lang o mamahalin ang bagay na ibinigay mo sa’ming mga magulang mo. Ang pinakamahalaga’y naalala mo kaming bigyan ng papa mo. Ikaw na nga halos ang inaasahan namin sa lahat, naisip mo pang bigyan kami ni papa mo,” mangiyak-ngiyak na wika ng kaniyang mama.

Agad namang nilapitan ni James ang ina saka niyakap. “Maliit na bagay lang naman iyan ma, kapag yumaman ako’y hindi lang ukay ang ibibigay ko sa inyo ni papa, pati na sa mga kapatid ko. Pero sa ngayon ay pagtiyagaan niyo muna ang kaya kong ibigay,” aniya sabay ngiti. “Pinili kong maigi ang mga iyan, tinantya ko kung bagay ba sa inyo. Kahit mura lang ang isang damit kung babagay naman ito sa magsusuot, hindi na magiging mahalaga ang presyo nito. Kaya isukat niyo na muna iyan nang makita natin kung bagay ba,” dugtong niya.

Agad namang tumalima ang dalawa at agad na isa-isang isinukat ang mga damit na binili niya. Gaya nang kaniyang inaasahan ay bumagay naman ang mga damit na binili sa kaniyang mga magulang.

“Salamat, James,” nakangiting wika ng ama. “Malaking bagay na sa’min ito, anak. Tama kang hindi mahalaga ang presyo ng bagay na ibibigay mo sa ibang tao, lalo na kung mula iyon sa puso mo. Salamat kasi hindi mo kami pinapabayaan ng mama mo.

Kahit ukay lang ito, para sa’min ng mama mo’y daig pa nito ang mamahaling damit na tanging mayayaman lang ang nakakabili. Kasi alam namin ni mama mo na ibinigay mo ito sa’min kasi mahal mo kami. Walang mamahalin at mumurahing bagay kung ang anak ang nagbibigay sa magulang. Salamat anak,” madamdaming sambit ng kaniyang ama.

Tumaba naman ang puso ni James sa sinabi ng kaniyang mga magulang. Mahirap lang ang pamilya nila at madalas ay kapos sa buhay. Kaya kahit maliit na bagay ang dumating sa kanila’y siyang kanilang pinapahalagahan. Ang sayang nakikita niya sa mukha ng mga ito’y sapat na upang tumaba ang kaniyang puso.

Niyakap niya ang dalawa at nagpasalamat na rin. Pasasalamat sa maraming bagay, higit na nagpapasalamat siya dahil na-appreciate ng dalawa ang ibinigay niya. Wala nang hihigit pa sa sayang naidudulot, kapag masaya ang taong binibigyan mo, maliit man o malaki ang ibinigay mo at kung mamahalin man ito o mumurahin. Ang mahalaga ay ibinigay mo itong galing sa iyong puso at tinanggap nila iyon nang buong puso.

Advertisement