
Ninais ng Dalagang Bigyan ang Nag-iisang Kapatid ng Regalong Galing Mismo sa Kaniya, Kaya Kahit Imposible ay ‘Di Siya Humingi ng Tulong sa mga Magulang; Magawa Niya Kaya ang Nais?
Matapos basagin ang alkansya ay agad na binilang ni Cheska kung magkano ang laman niyon. Naipon niya ang lahat ng iyon mula sa kaniyang baon. Sadya siyang nag-ipon upang may maipambiling regalo sa kaniyang kapatid na si Simon, na bukas na ang kaarawan. Grade 8 siya habang si Simon ay nasa Grade 3 pa lamang.
Nang minsan niyang tinanong noon si Simon kung ano ang nais nitong ibigay niyang regalo’y sinabi nitong bisikleta ang gusto nitong kaniyang iregalo. Kaya simula noon ay nag-ipon na siya sa kaniyang ginawang alkansya na yari sa lagayan ng pulbo.
Kahit sa simpleng paraan ay nais niyang ibigay sa nag-iisang kapatid ang hinihiling nitong bisikleta sa darating na kaarawan. Bilang pasasalamat na dumating ito sa buhay nila at dahil doon ay nagkaroon siya ng kapatid at kakulitan. Gano’n niya kamahal si Simon.
“Magkano ang naipon mo, Cheska?” nang-uusisang tanong ni Aleng Belen, ang kanilang katulong.
“Tatlong libo lang po, Nanang Belen e,” dismayado niyang sambit. “Magkakasya kaya ito sa bibilhin kong bike?”
Agad na nagkibit-balikat ang matandang katulong. “Hindi ko lang alam, Cheska, anak. Pero baka may mabibili ka nang bisikleta sa ganiyang halaga, hindi nga lang kasing ganda noong mga tiningnan mo, pero ang mahalaga’y isang bisikleta,” ani Aleng Belen.
Ngumuso si Cheska saka tinitigan ang naipong pera. Halos mag-iisang taon niyang pinag-ipunan ang perang iyon, ilang recess ang pinalipas niya para lamang maipon ang kaniyang baon, kaso hindi pa rin pala sapat.
Nilingon niya si Aleng Belen saka malalim na bumuntong hininga. “Sa tingin niyo, nanang, may mabibili akong bike sa halagang ito?” muli niyang tanong.
Matamis na ngumiti ang matanda. “Madali lang naman iyang pino-problema mo, anak. Bakit hindi mo subukang humingi sa mama at papa mo? Malamang tutulungan ka ng mga iyon?”
“Gusto ko kasing galing sa pinahirapan ko ang perang ipambibili ko ng bike,” malungkot niyang sambit.
Bahala na! Basta susubukan niya bukas na pumuntang Raon, sabi kasi ng mga kaklase niya, marami raw ang murang bisikleta sa Raon, at doon siya magbabakasali bukas. Sana nga makahanap siya ng magandang bisikleta na pasok sa budget niya. Aagahan niya na lang para mas makapili siya nang mabuti.
Kinabukasan ay maaga siyang nagpaalam sa mga magulang na magsisimba lamang sa Quiapo. Muntik pa siyang ayaw payagan lalo na’t siya lang mag-isa ang babiyahe. Mabuti na lang at napapayag niya ang mga magulang nang sinabing isasama na lamang niya si Nanang Belen.
Magkasama sila ng kaniyang nanang na nag-ikot sa may Raon, upang maghanap ng bisikletang pasok sa kaniyang budget at pasok rin sa kaniyang panlasa.
Ilang tindahan rin ang pinasok nila nang sa wakas ay makahanap siya ng nagustuhan niyang bisikleta.
“Kuya, wala na po bang tawad ang bike na ito?” tanong niya sa tindero sabay turo sa bisikletang nagustuhan.
“Mura na iyan ma’am, naka-sale na nga po iyan kaya three-eight na lang ang bigay namin,” anito.
“Kuya kahit three-two, hindi kaya?” Pakikipagtawaran ni Cheska.
Umiling ang lalaki tanda ng pagtutol, kaya agad na nakaramdam ng lungkot si Cheska. Paano ba iyan? Ito na ang pinakamurang nakita niyang bisikleta, kaso P3,200.00 lang talaga ang dala niyang pera. May mga mas mura naman sana kaso hindi naman niya gusto ang itsura.
“Wala na bang last price iyan, hijo? Tapat lang lang kasi talaga ang dala ng alaga kong pera. Pinag-ipunan lamang niya iyan para lang mabilhan ang kapatid niya ng gusto nitong bisikleta sa kaarawan nito,” paliwanag ni Nanag Belen.
“Gano’n po ba?” magalang na wika ng lalaki. “Kailan po ba ang kaarawan ng kapatid mo, ma’am?”
“Ngayon na po,” sagot ni Cheska.
“Kaso ma’am hindi talaga kaya sa three-two ang bike na ito. Kahit three-five na lang ma’am, kaya po ba? Discounted ko na lang ang three hundred.”
Tumingala si Cheska kay Nanang Belen na tila ba naghihintay ng approval nito, kung bibilhin ba niya o hindi.
“Okay na ba iyan, Cheska?” tanong ni Nanang Belen.
“Kas—”
Hindi na niya naituloy ang sasabihin nang muling magsalita ang nanang. “Ako na ang bahala sa kulang, ‘nak,” anito.
Nabili na nga nila ang bisikleta kaya agad rin silang umuwi ni Nanang Belen upang maibigay na kay Simon ang bisikletang nais nito.
Gaya nang inaasahan ay masayang-masaya ang kapatid nang makita ang ibinigay niyang bisikleta para rito.
“Salamat, ate! The best ka talaga,” masayang-masayang sambit ni Simon.
“Happy birthday bunso, ate loves you,” buong pusong sambit ni Cheska saka ginawaran ng halik sa noo ang kapatid.
“I love you too, ate!” malawak ang ngiting sambit Simon at maya-maya lang ay nagpaalam na upang subukang gamitin ang bigay niya.
Nilapitan siya ng kaniyang mama at papa upang yakapin at magpasalamat na rin sa ibinigay niya.
“Saan ka kumuha ng perang ipinambili sa bisikletang iyon, ate?” takang tanong ng ina.
Agad naman niyang ipinaliwanag ang lahat sa ina kung paano niya nabili ang bisikletang ibinigay sa kapatid.
“Ang bait naman ng ate ko,” masayang wika ng ina. “Ate na ate ka na talaga, ‘nak. Hindi ka na baby kasi nagagawa mo nang bilhin ang mga bagay na hindi nanghihingi sa’min ni papa mo. I’m so proud of you, sweetheart,” dugtong nito sabay yakap sa kaniya nang mahigpit.
“Ang drama mo naman, mama,” natatawang sambit ni Cheska. “Siyempre, ginagawa ko ito kasi mahal ko si bunso. Minsan lang naman akong makapagbigay sa kaniya ng regalo kaya dapat lubos-lubos na. Hayaan mo next time, mag-iipon ulit ako para ikaw naman ang bibigyan ko ng regalo sa birthday mo. Ano bang gusto mong regalo, mama?”
Umiling ang ina saka matamis na ngumiti. “Wala na akong ibang ninais na regalo sa mundo mula noong ipinanganak ko kayo ni bunso, Ate Cheska. Sapat na sa’ming makitang masaya kayong dalawa, iyon na ang regalong nais ko sa inyo,” anito saka muling niyakap ang anak.
Tunay na kung gusto ay may paraan, dahil nahanapan ni Cheska nang paraan ang hiling ng kapatid. Salamat kay Nanang Belen na palaging nandyan upang suportahan siya at salamat rin sa kaniyang mga magulang na mahal na mahal sila.