Nalalapit na ang Kaarawan ng Isa Nilang Kaibigan Ngunit Alanganin Itong Idaos ang Kaarawan; Muli pa Kaya Silang Makumpletong Magkakaibigan?

Tuwing hapon ay nasa plaza silang magkakaibigan upang maglaro ng basketball, nagpapapawis lang. Hindi kagaya noong mga kabataan nila’y lagi silang kumpletong magbabarkada. Ngayon kasi’y may mga kaniya-kaniyang buhay na sila. Ang iba’y may mga pamilya na kaya kayod buto na ang mga ito. Ang iba naman ay mas nagiging responsable na para sa hinaharap, kaya madalang na lang mangyaring nakukumpleto sila.

“Uyy! Carlo, kaarawan na pala bukas ni Boboy,” ani Victor sa kaibigan.

“Oo nga raw e,” maiksing sagot ni Carlo, ang buong atensyon nito ay nasa paglalaro.

“Ano raw ang plano niya?”

“Ewan ko? Sabi niya papasok muna siya sa trabaho, sa gabi na lang daw tayo magkita-kita. Mukhang wala yatang pera ‘yon kasi wala namang sinabi sa’kin no’ng huli kaming nag-usap kung magpapakain ba o magpapainom,” ani Carlo, patuloy pa rin sa paglalaro ng basketball.

Tumango-tango na lamang si Victor, saka kinuha ang selpon sa bulsa upang tawagan ang kaibigang si Boboy. Mas mabuti na iyong sigurado.

“Kumusta p’re? Birthday mo na bukas ah. Anong plano mo?” tanong niya kay Boboy sa kabilang linya.

“Oo nga p’re e,” anito sabay buntong hininga. “Wala pa akong sahod p’re, baka magpa-softdrinks na lang ako sa inyo bukas. Marami rin kasing sumalubong na bayarin sa bahay, kaya pagpasensiyahan niyo na muna ako p’re. Babawi ako kapag nakaluwag-luwag na,” nahihiyang hinging paumanhin ni Boboy.

Advertisement

Hindi man nakikita ni Victor ang mukha ng kaibigan, alam niyang nakayuko ito ngayon at mukhang malungkot. Mula noong nakapagdesisyon silang magkakaibigan na maging responsable na sa buhay, iisa lamang ang ipinangako nila. Magsasama-sama silang muli na kumpleto, sa t’wing may kaarawan ang isa sa kanila.

Kaya naiintindihan niya ang lungkot sa boses nito ngayon.

“Ayos lamang iyo, p’re. Kinamusta lang kita para mas masiguro kung ano ba plano bukas,” nakangiting wika ni Victor, pilit pinapagaan ang pakiramdam ng kaibigan. “Papasok ka pa ba bukas?”

“Oo p’re e. Sa gabi na kang tayo magtipon-tipon sa plaza, ang mahalaga’y kumpleto pa rin tayong iinum ng softdrinks,” ani Boboy sabay tawa ng magaan.

Nakitawa naman si Victor saka muling nagsalita. “Aantayin ka namin ng tropa sa plaza bukas ah! Dapat sumipot ka, friendship over kapag hindi,” pabirong banta niya rito.

Muling tumawa si Boboy. “Sira! Ako pa ba p’re? Sige na’t may trabaho pa ako. Kitakits na lang bukas ng gabi sa plaza. Sana kumpleto pa rin tayo kahit wala akong handa sa kaarawan ko,” ani Boboy saka nagpaalam.

Mula sa pagkabata hanggang ngayong mga binata na sila at may mga kaniya-kaniyang obligasyon nang kinakaharap ay nanatiling matatag ang pagkakaibigan nilang lima. Hindi masabi ni Victor kung paanong nangyari, basta ang alam niya’y masyado nang matibay ang pundasyong nagawa nila para masira pa ang pagkakaibigan na meron sila.

“Ambagan tayo sa kaarawan ni Boboy, sabihin mo sa lahat ng tropa,” utos ni Victor kay Carlo na agad namang sinang-ayunan nito. Kaya napagkaisahan nilang mag-ambagan upang idaos ang simpleng kaarawan ni Boboy, salamat naman at walang kahit isa ang nagreklamo kaya walang naging problema.

Advertisement

Kinabukasan ay si Victor ang nag-asikaso sa lahat nang kakailanganin sa kaarawan ni Boboy, kasama si Carlo dahil may trabaho pa ang ibang tropa.

Bumili lamang siya ng dalawang buong letchon manok, tatlong supot ng sliced bread, palaman, at powder juice upang mas makamura kaysa sa softdrinks. Nagsaing na rin siya ng kanin upang siguradong mabubusog silang magkakaibiban. Ang sobrang pera ay ibinili niya ng kahit anong chichirya upang may mangatngat sila habang nagkukwentuhan.

Nakahanda na ang lahat at ang hinihintay na lamang ay ang birthday boy na si Boboy. Nang makarating ito’y agad nilang sinorpresa ang kaibigan na halos mangiyak-ngiyak sa sobrang tuwa nang makita ang effort na ginawa nilang magkakaibigan.

“Ano ba naman iyan… nakakataba naman kayo ng puso,” mangiyak-ngiyak na wika ni Boboy na animo’y isang batang paslit na tuwang-tuwa sa handang nasa harapan.

“Simpeng selebrasyon lamang ito, Boboy, na handog namin sa’yo. Siyempre! Hindi kagaya noong mga bata pa lang tayo’y halos araw-araw tayong nagkakasama. Ngayon kasi’y ikakasaya na natin kung sa isang Linggo’y makumpleto tayo. Kaya kinuha na namin ang kaarawan mo upang muli tayong magkasama-sama,” masayang wika ni Victor.

“Tama! Kahit ganito lang ang nakayanan naming ihanda sa kaarawan mo’y ayos lang. Ang mahalaga kasi sa araw na ito’y kumpleto tayo. Kaya—” bitin ni Carlo saka sabay-sabay na nagsikantahan ang lahat ng kantang Happy Birthday.

Kahit hindi magarbo ang handang inihandog nina Victor at Carlo kasama ang mga kaibigan nila’y masaya naman silang lahat sa naging kaarawan ni Boboy.

Ang sarap magkaroon ng mga kaibigang hindi nakakalimot at mas lalong masarap sa pakiramdam na may kaibigan kang hindi nang-iiwan.