
Nagalit ang Ginang sa Pakikialam ng Ina Niya sa Pagdidisiplina Niya sa mga Anak; Napahiya Siya nang Pangaralan Siya ng Kaniyang Panganay
Sinulyapan ni Gina ang orasan sa dingding bago siya sumigaw upang gisingin ang dalawang anak.
“Jane! Jonas! Bumangon na kayo nang hindi tayo tanghaliin sa pagpasok!” malakas na sigaw ni Gina sa dalawang anak na alam niyang nasa kasarapan pa ng tulog.
“Gina, ang aga aga pa, hayaan mo naman ang mga bata na makapagpahinga pa kahit kaunti,” narinig niyang kontra ng kaniyang ina na kasalukuyang naghahanda ng almusal.
Napabuntong hininga siya bago buong hinahon na sinagot ang ina.
“‘Nay, napakabagal ho kumilos ni Jane. Si Jonas madalas nagrereklamo dahil napapagalitan siya sa tuwing tinatanghali sila,” paliwanag niya sa ina.
Nagkibit-balikat ang matanda. Halatang may nais pa itong sabihin ngunit pinanatili nitong tikom ang bibig.
Napailing na lang si Gina. Magkaibang-magkaiba talaga sila ng kaniyang ina sa pagtrato sa mga bata.
“Kumain ka ng gulay, Jane. Hindi maganda ‘yang mapili kang masyado sa pagkain,” inis na kastigo niya sa anak na si Jane nang mapansin niyang pinipili nitong hindi nito ginagalaw ang pagkain.
Sumimangot ang dalagita bago tila humihingi ng saklolo na pinukol nito ng tingin ang lola.
“‘Wag mong pagalitan ang bata, Gina. Hayaan mo siyang kainin ang gusto niyang kainin. Hindi mo naman ‘yan maaring pilitin na pakainin ng pagkain na hindi niya gusto,” narinig niyang pagtatanggol dito ng kaniyang ina.
Pinukol niya ng matalim na tingin ang anak na nag-iinarte.
“Kakainin mo ‘yan, kung ayaw mong ako pa ang magsubo niyan sa bibig mo,” matigas na wika niya sa anak.
“Napakaarte mo! Ang dami-daming batang nagugutom!” sermon niya pa sa dalagita.
Nakasimangot na tumango ang anak.
Dismayadong dismayado naman si Gina sa kaniyang ina. Masyado nitong ini-spoil ang mga bata!
“‘Nay, bakit naman ho ganun kayo sa harap ng mga bata? Hindi ko gusto na kinokontra niyo ako sa harap nila!” inis na kompronta niya sa ina.
“Anak, kilala ko ang mga anak mo. Lalong lalo na si Jane. May pagka-maldita ‘yun kagaya mo, kaya ayaw niya na pinapagalitan siya kasi lalo siyang magrerebelde. Ang dapat doon ay kinakausap nang maayos,” katwiran ng matanda.
“”Nay, sinasabi mo bang hindi ko kilala ang mga anak ko? Hindi porke’t ikaw ang nagpalaki sa kanila ay may karapatan ka nang magdesisyon para sa mga anak ko. Ako pa rin ang ina nila,” matalas na asik niya sa ina.
“Anak, hindi naman sa ganun–”
“Kaya ‘wag niyong pakialaman ang pagpapalaki ko sa mga bata!” putol niya sa anumang sasabihin ng ina.
Nakakaunawang tumango lamang ito bago nagsimula nang maglinis ng kanilang mga pinagkainan.
“Mabuti naman ho at nagkakaintindihan tayo,” pakli niya bago siya nagsimulang maghanda na sa pagpasok.
Akala niya ay iyon na ang huling beses na hindi sila magkakasundo ng ina subalit nagkamali siya.
Kasalukuyan silang nag-uusap ni Jane. Nagpapaalam kasi ang dalagita na makitulog ito sa bahay ng isang kaibigan ngunit matigas ang hindi niya pagpayag.
“Mama! May gagawin kaming project! Nakakahiya naman sa mga kaklase kung hindi po ako sasama!” pagpupumilit ng dalagita.
“Sinabi ko nang hindi, Jane. Alam ko na ang mga ganiyan, hindi naman talaga kayo mag-aaral, dahilan niyo lang ‘yan,” naiiling na kastigo niya sa anak.
“Mama! Paano niyo po nasasabi ‘yan? Hindi po ako ganun! Ikaw ba talaga ang nanay ko? Parang hindi mo ako kilala!” nabiglang sigaw nito.
Bago pa siya makapag-isip ay dumapo na ang kanang kamay niya sa pisngi ng anak niya.
Nang mahimasmasan siya ay nakita niya si Jane na umiiyak na nakahawak sa pisngi nito.
“Gina, anong nangyari? Bakit umiiyak ang apo ko?” gulat na sumulpot ang kaniyang ina sa sala nang marinig nito ang komosyon.
“Itong batang ‘to, bastos! Sinagot-sagot ba naman ako!” kwento niya sa ina.
“Lola, hindi niya ako pinayagan na sumama sa kaklase ko! Sinampal niya pa ako!” sumbong ng dalagita sa matanda, na lalo niyang ikinagalit.
“Gina! Bakit mo naman sinaktan?! Para naman sa pag-aaral ang gagawin nila!” tila bata na pinagalitan siya ng ina, dahilan upang lalo siyang mag-apoy sa galit.
“‘Yan, ‘yan ang dahilan kaya lumaking bastos ang anak ko, ‘Nay! Kasi parating mong kinukunsinti!” galit na sagot niya sa ina.
“Gina, ang sa akin lang ay kausapin mo nang mahinahon si Jane, hindi ‘yung sinasaktan mo. Walang kahit na sinong bata ang dapat saktan ng sarili nilang magulang. Ikaw ba sinaktan kita noon?”
“Tapos na ang usapang ito! Ang mabuti pa ho ay bumalik ka na kayo sa probinsiya! Ako nang bahala sa mga anak ko rito!” pagdedesisyon niya.
“Mama!” protesta ni Jane.
Natahimik naman ang kaniyang ina bago ito nakakaunawang tumango.
“Kung ‘yan ang gusto mo, Gina,” sagot nito.
“Mama! Bakit mo pinapaalis si Lola?” umiiyak na tanong ni Jane.
“Bakit? Ayaw mo kasi wala ka nang kakampi?” irap niya sa anak.
Maya-maya ay humahangos na dumating ang panganay na anak niyang si Jonas. Dalawang taon ang tanda nito kay Jane. Magalang na bata ang kaniyang panganay, bagaman bihirang-bihira ito magsalita.
“‘Ma, aalis na si Lola? Pero bakit po?” namimilog ang matang usisa nito.
“Jonas, pati ba naman ikaw kakampihan mo ang Lola mo? Paaalisin ko ang Lola niyo dahil nagiging sutil ang kapatid mo, masyadong maldita!”
Nagulat siya nang muling magsalita ang binatilyo. Hindi naman kasi ito palasalita.
“‘Pag inaalala ko ang mga araw na bata pa ako, si Lola ang madalas nandoon. Lagi po kasi kayong busy sa trabaho,” wika ni Jonas bago ito umupo sa tabi niya.
“Sa mga meeting sa school, sa mga birthday namin ni Jane, kahit sa mga panahong naoospital kami ni Jane, si Lola po ang laging kasama namin,” pagpapatuloy pa ng binatilyo.
“Dahil kay Lola, hindi po kami masyadong nalulungkot. Kasi lagi niya pong sinasabi na kaya ka laging wala kasi nagtatrabaho ka para sa amin ni Jane, at naiintindihan namin ‘yun.”
Tahimik niyang hinintay na matapos ang sinasabi ng anak. Ngunit unti-unti na siyang tinutubuan ng konsensya.
“Pero, Mama, bakit po parang ni minsan, hindi ko narinig na nagpasalamat ka kay Lola sa pagpapalaki sa amin? Ngayon malaki na kami at hindi mo na kailangan ng mag-aalaga sa amin, pinapaalis mo na po si Lola?” malungkot na tanong ni Jonas.
Natigagal si Gina. Hindi niya inaasahan ang narinig mula sa panganay na anak. Anak niya ito ngunit ito pa ang nagtuturo sa kaniya ng magandang asal.
Kumirot ang kaniyang puso dahil sa kaibuturan nito, alam niyang tama ang lahat ng sinabi ni Jonas.
Kinaya niya ang pagiging single mother dahil may katuwang siya sa pagpapalaki ng kaniyang mga anak. Ang kaniyang sariling ina. At hindi tamang sabihin na wala itong karapatan na pakialaman siya.
Umiiyak na humingi siya ng tawad sa kaniyang ina.
“‘Nay, pasensiya na ho. Hindi ko ho sinasadya na masaktan kayo sa mga sinabi ko. Malaki po ang pasasalamat ko na ikaw ang nagpalaki sa mga anak ko. Dahil sa’yo, lumaki silang mabait, magalang, at mabubuting bata.”
“Wala ‘yun anak, lahat naman tayo nagkakamali. Ang saya saya ko kasama ang mga apo kong mababait. Akala ko talaga paaalisin mo na ako,” naluluhang tugon ng kaniyang ina.
Hiyang hiya si Gina sa inasta niya sa ina. Subalit aalalahanin niya nang matagal na panahon ang pangyayaring iyon upang magpaalala sa kaniya na maging mabuti sa kaniyang ina na tumulong sa kaniya nang walang hinihinging anumang kapalit.